Buod ng Homiliya ni Reb. Padre Cesar F. Acuin OFMCap.

0
773

Ibinuod ni Aurora de los Reyes

Ikaapat na  Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo  Ika-3 ng Mayo, 2020

Linggo ng Mabuting Pastol Good Shepherd Sunday

Misa ni Reb Padre Cesar Acuin- Kura Paroko, Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes (NSOLL)

Unang Pagbasa – Gawa 2: 14a, 36-41 Siya ang ginawa ng Diyos na Panginoon at Kristo.

Salmong Tugunan: Ang Panginoon ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang. Ako ay Kaniyang  pinagpapahinga sa mainam Niyang pastulan.    

Ikalawang Pagbasa – 1 Pedro 2:20-25 Tinipon kayong muli ng Pastol at Tagapagligtas ng inyong kaluluwa.

Mabuting Balita – San Lucas 24:13-35 Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa.

Buod

Si Hesukristo ang mabuting Pastol. Tayo ang Kaniyang kawan. Patuloy Niya tayong pinapastol sa magandang pastulan – maraming damo, malinis na tubig ; nakapagbibigay ng buhay. Siya ay napakabuti at nais Niya tayong magkaroon ng magandang buhay- ganap at kasiyasiya.

Pagninilay

Sa Ebanghelyo ng Mabuting Pastol, palagi nating napag-uusapan ang mga katangian ng mabuting pastol. Panahon na rin  na pagnilayan natin ang panawagan ng Diyos na magkaroon ng mabuting kawan. Ito ang napakamahalagang bahagi ng ating buhay sapagka’t patuloy tayong ginagabayan, pinapastulan at tinatawag ni Hesus, ang ating mabuting Pastol. 

Nguni’t tayo kaya? Tayo rin ba’y mabubuting kawan?

Isang napakaganda at napakamahalagang katangian ng mabuting kawan ay ang  pinakikinggan ang tinig ng mabuting Pastol. Ang kawan sumusunod sa pastol. Nakikilala nila ang tinig ng mabuting pastol.

Ang tanong : Lagi ba tayong nakikinig sa tinig ni Kristo?

Maraming tinig tayong naririnig. Nariyan ang tinig ng daidig – tinig na dinadala tayo sa daan ng mundo, hindi sa daan ng Diyos.

Nilikha ng Diyos na  mabuti ang daigdig ngunit sa kalaunan ay nagkaroon ng bahaging nalalamatan ng kasamaan. Ang makasalanang bahagi ng daigdig  ang tumatawag sa atin na gawin ang mga bagay-bagay na labag sa kautusan ng Diyos.

 Mahalagang maging mabuti tayong kawan at matutong  makinig sa tinig ni Kristo.

Ang tanong: Paano maging mabuting kawan?

Huwag nating kalimutang si Kristo ay ang Salita ng Diyos. Ang Salitang ito ay  buhay at nakapaloob sa Banal na Kasulatan – sa Bibliya. Sa pamamagitan ng Bibliya sa Bagong Tipan, ating natututunan kung ano ang nais ng mabuting Pastol.

Napakahalaga sa ating pagbabasa ng Bibliya na maintindihan natin ng tama ang tunay nitong kahulugan. Sa kasaysayan ng isang Kakristiyanuhan, namamali ang interpretasyon ng Salita sa Bibliya. Kaya sa pagkalipas ng mga taon,  nagkakaroon ng maraming pagkakahiwa-hiwalay.

Ang iba’t – ibang henerasyon at siglo ng kasaysayan ng tao  ay may mga bagong sitwasyon na kailangang maliwanagan. Ito ang papel ng simbahan – ang magbigay ng tamang pagpapaliwanag sa pamamagitan ng paggabay ng Espiritu Santo para ituro sa atin kung ano ang totoong tinig ng Panginoon.   

Maraming mga bagay noong panahon nang isinulat ang Bibliya na di matatagpuan sa mga sitwasyong nagaganap ngayon kaya kailangan ng tamang pagpapaliwanag para hindi magbunga ng kalituhan.

Ang Papa, mga Obispo, pari at diyakono ay na-orden para magsalita at magpaliwanag sa ngalan ni Hesus.

Nakapaloob ang mga turo ni Kristo sa pamamagitan ng “teaching authority” na tinatawag na Magisterium mula sa salitang “Magister” o teacher – para maituro sa atin ang tama at totoong tinig ni Hesus. At ang mga turo ng simbahan sa simula’t-simula pa ay nakapaloob sa isang libro, ang Catechism of the Catholic Church, na dapat basahin para lalo pang maintindihan kung ano ang nababasa sa Bibliya. Nandito rin sa katekesis na ito ang mga sinulat ng mga sinaunang Kristiyanong eksperto sa pananampalataya kasama ng  mga santo.

Isang malakas na mungkahi ang basahin ang katesismo ng Simbahang Katoliko. Dito magkakaroon ng maraming kasagutan sa ating mga katanungan. Kaya nalilito tayo kapag mayroong nagsasabi ng taliwas sa mga turo ng Panginoong Hesukristo.

Hamon

Laging buksan ang ating pandinig kay Kristo. Hindi niya tayo dadalhin sa masama. Huwag nating pakinggan agad ang sinasabi ng daigdig o mga taong nakapaligid sa atin sapagka’t malaki ang posibilidad na hindi sasabihin ang tama. Kapag magkaganito, maaari tayong dalhin ng mundo sa mali.

Hindi ibig sabihin na kapag sinasabi ng nakararami sa paligid mo ay palaging tama. Maaaring maganda ang kanilang intensyon nguni’t labag naman sa tinig ni Kristo.

Mahalaga sa ating mga anak ng Diyos ang marunong kumilatis sa Kaniyang tinig. Ang Salita ng Diyos sa Bibliya, ang  mga turo ng Santo Papa at ng Simbahan, ang katekismo- ito ang mga gagabay sa atin.

Sa pamamagitan nito, lalago ang ating pananampalataya at huhubugin ang ating pananaw sa buhay.

Misyon

Kailangan nating tumugon sa hamon ng ating panahon.

Paigtingin ang ating pandinig at damdamin sa tinig ni Kristo.

Sa Linggo ring ito ang Pagdarasal ng mga Bokasyon. Higit na kailangan sa panahong ito ang mga binata’t dalaga na tutugon sa tawag ni Kristo sa pamamagitan ng pagiging pari, madre, relihiyoso’t relihiyosa upang maipagpatuloy ang mabuting pagpapastol sa kawan tulad ni Kristo.

Huwag mangamba. Umasa sa Kaniya. Tumugon sa Kaniyang tawag.

#NSOLLPH