Ika-19 Linggo sa Karaniwang Panahon – Ika-9 ng Agosto, 2020

0
651

Ibinuod ni Aurora delos Reyes

Buod ng Homiliya ni Reb Pad Cesar Acuin, OFM Cap, Kura ParokoPambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes

Unang Pagbasa— 1 Kings 19: 9a; 11-13a Narinig niya ang isang banayad na tinig

Salmong Tugunan— Pag-ibig Mo’y ipakita, Iligtas kami sa dusa

Ikalawang Pagbasa – Roma 9: 1-5 Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; ibinigay ang Kautusan;panuntunan sa pagsamba at ang Kaniyang mga pangako. 

Aleluya – Poon Ikaw ang Pag-asa; Ang Salita Mo’y Ligaya- Pag-asa ko sa tuwina

Mabuting Balita – Mateo 14:22-33 Bakit ka nag-alinlangan; napakaliit ng iyong pananampalataya.

Paksa:

Pambungad: Muli tayo po ay nasa ating mga tahanan at sarado uli ang ating simbahan. Sana ay hindi ito makabawas ng ating marubdob na pakikinig at pakikiisa sa Banal na Misa.

Tanong: Naranasan nyo na bang lumakad sa ibabaw ng dagat? Ang malamang na sagot: Tiyak hindi pa.

Ang lumakad sa ibabaw ng tubig. Ito ang naranasan ni Simon Pedro, ang apostol ni Hesus at ang unang Santo Papa sapagka’t sa gabing iyon muli niyang nakita ang isang halimbawa ng kapangyarihan ni Kristo.

Ayon sa salaysay ni San Mateo sa Ebanghelyo- Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig sa panahong bumabagyo at sobrang lakas ng hangin. Ang mga apostoles ay nasa loob ng bangka sa gitna ng lawa ng Galilea takot na takot at lalong nanginig nang may nakita silang naglalakad sa tubig na animo’y multo. At pinakalma agad sila ni Hesus: Ako ito! Huwag kayong matakot. At si San Pedro, muli nanguna at nangahas na nagsalita, “ Panginoon, kung ikaw nga iyan – papuntahin Mo ako sa Iyo na naglalakad sa tubig.” Sabi naman ni Hesus: Halika! At daglian namang bumaba si Pedro sa bangka at dahan-dahang naglakad sa ibabaw ng tubig. Kung ating iisipin, isang kapana-panabik na pangyayari ang nagaganap – sa gitna ng mabangis na alon at malakas na hangin, itong si Pedro ay naglalakad sa ibabaw ng tubig. Imposibleng mangyari pero posible iyong nangyayari sa mga sandaling iyon.

Pero sabi nga ni San Mateo, nang napansin na ni Pedro ang lakas ng hangin, natakot na siya at doon unti-unti na siyang lumubog. Kung kaya’t bigla siyang nagsisigaw kay Hesus: Panginoon, iligtas Mo ako! At agad iniabot ni Hesus ang Kaniyang kamay at hinatak si Pedro at nagsabing, “O, mahina ang iyong pananalig. Bakit ka nagduda?”

Ibinibigay ng ating Inang  Simbahan ang ganitong mga pangyayari sa buhay ni Hesus at ng Kaniyang mga apostoles na maaari nating maiugnay sa sarili nating mga karanasan sa buhay.

Pagninilay:

Kadalasan, sa simula ng ating paglalakbay sa ating pananampalataya, maaaring ang tingin natin kay Hesus ay isa lamang multo; parang hindi Siya totoo: “Kasi itinuro lamang ito ng mga magulang ko; itinuro ng katekista, ng titser ko na mayroong Diyos, mayroong Hesus.” Subali’t ang katotohanan: hindi multo ang Panginoon. Siya ay totoo sa ating buhay.  

Kaya ano ang ginagawa Niya para sa atin para masabi nating TOTOO Siya at hindi multo lamang?

