Buod ng Homiliya ni Reb. Padre Fr. Cesar F. Acuin, OFM, Cap.

0
797

Ikatlong Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo Ika-26 ng Abril, 2020 Misa ni Reb. Padre Cesar Acuin, OFM Cap. – Kura Paroko, Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes (NSOLL)

Unang Pagbasa – Gawa 2: 14, 22-24 Hindi maaaring mamayani kay Hesus ang kamatayan

Salmong Tugunan: Ituro mo ang landasin ng buhay kong hahantungin  

Ikalawang Pagbasa – I Pedro 1:17-21 Ang itinubos sa inyo’y ang buhay ni Kristo; ang Korderong walang batik o kapintasan

Mabuting Balita – San Lucas 24:13-35 Nakilala nila si Hesus sa paghahati-hati ng tinapay

Buod: Isinalaysay sa Ebanghelyoang paglalakbay ng dalawang alagad patungong Emaus palayo sa Jerusalem. Ang kanilang alam ay nawala na ang kanilang katangi-tanging pag-asa dahil sa pagpanaw ni Kristo. Ang kanilang tinandaang nangyari ay ang pagpapahirap at pagpapapatay kay Hesus. Nguni’t ang nakalimutan at mahirap nilang pinaniwalaan ay ang muling pagkabuhay at tagumpay ni Hesus sa kamatayan. Buhay si Hesus at kasama natin sa paglalakbay sa ating buhay.

Pagninilay:

Tulad din ng dalawang alagad, tayo ay dumadaan sa kasawian at kalumbayan tulad ng maaaring pagkawala ng maraming bagay sa ating buhay – trabaho, ari-arian o pagpanaw ng mga mahal natin sa buhay.

Ang laging naitatanong: Nasaan ang Panginoon sa mga pagkakataong ito?  Ang akala natin, wala na si Hesus. Pero ang katotohanan: nandiyan lang Siya. Hindi tayo kailanman pinababayaan o iniiwanan.

Binubulag tayo ng mga kasawian; inililigaw, inilalayo sa presensya ng Diyos. Kapag tayo naman ang masaya, ang naaalala lang natin ay ang ligaya, tagumpay, at biyayang ating natatanggap o nararanasan. Alam kasi nating nandyan lang Siya.

May kasabihan: kapag ikinuwento ang kagalakan, dumodoble ang kagalakan; pero kapag naikuwento ang kalungkutan, naiibsan o nababawasan ang kalungkutan lalo na kapag tunay kang nauunawaan ng inyong pinagkuwentuhan sapagka’t pinagdaanan niya rin.

Ang katotohanan, sa mga sitwasyong mas kailangan natin Siya, mas lalo pa Siyang lumalapit sa atin. Sa mga sandali ng kasawian, mas malapit Siya sa atin. Hindi lamang pag-unawa ang ibibigay Niya sa atin. Hinihintay Niya ang pagkakataon na liwanagan Niya tayo kung bakit natin pinagdaraanan yung kasawian o kalungkutan na iyon.

Parang nangyayari sa atin sa kasalukuyan. Maraming nagtatanong: bakit ba  mayroong COVID-19? Maraming nagkakasakit at namamatay. Kung sino pa ang may nagagawang kabutihan, kung sino pa ang mababait, maiksi ang buhay tulad ng ilang mga duktor at nars na pumanaw na. Halimbawa, may magtatanong: bakit namatay ang asawa?  Marahil tapos na ang misyon niya. Maaaring nasa mabuting lugar na siya, nasa buhay na walang hanggan. Di ba dapat magsaya ka? Isang halimbawa si Kristo- maikli ang buhay pero punong-puno ng kahulugan. Minsan mahaba ang buhay ng tao. Akala ng mga tao blessing. Pero hindi palagi. Kasi may mga masasamang tao, mahaba rin ang buhay. Pero ang sabi ng Panginoon, ito ay para bigyan sila ng panahon para magbago.

Tandaan natin – ang kasamaan hindi kailanman ninanais ng Diyos sapagka’t walang kasamaang manggagaling sa Kaniya. Hangga’t tayo ay nandito sa daigdig na nalalamatan ng kasamaan, maraming kasalanan at masasamang tao, hindi natin maaalis na mayroong masamang mangyayari. Subali’t sa gitna ng kasamaan o karamdaman, mayroong mahigit pang mabuti na gagawin ang Diyos.

Hamon:

Lubos ang pagkalumbay ng dalawang alagad sa mga pangyayaring naganap kay Kristo. Nguni’t muling umalab na parang nagniningas na apoy ang kanilang pananalig nang kanilang naranasan ang presensya ni Hesus sa paghahati ng tinapay.

Ang tanong: nais ba ninyong maranasan si Kristong muling nabuhay? Mararanasan ito sa  Banal na Misa at sa maaari pang gawin sa ating buhay lalo na sa ating mga pamilya.

Sa Banal na Eukaristiya, sa ating pagdalo kasama ng ating pamilya, tulad ng dalawang alagad, paalabin nating ang ating mga puso, maliwanagan tayo kay Kristo at higit sa lahat, maranasan natin Siya. Sa anyo ng alak at tinapay na pinili Niya, ating ilagay sa ating alaala na hindi Niya tayo iniiwan kailanman.

Misyon:

Mayroong mas magandang naibubunga ang pandemyang ito.

Maraming mga pamilyang nagkakasama-sama na ngayon. Iyong mga magulang na naging subsob sa trabaho na may kadahilanan naman. Dati wala silang oras o panahon sa pamilya; ngayon magkakasama-sama na sila. Nasa tahanan na sila ngayon at nakakapagdasal na ng sama-sama. Nagkakaroon na ng oras sa pag-uusap ang mga miyembro ng pamilya. Dati, kung mayroong samaan ng loob, tampuhan o pagkakagalitan, sa mga panahong ito, marapat lamang na  agawin ang pagkakataon para mag-usap-usap, magunawaan, magpatawaran. Ito ang ginagawa ng Diyos. Sa masamang sitwasyon, mayroon Siyang ginagawang mabuti para sa atin. Tama lamang na damahin at maranasan natin ang presensya ng Panginoon at ibahagi ang kabutihan ng Kaniyang pagkatao sa ating mga pamilya at mga mahal sa buhay.

#NSOLLPH