Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon Ika-2 ng Agosto, 2020

0
699

Ibinuod ni Aurora de los Reyes

Buod ng Homiliya ni Reb Pad Cesar Acuin, OFM Cap, Kura Paroko Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes

Unang Pagbasa— Isaias 55: 1-3 Bakit ginugugol ang salapi sa mga bagay na hindi nakabubusog; bakit inuubos ang pera sa mga bagay na walang halaga?

Salmong Tugunan—Pinakakain Mong Tunay Kaming Lahat, O Maykapal!                      

Ikalawang Pagbasa— Roma 8: 35; 37-39 Natitiyak kong walang makakapaghiwalay sa pag-ibig ng Diyos.

Aleluya— Ang tao ay nabubuhay sa Salita ng Maykapal na pagkaing Kaniyang bigay.

Mabuting Balita— San Mateo 14: 13-21  Hindi na sila kailangang umalis; bigyan ninyo sila ng makakain.

Paksa:

Isang napakagandang mensahe sa Linggong  ito ang mula sa himala ng pagpaparami ng tinapay. Kung mayroon mang isang suliranin na nais tugunan ng maraming tao  sa panahong ito at sa lahat ng panahon  ay ang kagutuman o hunger. Habang tayo’y naglalakbay sa daigdig na ito, malaki itong abalahin ng maraming tao kung hindi man ng lahat. At higit pa sa rito, ito ang pinakamahalagang problema ng ating sambayanan.

Ating Panginoong Diyos, sa Kaniyang kabutihan, gusto Niyang ipaalala sa atin na kaya Niyang tugunan ang problema ng kagutuman. Paano mangyayari ito?

Pagninilay

Iyong himala na narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ay nagpapaalala sa atin na walang imposible sa Panginoong Diyos. Kaya Niyang paramihin ang pagkain. Kung tutuusin, kung susuriin nating ang nangyayari sa daigdig, marami naman talagang pagkain ang buong daigdig. Sabi nga ng mga pag-aaral kahit taon-taon, kung isusuma total natin ang mga pagkain, mga halamang nagbibigay ng pagkain, higit pa para tugunan ang pangangailangan ng lahat ng tao sa daigdig. Ang totoong problema ay  hindi iyong biyaya ng Diyos sapagka’t ito’y labis pa. Ang tunay na problema kaya may kagutuman ay mayroong iilan lamang na nasa kanila lamang ang mapagkukunan o resources at marami ang nagkukulang. Hindi naibabahagi ng tama ang biyaya ng Diyos. Ito ang gustong ipaalala sa atin ng Panginoon. Sa Ebanghelyo, sinabi ng Panginoon sa mga alagad:” Hindi na sila kailangang umalis pa.” Sa mga sandaling iyon, gusto ng mga disipulo Niya na paalisin na ang mga tao para kumain sapagka’t wala silang sapat na ipakakain sa mga tao. Sinabi ng Panginoon: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Ang tugon ng kaniyang mga apostol: “Lilima lamang po ang mga tinapay at dadalawang isda lamang ang naririto. Paano pakakainin ang limanlibong lalaki bukod pa sa mga babae’t bata?” At sabi pa ng Panginoon: “Dalhin ninyo sila rito.” At sa sandaling iyon, iyong limang tinapay at dalawang isda ay naparami Niya at napakain ang lahat ng mga tao.

1) Ano ang gustong ipaalala sa atin ng ating Panginoon? Hindi dapat natin pagdudahan ang patunay ng Diyos o providence. Pero ang mahalaga Niyang paalaala: ang kaniyang biyaya ay pinadadaan Niya sa mga taong sumusunod sa Kaniya. Ginagamit Niya tayo para iparating ang biyaya sa iba. Sa mga taong nagtatanong: Panginoon, ano nga ba ang ginagawa Ninyo at nagugutom ang mga tao? Ang malamang na sagot ng Panginoon: “Ginawa kita. Biniyayaan kita. Binigyan kita ng talino’t kakayanan. Binigyan kita ng salapi. Ikaw naman ngayon ang magbahagi sa kanila.”  Ito ang paalalala ni Hesus sa atin: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Ayon na rin sa ating kakayanan, mayroon sa atin na mataas ang katungkulan na maaaring magbahagi ng maraming biyaya. Gamitin iyong biyayang iyon na para maparating iyong tulong sa sakop niya. Kahit tayo’y hindi mayaman, mayroon tayong maibibigay kahit kaunti sa ating kapwa. At doon napaparami ang biyaya ng Diyos. Iyon ang himalang nagaganap  kung ang mga taong tagasunod ni Kristo ay binabahagi anuman ang mayroon nila sa kanilang kapwa.