  1. Pinararanas Niya sa atin ang mga parang imposible– iyong  mga hindi maaaring mangyari para maniwala tayo sa Kaniya. Halimbawa- nagdadasal ka sa Panginoon:” Sana pumasa ako sa board exam. Sana maka-graduate ako. Sana makuha ko itong trabahong ito. O sana gumaling ang aking mga magulang.” Nangyari nga! At para sa iyo himala iyon. Doon, unti-unti kang natututong magtiwala Kay Hesus. At siguro noong nagsisimula ka ng magseryoso sa iyong pagiging Kristiyano, sumama ka sa mga renewal, sumama ka sa mga organisasyon tapos nakita mo kung paanong ang kapangyarihan ni Kristo’y tunay:” Lord tanggalin mo ang aking adiksyon sa paninigarilyo, sa pag-iinom o anumang kasalanan.” At nakita mo kung paano mong napagtagumpayan iyong mga bisyo at kasalanan sa buhay mo. Himala! Parang imposible pero nangyari. Iyon ang mga sandaling ang Panginoong Hesus sa buhay natin ay unti-unting nagiging totoo; hindi na multo.
  2. Kailanman hindi tayo nawawaglit sa paningin ni Hesus. Sa Ebanghelyo inilarawan ni San Mateo na mataimtim na nagdarasal si Hesus sa bundok pero alam na alam pa rin Niya kung nasaan sa mga sandaling iyon ang Kaniyang mga apostoles. Palaging buo ang kamalayan ng ating Panginoon sa Kaniyang mga tagasunod; sa Kaniyang simbahan; pinagdarasal niya tayo palagi. Kaya lang, kung ang Panginoong Hesus ay hindi nawawaglit ang Kaniyang paningin sa atin, nakalulungkot man sabihin pero tayo ang nawawalan ng pokus o focus kay Hesus. Katulad ng nangyari kay Pedro, nang nakatuon ang kaniyang tingin kay Hesus, nangyayari iyong himalang nakalalakad siya sa ibabaw ng tubig pero nang pinansin na niya ang lakas ng hangin, doon na siya nagsimulang matakot at unti-unting lumulubog.

At iyan ay larawan din natin. Habang tayo ay nasa daigdig, talagang darating ang hindi magagandang pangyayari. Katulad ngayon, COVID- 19, sakit at puedeng tignan ito ng may takot, at sa kasamaang-palad maaaring mangyaring mawala ang ating paningin kay Hesus.

Maaaring maniwala tayo sa kapangyarihan ng masama kaysa sa kapangyarihan ni Kristo na kayang gawin anuman; kahit iyong imposible. Kaya ito ang dahilan na tayo ay lalong lumulubog sa takot at sa kahinaan ng pananalig. Salamat sa pagmamahal ng Panginoon sa atin. Kung tao lamang ay sisigaw ng: “Panginoon, narito ako.. nagsusumamong iligtas Mo ako!” At agad, iaabot Niya sa atin ang Kaniyang kamay.

Napakaganda ng Unang Pagbasa- isang natatanging kuwento- saan natagpuan ni Elijah ang Diyos?- hindi sa lindol; hindi sa apoy kundi sa banayad na hangin. Napakahalagang sa ating paglalakbay sa buhay-pananampalataya, maglaan tayo ng wastong panahong kausapin at pakinggan ang Panginoon sa pamamagitan ng tahimik na disposisyon. Napakamahalaga nito. Kung susuriin natin ang kasaysayan ng Kristiyanismo, iyong mga nahikayat sumama sa pananampalataya, sila ay lumalabas at tumutungo sa kabundukan, sa kagubatan, disyerto o ilang na lugar para magkaroon ng pakikipagtagpo kay Kristo at dito sa katahimikan ng lugar na kanilang pinaparoonan, doon nila naririnig o nararamdaman ang tinig o ang mensahe ni Kristo. Kapag tayo’y maingay, marami tayong abalahin, hindi natin marinig ang tinig ni Kristo. Kapag tayo ay naghahanap araw-araw ng panahon para sa Kaniya, natitiyak natin na mangungusap si Kristo hindi sa ating tainga kundi sa ating mga puso. Sasabihin Niya: “huwag kang mag-alala; huwag kang matakot; narito ako; magtiwala ka; magmahal ka; magpatawad ka.” Maliliit na pangungusap ng Diyos pero talab sa puso at iyon ay maririnig lang natin sa katahimikan. At doon sa mga sandaling iyon masasabi natin sa ating mga sarili na hindi nawalay ang ating pokus kay Kristo.

