Buod ng Homiliya: Reb. Padre Cesar F. Acuin, OFMCap. nung Ikalimang Linggo ng Kwaresma – Ika-29 ng Marso, 2020

2
814

Ibinuod ni Aurora de los Reyes

Misa ni Reb. Padre Cesar F. Acuin, OFMCap. Kura Paroko ng Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes (NSOLL).

Unang Pagbasa- Ezekiel 37:12-14; Responsoryo: Sa piling ng Poong Diyos, May Pag-ibig at Pagtubos

Ikalawang Pagbasa- Roma 8:8-11; Mabuting Balita- San Juan 11: 1-45 (Pagbuhay kay Lazaro)

Buod ng Homiliya

Makiisa tayo sa mga frontliners para mabigyang saysay ang kanilang pakikibakang pagliligtas ng buhay.

Iniugnay ang pangaral sa nagaganap na mga pangyayari sa kasalukuyang panahon at sa Mabuting Balita.

Naihambing ang ating mga frontliners – mga duktor at nars – sa mga ospital kay Lazaro, na namatay at muling binuhay ni Hesus dahil sa Kaniyang pagmamahal sa kaniyang kaibigan. Si Lazaro ang simbolo ng mga frontliners natin. Sila ang mga kaibigang minamahal ni Hesus na may sakit at mayroon din sa kanilang pumanaw na. Mahal na mahal sila ni Hesus sapagka’t ang kanilang ginagawa ay maka-Diyos: nag-aalaga para gumaling ang mga maysakit; nagbibigay buhay. Ito rin ang ginawa ni Hesus noong Siya ay nabubuhay. Walang higit na pag-ibig kung hundi yung sa mga taong nag-aalay ng buhay para sa kapwa. Maraming taong gumagawa ng mabuti nguni’t kapag namatay na ay naililibing na rin sa limot at alaala ang kanilang ginawang mga kabutihan. Kaya, ano ang saysay ng mga sakripisyong ito na dulot ng pagmamahal kung ang buhay ng tao’y hanggang libingan lang?

Ngayong linggong ito, ipinapaalaala ni Hesus na may buhay na walang hanggan; na ang tunay na buhay ng tao ay hindi natatapos sa daigdig na ito. Mayroong buhay na walang hanggan na kung saan ay tatamasahin natin ang gantimpala ng ating mga gawaing pagmamahal at kabutihan para sa ating pamilya at sakripisyong ginawa para sa ating kapwa. Lahat ng ito’y may saysay sapagka’t babaunin natin ito sa buhay na walang hanggan. Sinabi ni Hesus kay Marta: Ako ang Buhay at ang Muling Pagkabuhay. Sino mang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay at sino mang namatay ay muling mabubuhay. Ang tinutukoy ni Hesus ay hindi buhay ng katawan kung hindi buhay espiritwal. Ang bawa’t tao ay binubuo ng katawan at kaluluwa. Ang tunay na katotohanan: ang buhay nating ito ay hindi lamang para sa daigdig; para rin sa buhay na walang hanggan. Ito ang kahulugan ng ating mga sakripisyong pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

Ang hamon para sa atin: Sana maging inspirasyon sa atin ang mga sakripisyong ginagawa ng ating mga frontliners para magkaroon ng saysay ang kanilang pag-aalay ng sarili na nasusuong sa kapahamakan; hindi alintana ang kanilang sariling kaligtasan at ang kanilang sariling pamilya. Binubuwis ang kanilang buhay, nagsasakripisyo para sa bayan. Sila ang mga tunay na bayani; mga bagong martir ng ating panahon.

Ang dapat nating gawin: 1) Pakinggan ang kanilang pagsusumamo na manatili tayo sa ating mga tahanan para walang hawahan; para hindi lalong lumaganap ang sakit na magpapahirap pa sa ating mga frontliners; 2) Manalangin bilang isang pamilya. Magdasal ng Santo Rosaryo hindi lamang para sa mga duktor at nars kung hindi para rin sa mga maintenance staff at security guard na nakikipagsalamuha din sa mga maysakit. Mabisa ang pananampalataya.

Anumang liit o laki ng maaari nating magawa ay magkaroon sana ng kabuluhan o saysay ang ating pananampalataya at pakikinig sa ating mga frontliners bilang pakikiisa sa kanila.

#NSOLLPH

2 COMMENTS

  1. Salamat po sa pagbuod ng Homiliya ni Fr. Cesar Acuin. Mahina po kasi signal dito sa amin. Magpatuloy po sanang ganito. GOD bless & protect us all!???

  2. Thanks very much to our website writers and editors. You are doing a great service to our viewers and parishioners in summarizing the homilies of our priests and putting them in our website to highlight interesting points for reflection. Thanks much also to viewers who have given positive or encouraging feedback. God bless you all!

Comments are closed.