Buod ng Homiliya Reb. Padre Cesar F. Acuin, OFMCap

0
869

Ibinuod ni Aurora de los Reyes

Ika-anim na  Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Hesukristo  Ika-17 ng Mayo, 2020

Misa ni Reb. Padre Cesar Acuin, OFMCap. – kura paroko, Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes (NSOLL)

Unang Pagbasa- Gawa 8:5-8; 14-17 Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo.

Salmong TugunanSangkalupaang nilalang, galak sa Poo’y isigaw.

Ikalawang Pagbasa- I Pedro 3:15-18 Siya’y namatay ayon sa laman at muling binuhay ayon sa Espiritu

Mabuting Balita – San Juan 14:15 – 21 Dadalangin Ako sa Ama at kayo’y bibigyan Niya ng isa pang Patnubay.

Buod:

Ang mga pagbasa ay umuugnay sa mga gawain ng pagibig. Kung mayroon mang ugnayang napakamahalaga sa buhay natin ay ang ugnayang pag-ibig sapagka’t anila ang pagibig ang nagbibigay kulay sa buhay ng tao- ang nagpapagalaw sa daigdig. Kapag walang pag-ibig, parang walang kahulugan ang buhay. Kahit na ang tao ay dahop o simple lang ang buhay niya, kung mayroong pagmamahalan o pagibig ay napakasaya ng buhay niya. Sa araw na ito, ipinapapaalaala sa mga pagbasa na tayo bilang mga anak ng Diyos ay kailangang umibig – sa Diyos at sa kapwa.

Pagninilay:

 Ang tanong: tayo ba’y mga taong marunong umibig o magmahal?

Sa Unang Pagbasa, narinig natin si Felipe. Siya ay isang diyakono na ipinakita  ang kaniyang pag-ibig sa pamamagitan ng kaniyang pangangaral  sa bayan ng Samaria. Ito ay isang bayang kaaway ng mga Judio sapagka’t para sa mga Judio hindi tunay o hindi purong Judio ang mga Samaritano. Ang kanilang mga ninuno ay Judio nguni’t nakapag-asawa ng mga pagano. Kaya ang mga Judio hindi nagpupunta sa Samaria. Pero si Felipe nagpunta sa Samaria at hindi lamang siya nangaral doon kung hindi pinagaling niya ang mga maysakit- mga pilay at nagpalayas ng masasamang Espiritu. Kaya’t  ang buong bayan ng Samaria ay nagalak sa ginawa ni Felipe.

Sa Ikalawang Pagbasa, ipinangaral ni San Pedro sa mga Kristiyano na iluklok si Kristo sa kanilang mga puso. Kung may magtanong tungkol sa kanilang pananampalataya – ang kanilang pag-asa at inaasahang kaligtasan, ipaliwanag sa mga nagtatanong ng mayroong paggalang, kahinahunan, pagkapitagan. Ito ang magandang pakikipag-usap – hindi nakikipagtalo o nakikipag-away. Kung magpapaliwanag ka tungkol sa iyong pagiging Kristiyano, sabihin lang ng simple at mahinahon sapagka’t makukumbinsi mo ang isang tao tungkol sa iyong pananampalataya hindi sa salita kung hindi sa pamamagitan ng iyong pagsasabuhay ng iyong pananampalataya – isang buhay ng pagmamahal. Kaya sabi ni San Pedro – “kung  kayo’y uusigin, mabuti nang iyong usigin kayo’t maghirap  dahil gumagawa kayo ng mabuti. Si Kristo ang ating halimbawa. Wala siyang bahid ng kasalanan. Wala siyang ginawang masama nguni’t siya’y inusig, sinaktan, pinatay.” Kaya tayong mga anak ng Diyos, ang tugon natin ay tugon na katulad ng sa Kaniya. Hindi susuklian ng kasamaan ang kasamaan. Susuklian natin ng kabutihan kahit na kasamaan ang dinudulot sa atin. Iyan ang isa pang katangian ng pag-ibig – marunong mamatay sa sarili dahil sa paggalang at pagmamahal sa kapwa.

Sa Ebanghelyo, ipinaliwanag ni Hesus ang malalim na kahulugan ng pag-ibig. Ang habilin ni Hesus sa kaniyang mga alagad “kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Ang pagibig ay pagsunod. Kapag tayo’y sumusunod, tayo’y nagmamahal. Nguni’t hindi sapat ang sasabihin lang natin sa pamamagitan ng salita na tayo’y nagmamahal. Dapat sundin – gawin ang Kaniyang utos – ang magmahal sa Diyos ng buong puso, buong kaluluwa at pag-iisip at mahalin ang kapwa. Ang utos ni Hesus ay utos ng pag-ibig –  ang tunay na pagibig na itinuturo sa atin ni Hesus at hindi ang pagibig na makalaman.  

Ano ba ang pagibig ni Kristo? Ito ay may elemento ng sakripisyo – kalimot sa sarili para sa tunay na ikabubuti ng kapwa. Pero may sakripisyong hindi ikakabuti ng kapwa kundi pangsarili lamang.

Ano nga ba ang utos ng Panginoon? Sa lahat ng ating gagawin, dapat mauna ang Panginoong Diyos at susunod na rito ang pagmamahal sa kapwa.