Sa ating panahon ngayon isang inspirasyon iyong ating mga duktor, mga nars, ang ating mga frontliners – maaaring hindi pera ang ibinibigay nila kundi buhay, talento, oras — at dahil iyon ang nakakapagbigay buhay sa iba. Sana maging inspirasyon din iyon para sa ating lahat. Bawa’t isa sa atin ay nabigyan ng biyaya na maaari nating maibahagi sa ating kapwa. At kung mangyari ito, ito ang himala na nangyayari sa ating buhay.

2) Huwag din nating kalimutan na higit pa sa kagutuman ng tiyan na tinutugunan ng Panginoong Hesukristo, mas mahalaga ding pagtuunan ang kagutuman sa espiritu o spiritual hunger. Mayroong mga  pamilyang busog, ang daming pagkain, ang daming biyaya pero hindi masaya. Kakain na lamang sa hapag-kainan, nag-aaway-away pa; hindi pa kumpleto; ayaw magsama. Higit pa sa kagutuman ng tiyan, mayroon tayong hinahanap na dapat tayong mabusog – at iyon ay ang mabusog at bigyan ng sustansiya ang ating espiritu. Huwag tayong magkamaling isipin na ang tao’y katawan lamang; na ang dapat lamang niyang pakainin ay ang kaniyang katawan. Bagama’t ito rin ay mahalaga, ang espiritu dapat ay huwag nating kalilimutang bigyan ng pansin. Mayroon din mga pamilyang simple lang ang kinakain pero masaya. Bakit? Sapagka’t ang espiritu ng Diyos, ang espiritu ng pagmamahalan, ang espiritu ng pagbibigayan naroroon sa loob ng pamilyang iyon. Saan nanggagaling iyon? Galing sa Panginoong Hesukristo – dito sa  Banal na Misa. Kaya’t kung mapapansin  sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, may mga pamilyar na salita. Ano ang ginawa ni Hesus nang matanggap Niya ang limang tinapay at dalawang isda? Sabi nga ni San Mateo at matatagpuan sa apat na Ebanghelyo — Kinuha Niya ang tinapay, tumingala sa langit, nagpasalamat sa Diyos, pinaghati-hati ang tinapay at ipinamigay Niya sa Kaniyang mga disipulo — mga pamilyar na salita sa Banal na Eukaristiya – ..”He took the bread, gave thanks, broke the bread and gave it to His disciples..”  Ang katotohanan – isinulat ito ng mga ebanghelista at ang lahat ng mga pantas ng simbahan sa simula pa ng Kristiyanismo. Kanilang natunghayan na ang himala sa pagpaparami ng tinapay ay walang ibang tinutukoy kung hindi ang himalang nagaganap sa Banal na Eukaristiya — na pinakakain tayo ng Diyos hindi lamang para sa katawan pero higit sa lahat para sa ating espiritu. At iyon ang pagpapala sa atin. Iyon ang gusto Niyang tugunan sa ating kagutuman. Iyon ang sinasabi sa Unang Pagbasa ni Propeta Isaias: “Bakit kayo gumagastos sa pagkaing hindi naman nakabubusog o walang halaga..? Makinig kayo at lumapit sa Akin; at matitikman ninyo ang pinakamasasarap na pagkain.” Ito ang tinutukoy ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias bilang pag-abang sa panahon nang maitatag ni Hesus ang Eukaristiya sa Huling Hapunan.

Hamon

Hinihimok tayo ng Panginoon na lumapit sa Kaniya hindi lamang para hanapin ang magtutugon sa kagutuman ng ating tiyan. Higit sa lahat, para bigyan tayo ng sustansiya ng espiritu sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya.

Harinawa, bigyan tayo ng lakas ng Diyos upang tayo’y maging tunay na  mga tagasunod ni Kristo na nagbabahagi sa lahat ng nangangailangan.

Misyon

Sa pagbalik natin sa ating mga tahanan, huwag nating kalimutan ang habilin ni Hesus sa ating mga sumusunod sa Kaniya. Kapag makakakita tayo ng maraming nagugutom, pakainin natin. Gumawa tayo ng paraan  sa abot ng ating makakaya para naman ang mensahe ni Kristo ay magkaroon ng kabuluhan.

#NSOLLPH