Buod ng Homiliya ni Reb. Padre Cesar Acuin, OFMCap.

0
785

Ibinuod ni Aurora de los Reyes

Dakilang Kapistahan ng Pag-akyat ni Kristo sa Langit (Solemnity of the Lord’s Ascension)

Ika -54 Araw ng Komunikasyon sa Mundo (54th World Communications Day)

Tema: Exodo 10:2 Upang masabi ninyo sa inyong mga anak at apo: Ang buhay ay nagiging kasaysayan.

Unang Pagbasa—Gawa 1: 1-11 Si Hesus ay iniakyat habang nakatingin ang mga alagad

Salmong Tugunan—Habang umaakyat ang Diyos, ang tambuli’y tumutunog.

Ikalawang Pagbasa— Ephesians 1: 17-23 Iniluklok si Kristo sa kanan ng Diyos Ama sa kalangitan

Aleluya: Humayo’t magturo kayo; palaging kasama Ako hanggang sa wakas ng mundo.

Mabuting Balita—Matthew 28:16-20  Ibinigay na sa Akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa

Buod:

Ipinagdiriwang ang paggunita ng Dakilang Kapistahan ng  Pag-akyat sa langit ni Hesus na muling nabuhay. Pagkatapos ng 40 araw ng pagpapakita sa mga apostol mula nang Siya ay nabuhay na muli, .. dumating na ang panahon na Siya ay babalik na sa langit. Ito ang napakamahalagang bahagi ng hiwaga– pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo. Ang Kaniyang pag-akyat sa langit ay nangangahulugang  naganap na ang Kaniyang misyon. Nguni’t ito rin ay mayroong kaakibat na misyon para sa ating lahat na mga binyagan at anak ng Diyos- ang maipalaganap ang Ebanghelyo at gawin ding mga disipulo ang sangkatauhan.

Pagninilay:

Sa Linggong ito, ipinamamalas ang mahalagang misteryo ng ating pananampalataya; bahagi ng mahahalagang pangyayari sa buhay ni Hesus at turo ng ating pananampalataya. Babalik na Siya sa kalangitan sa piling ng Kaniyang ama at ng Diyos Espiritu Santo at doon  masasabi niya na naganap na ang kaniyang misyon.  Sa susunod na linggo ay ipadadala Niya ang Diyos Espiritu Santo sapagka’t iyon ang plano ng Diyos at doon ipagpapatuloy ng mga alagad ni Hesus ang misyon- ang ipalaganap ang Ebanghelyo.

Sa Ebanghelyo ngayon- ang huling pananalita ni Hesus at habilin sa mga apostol—

1-      “Ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa ay ibinigay  sa akin”..

Sa simula pa, si Hesus ay totoong Diyos ngunit iniwan niya ang kapangyarihan ng panandali para maging tao. Ang ating sinusundan ay hindi tao lamang, Siya ay totoong Diyos. Kaya’t sa panahon ngayon na marami ang makapangyarihan at maraming sumusunod sa mga utos ng mga taong ito. Nguni’t huwag tayong magpalinlang sapagka’t iisa lamang ang totoong makapangyarihan, ang Diyos ng sanlibutan, si Kristo na ating pinanampalayatanan.

2-      “Humayo kayo at gawing mga alagad ko ang lahat ng bansa..”

Ito ay napakamahalagang mandato, utos para sa atin sapagkat hindi lang para mapaniwala sila kung hindi para maging alagad din sila- mga tagasunod. Ang disipulo o alagad ay hindi lamang naniniwala kundi siya rin ay sumusunod kay Hesus hanggang sa wakas ng kaniyang buhay.

3-      ” Binyagan ang lahat sa ngalan ng Ama, ng Anak at ng Espiritu Santo..”

Dito naliwanagan ang mga apostol na ang Diyos pala ay may tatlong Persona.  Kaya tayo nangungrus- tanda ng ating paniniwala sa Banal na Santatlo. Napakahalaga ng binyag sapagka’t nagiging anak tayo ng Diyos, pinapawi ang kasalanag mana, tinatatatakan tayo sa ating kaluluwa na sa simula ngayon kahit na ikaw ay lahing dahop; kahit ikaw ay mahirap, ikaw ay anak ng Diyos na bininyagan sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Sant0. Ang ibig sabihin ay binibigyan tayo ng karapatang pumasok sa buhay na walang hanggan.

4-      “Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo”

Mahalaga na tayong mga alagad ni Hesus ay patuloy na nagpapaturo. Malungkot kapag sinasabi nating tayo ay Kristiyano ngunit ang alam lang natin tungkol sa Diyos ay nang Grade 3  tayo nang tayo ay nagkatesismo para mag-1st Communion. Pagkatapos noon ay wala na. Hindi na tayo nagpapaturo kaya hindi na natin nauunawaan ng malalim ang ating pinananiniwalaan. Kapag may dumating na ligalig ay nahihirapan tayong umunawa. Ang pagiging Kristiyano kailangang patuloy na matuto sapagkat ang turo ni hesus ay turong pangsawalang hanggan; hindi lamang pangngayon. Ang pinakabuod ng kaniyang pagtuturo: pagmamahal sa Diyos at sa kapwa.

