Sinturong Bughaw at Koronang Ginto

0
833

Tula ni Lauro A. Caliva

Ako’y tila nakatayo sa isang silid.
Sa gitna ng pook na puno ng dilim.
Walang ibang makita sa paligid.
Limitado lamang sa sariling anyo’t tinig.

Ako’y lumakad hanggang sa tumakbo.
Sa kalagitnaan ay natumba’t gumulong sa kawalan.
Hanggang humandusay sa tila mabatong lupa.
Hanggang tuluyang nakaramdam ng sakit dulot ng pagbagsak.

Ako’y pumikit ngunit kaagad ding dumilat.
Sa pagbukas ng mga mata’y may nakitang liwanag.
Pinagmasdan ko nang husto ang tanglaw.
Maya-maya’y may nakitang batis sa ilalim ng grotto.

Ako’y gumapang sa dumadaloy na tubig.
Uminom upang uhaw ay mapawi.
Nakaramdam ng kaginhawaan sa lalamunan.
May naramdaman ding paghilom ng sakit ng katawan.

Ako’y tumingala sa tanglaw.
Isa pala itong babaeng may sinturong bughaw.
Siya’y nagliliwanang na tila nararamtan ng araw.
Isang anyong ubod ng ganda at banal.

Ako’y nagtaka dahil siya’y nakatingala sa itaas.
Nang tumingala ako’y tunay akong nagulantang.
Ang pinagmamasdan niya’y Hukbo ng Langit.
Isang hukbo buhat sa Ama para sa digmaan.

Ako’y napatingin sa Kaaway ng Hukbo.
Ito’y isang Halimaw na may Pitong Ulo.
Sa sandaling iyon ay nagparamdam ang Takot.
Ngunit kasabay ng Takot ay mayroon ding napagtanto.

Ako pala’y nabubuhay sa kalawakan ng dilim at hapis.
Ang lahat ng suliranin ay dulot ng Halimaw na mabagsik.
At ako’y nakaramdam ng takot na sinundan ng isang buntong hininga.
Sapagkat ang buntot ng Halimaw ay hahampas na sa aming kinalalagyan.

Ako’y napakapit sa babaeng may sinturong bughaw.
Siya’y bumulong ng dasal sa kalagitnaan ng mga pangamba.
Ang kanyang tinig ay nagsilbing kalinga ng tunay na ina.
Dasal niya’y naging dagdag na sandata ng Hukbo ng Maykapal.

Ako’y hindi na humiwalay sa babaeng nakita ko sa grotto.
Siya’y tuluyan nang naging makalangit na Ina ko.
Sapagkat ako’y saksi sa kapangyarihan ng kanyang dasal.
Ang dasal niyang ginamit ng Hukbo laban sa buntot ng Halimaw.

Ako’y maraming natutunan kay Ina.
Siya’y nagturo tungkol sa Hukbo ng Langit.
Ang Hukbo ay buhat sa Kaharian ng Ama.
At ang pinuno nito’y ang kanyang Anak na Kapatid ko rin.

Ako’y lubos na nagpapasalamat sa aking Ina.
Sapagkat minahal niya ako gaya ng Bugtong na Anak.
Dapat siyang bigyan ng walang hanggang pasasalamat.
Dahil dito’y may inihandog na munting regalo sa kanya.

Ako’y pumanday ng natatanging korona.
Isang handog na higit sa ginto ang taglay.
Ito’y sinangkapan din ng pananampalataya, pag-ibig, at pag-asa.
Ito’y nabuo matapos dumaan sa apoy ng pagsubok at mga hampas ng pagtitiis.

#CanonicalCoronationLourdes #NSOLLPH

About the Author: Lauro A. Caliva is a former volunteer writer in the National Shrine of Our Lady of Lourdes, Quezon City. He worked and studied in Metro Manila. Read this to learn more about him: https://lauroacalivaportfolio.wordpress.com/