Tula ni: Lauro A. Caliva

Ikaw ay nasa paligid ko sa araw ng aking pagsilang.
Ako’y nabinyagan ng iyong kapatiran.
Bahagi ng aking komunidad ang iyong pangalan.

Pagpapahalaga’y itinuro ng iyong katekista.
Mga prayle mo’y itinanim sa akin ang pagmamahal sa Kalikasan.
Pagkilala ko sa Maylikha ay hinubog ng iyong pamilya.

Hindi kita noon lubos na nakilala.
Dahil ang aking isip ay humantong sa iba’t ibang larangan.
Ang aking atensyon ay dumapo sa iba’t ibang paksa.

Hanggang sa ako’y naging mapagmataas.
Ang aking kayabangan ay nasundan pa ng ibang pagkakamali.
Mga kasalanang karaniwan ayon sa mundo.

Tuluyan kitang nalimutan sa paglipas ng mga taon.
Hindi na nagawang pagnilayan ang mensahe ng iyong kasuotan.
Sapagkat nalimutan ko na ring tumingin sa lupa.

Sa mga panahong nagdaan, ako’y may biglang napansin.
Kapatiran mo’y nakakasalubong ko sa lahat ng landas.
Inakala ko noon na ang mga iyon ay nagkataon lamang.

Dumating ang panahon ng kalituhan.
Kinabahan dahil ilang taon na pala ang nagdaan.
Ako’y nabahala sa kawalan ng patutunguhan.

Isang araw ay humiling ako ng kaliwanagan.
Imahen mo ang muli kong naalala at nakita.
Kaya’t muli kang pinansin upang makilala.

Natuklasan kong ikaw pala ang susi sa aking paglalakbay.
Taglay mo ang mga sagot na matagal kong hinanap.
Ikaw ang nagpakita sa akin ng tamang daan.

Hindi man ako maging banal katulad mo.
Hindi man ako mabuhay sa paraang pinili mo.
Hindi ko malilimutan ang mga aral mula sa’yo.

Kahit isinilang tayo sa magkaibang teritoryo.
Nabuhay man tayo sa magkaibang siglo.
Masasabi kong ikaw ay kaibigan ko.

Salamat, San Francisco ng Assisi.
Dahil sa’yo ay naunawaan ko ang kahulugan ng pagsisisi.
Sa’yo ay hindi na muling lalayo pa.

Nais kong makapaglakbay sa Europa balang araw.
Sana ay marating ko ang iyong bayang sinilangan.
Ninanasa kong matunton ang tagpuan ng iyong kasaysayan.

Sapagkat nais kong makita ang iyong puntod.
Upang makapagbigay-pugay sa iyo nang wasto at lubos.
Nawa’y makalapit ako sa’yo habang may lakas pa ako.

#NSOLLPH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here