5-      “Tandaan ninyo, Ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlinbutan..”

Hindi tayo iniiwan ni Hesus. Hindi natin Siya nakikita sa anyo ng tao sapagkat  kapiling na Siya ng kaniyang Ama sa langit. Nguni’t lagi natin Siyang kapiling sa banal na Misa- hindi nga lang sa anyo ng tao  kung di sa anyo ng tinapay at alak,  tanda ng kababaang loob. Totoong naririto Siya sa puso ng bawat mananampalataya. Paulit-ulit na sinasabi sa Ebanghelyo ni San Juan ang mga kataga ni Hesus, “Kung iniibig ninyo Ako, ang aking Ama at Ako ay manananahan sa inyong puso..” Sinira na ni Kristo ang balakid ng kasalanan at kalikasan kaya kung dati hindi makapasok ang Diyos sa atin, ngayon nakapapasok na dahil kay Kristo.  Puede tayo magdasal sa Kaniya dito sa ating puso dahil kapiling natin Siya lagi.

Hamon:

Ang mandato ni Kristo sa bawa’t Kristiyano-“ Gawing disipulo Ko ang lahat ng tao.” Ang plano ng Panginoon – puti man o itim, Muslim man o Kristiyano man o hindi, lahat ay maging anak ng Diyos. Ito ang tinatawag na “Great Commissioning.”  Gawin ng kaniyang alagad na maging  marami ang mga bagong alagad hanggang sa wakas ng panahon. Itong utos na ito ay hindi para lamang sa mga apostol na sina Pedro, Pablo at Juan  kundi ang tinutukoy ni Hesus ay para rin sa ating lahat na gawin ang Kaniyang utos- “Humayo kayo at gawing alagad ang lahat ng bansa..”

Bilang mga anak ng Diyos, binigyan tayo ng mandato ni Kristo para maipalaganap ang mabuting balita. Gawin natin sa kaniya-kaiyang paraan.

Hindi tayo kailangang maging pari o misyonero.

Misyon:

Ano ang ibig sabihin nito? Ano ang puedeng gawin?

Sa loob ng tahanan, unang “missionary territory”, ang pamilya. Himukin silang  hindi lamang maniwala kung hindi gawin pa silang  tagasunod ni Kristo. Ang gawing disipulo ang isang tao ay isang napakagandang gawain  sa loob ng pamilya —binibigay na atas lalo na sa mga magulang sa kanilang mga anak, at sa magasawa para sa isa’t isa.

Itoy mangyayari  hindi lamang sa salita lalo’t higit sa buhay natin. Naaakit ang tao sa pamamagitan ng ating pagsaksi o mismong pagsasabuhay ng ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Isang magandang  halimbawa ang pagsisimba ng pamilya tuwing araw ng Linggo—isang magandang pagpapakita na pinahahalagahan ang kanilang pananampalataya sa Diyos bilang isang buong pamilya. Kapag ang pamilya, araw-araw na nagdadasal- kahit maikli lang at galing sa puso–  isang malaking gawaing pagsaksi sa ating pagibig sa Diyos dahil hindi tayo nakakalimot.

Huwag rin nating kalimutang gamitin  ang teknolohiya ngayon. Napakalawak ng inaabot ng internet. Imbis na magpadala ng mga walang-kabuluhang bagay-bagay,  magpadala ng mga mensahe tungkol sa Diyos; tungkol sa ating panamampalataya..

Sa mga kabataang nakikinig- gamitin ninyo ang inyong kaalaman, ang inyong pagkamalikhain kung paanong ipamukha si Kristo at ang kaniyang turo ng pagmamahal sa kapwa kabataan para maakit sila at mahimok silang  manampalataya lalo kay Kristo. Lalo na sa panahon ngayon,maraming kabataang pinanghihinaan ng loob,  madaling madala ng kanilang kalungkutan o kasawian, madaling mawalan ng pag-asa. Napakagandang teritoryo ito sa social media kahit papaano maihatid natin sa kanila ang mabuting balita- na anumang madadaanang  problema , tiyak malalampasan iyon. Sapagkat si Kristong ating Panginoong muling nabuhay,  walang kasamaan at  kasalanan ang hindi niya napagtagumpayan.

Hingin natin sana ang inspirasyon sa Diyos. Sana kung anumang pagagawin sa atin na: pagpapalaganap ng Kaniyang turo at; pagpaparami pa ng mga taong maging disipulo Niya, sana mabigyan tayo ng inspirasyon sa pamamagitan ng misang ito  simula sa ating pamilya at ganoon din sa ating kapwa.

#NSOLLPH