Hamon:

Ang pagibig ay hindi emosyon lamang o lukso ng damdamin. Kapag nakikita ang iniibig, nandiyan na ang damdaming pagkatuwa. Ang sabi ng iba, ito na ang pag-ibig. Nguni’t dapat maintindihan na hindi ang damdamin ang pundasyon ng pagibig. Dapat maunawaan  na ang pagibig ay hindi nakabase sa emosyon o isang sentimental na damdamin. Ang tunay na pagibig ay hindi lamang nakikita sa damdamin o sa salita kung hindi nakikita sa gawa. Ito ang isang gawain ng pagibig- nakatutulong at nakabubuti sa kapwa.

Sa pamilya,  marami sa mag-asawa ang nagsasabing “mahal kita” pero sa kalaunan nandoon na ang sakitan; ang hindi paggawa ng kabutihan. Mahalagang  balikan ng bawat mag-asawa ang kanilang tunay na ipinangako sa isa’t isa.  Pukawin uli yung pagibig na nasa puso nila nang magsimula pa lamang sila. Balikan ang dahilan kung bakit sila nagmahal sa isa’t isa at nagpakasal.

Sa sandali ng away, nabubulag tayo at nakikita lang natin ang mali  at kasamaan ng isang tao. Kung nakikita natin ang kabutihan, magbibigay tayo ng kahinahunan sa pakikipag-ugnayan sa kapwa.

Tulad din ng mga anak sa kanilang mga magulang, sasabihin nila  “mahal ko kayo,nanay/tatay”  pero kalaunan sila ay nagbibigay ng sama ng loob, nakakasakit ng damdamin, nagpapalungkot sa mga magulang sapagka’t tumitigas na ang ulo, hindi na sumusunod. Ang tunay na pagibig makikita sa gawa – sa pagsunod sa mga mahal sa buhay. Kapag may tunay na diwa ng pagmamahalan, nagiging magaan ang pagsunod. Kapag sa loob ng tahanan, nandoon ang diwa ng pagmamahalan, hindi mabigat sumunod. Pero kapag nawawala na ang pagmamahalan, ang bigat na ng sumunod sa isa’t isa. Ang mahalaga – lagi nating pagpanibaguhin ang pag-ibig; pukawin ang espiritu ng pagmamahal araw- araw sa ating pamilya.

Ang magandang balita ni Kristo – Ibinibigay sa atin ang patnubay, ang Espiritu. Tayong mga Kristiyano, hindi mga tao at laman lamang. Daladala natin ang Espiritu Santo kaya’t walang nagiging imposible. Lahat nagiging posible kung tatawagin lamang natin ang ating Patnubay, ang Diyos Espiritu Santo. Ang Ikatlong Persona sa Banal na Santatlo, ipinadala ni Kristo para pumatnubay sa atin.

Misyon:

Ang Espiritu Santo ang Katulong natin sa pakikibaka sa ating buhay.  Tawagin natin Siya.  Sabihin natin “Panginoong Espiritu Santo, pukawin Mo ang pagmamahalan namin sa loob ng aming pamilya. Bigyan Mo kami ng lakas para matutong magpatawad. Bigyan Mo kami ng karunungan para magkaroon ng pang-unawa.”

Sa mga panahong ito at sa nagaganap na mga pangyayaring dulot ng COVID-19, hindi dapat mawalan ng pag-asa sapagka’t hindi tayo pababayaan. Malalagpasan din natin ito. Iisa lang ang hinihingi ng Diyos sa atin – ang magtiwala tayo sa Kaniya. Lalo na ngayong nabigyan tayo ng pagkakataon para manalangin at kasama pa ang pamilya. Huwag makalimot magdasal sa araw-araw, kahit maikli lang basta galing sa puso – sambahin at pasalamatan natin Siya. Dito naipapakita na mahal natin ang Panginoon, number one siya sa ating buhay.

Sa araw ring ito, pinaparangalan natin si Maria – ang Nuestra Senora de Salvacion de La Loma.  Ang Mahal na Ina ang larawan ng tunay na nagmamahal sa Diyos, nagmamahal kay Kristo. Sa lahat ng sandali ng kaniyang buhay, lagi niyang sinusunod and kalooban ng Diyos. Sa kanyang pang-araw-araw na buhay, tinutupad niya ang kaniyang tungkulin bilang isang mabuting ina ni Kristo at nagmamahal na asawa ni Jose – bilang ina sa pamilya.

Ito ay isang magandang paalaala sa atin na si Maria ang tunay na larawan ng pag-ibig. Sa pamamagitan ni Maria, itinuturo niya sa atin kung paano tayo maliligtas. Siya ang Ina ng pagliligtas – nagpapakita ng magandang halimbawa kung paano tayo maliligtas at iyan ay ang pagsunod sa utos ni Kristo.

Pukawin muli natin ang espiritu ng pagmamahalan, pagbibigayan, pagsasakripisyo para sa kapakanan ng kapwa. Tulad ni Kristo, handang magmalasakit sa ikakabuti ng kapwa. Ito ang kahulugan ng tunay na pag-ibig.

#NSOLLPH