Hamon:

Magandang paalaala sa ating mga Kristiyano –

Kapag maayos ang takbo ng ating buhay,ito ang problema natin lagi– malamang magkaroon tayo ng kalituhan o distraction at masyado tayong abala sa ating pang-araw-araw na pangangailangan na nakakalimutan natin na ilaan din ang ating panahon kay Kristo.  Kung minsan, maganda iyong maayos ang ating buhay pero may pagkakataong lumalabis tayo. Halimbawa, mayroon tayong nasimulang mapaglibangan at napasaya tayo o kaya naman nagkaroon tayo ng negosyong pagkakaabalahan para sa ating pamilya. Pero nang lumalaon, animo’y sumusobra naman ang oras na iginugugol natin sa libangan o negosyo na nawalan na tayo ng oras sa pagsimba o para sa ating pamilya. Ito ang mga pagkakataong kapag dumating na ang kasamaan ng mundo at naranasan na natin ang kaguluhang nagagawa nito sa ating buhay, doon na natin makikita na nakalimutan pala nating tumingin palagi kay Hesus.

Sa Ebanghelyo, ipinapaalaala sa atin na kapag nakakalimutan natin si Hesus sa ating buhay, ang ibig sabihin nito ay kapos pa rin o mumunti lamang ang ating pananalig at pagtitiwala kay Hesus.

Misyon:

Paanyaya sa atin: lagi nating bigyan ng pagpapahalaga si Kristo. Itong COVID- 19 ay nagpapaalala sa atin na walang hihigit pang kapangyarihan kundi ang sa Diyos. Pinapapaalaala sa atin na kumapit tayo sa Kaniya at dapat gawin Siyang una sa lahat sa ating buhay- hindi iyong trabaho, hindi iyong libangan, hindi iyong anu-ano pa mang ibang abalahin sa buhay. Ayon kay San Mateo 6:33—“ .. higit sa lahat ay bigyan ninyo ng halaga ang kaharian ng Diyos .. at ibibigay Niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.”

Muli, panibaguhin natin na palaging ilagay si Kristo sa ating paningin. Hindi ibig sabihin na kalimutan ang ibang bagay- negosyo, trabaho, pamilya; pero una sa lahat, Siya.

Ang dapat gawin: magdasal araw-araw. Ito ay napakamahalaga pero isang gawaing madalas nakakalimutan ng ilan sa mga Kristiyanong magtalaga ng panahon kay Kristo sa araw-araw ng kanilang buhay.

Isang napakagandang halimbawa si Hesus. Kahit pagod sa Kaniyang pagtuturo sa iba’t-ibag lugar, sa pagpapagaling ng mga may-sakit at iba pang pakikipagsalamuha sa mga nangangailangan sa Kaniya ay tinitiyak pa rin Niyang hindi magsisimula o matatapos ang araw Niya na hindi dumadalangin sa Kaniyang Ama. Gayahin natin si Hesus. Huwag nating kalilimutang dumulog at magpasalamat sa Panginoon araw-araw.

Ituon natin ang ating paningin, ang ating kalooban at higit sa lahat ang ating mga sarili kay Kristo, una sa lahat. Pakinggan Siya at bibigyan Niya tayo ng lakas at papawiin Niya ang ating takot.

#NSOLLPH