Habang Tayo’y Nasa Daigdig, Tayong Lahat Ay Nagkakasala At Magkakamali

0
640

Ibinuod ni Aurora delos Reyes

Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon, Ika-06 ng Setyembre, 2020

Unang Pagbasa

Ezekiel 33: 7-9 “Anumang marinig mo sa Akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala.”

Salmong Tugunan

Panginoo’y inyong dinggin; huwag n’yo S’yang salungatin.

Ikalawang Pagbasa

Roma 13:8-10 ” Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman maliban na kayo’y magmahalan sa isa’t-isa.

Aleluya

Pinagkasundo ni Kristo ang Diyos at mga tao; kaya’t napatawad tayo.

Mabuting Balita

Mateo 18: 15-20 “Kung magkasala ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kaniyang kamalian.

Paksa

Habang tayo’y nasa daigdig, tayong lahat ay nagkakasala at magkakamali.

Paano kaya kung ang nagkakasala o nagkakamali ay ang iyong asawa, o iyong anak o iyong kaibigan, o iyong kasama mo sa opisina at may ginagawang hindi mabuti?

Ano bang dapat nating gawin bilang mga anak ng Diyos, bilang mga Kristiyano?

Pagninilay

Nagpapaalaala sa atin si Hesukristo kung ano ang dapat gawin sa harap ng pagkakamali o pagkakasala. Ito ay ang magtuwid o mag-korek; hindi manahimik.

Sa Lumang Tipan, sa kasaysayan ng Israel, ang mga propeta ang  inatasang magtuwid sa bayan ng Israel. Kapag ang bayan ng Israel ay nagkakamali, sasabihin ni Yahweh sa Kaniyang propeta: sabihin mo ang pagkakamali o pagkakasala ng Aking bayan.

Sa Unang Pagbasa, sinabi ni Yahweh: Ikaw, tao – propeta Ezekiel, ang ginagawa kong bantay o watchman ng bayang Israel. Ang bantay ay nandoon sa malayong lugar, sa bundok para balaan ang bayan kapag may dumarating na kaaway. Ang propeta ganoon din – kung malayo pa ang kalaban, ang kasalanan – nasasabihan na silang magbantay at sabihan sa bayan ng Israel na sila’y nagkakamali. Mahalaga rin ang sinabi ng Diyos kay Propeta Ezekiel: kapag sinabi mo sa taong masama na siya’y mamamatay, dahil sa kaniyang kasalanan at hindi mo ito ipaabot sa kaniya upang siya’y makapagbagong buhay, mamamatay nga siya sa kaniyang kasamaan nguni’t pananagutan mo ang kaniyang kamatayan. Sa madaling salita, kapag ang tao ay hindi nabalaan sa kaniyang pagkakasala at namatay siya sa kanyang kasalanan, damay ka. Sagutin mo iyon. Sinabi pa rin ni Yahweh: kapag binalaan mo ang taong masama, gayunman hindi rin nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan nguni’t wala kang dapat panagutan. Samakatuwid, kung ginawa mo ang obligasyon mong mabalaan siya pagka’t siya’y nagkakasala at hindi siya magbago, kung mamatay siya sa kaniyang kasalanan, hindi mo iyon pananagutan.

Ito ang papel ng isang propeta. Iyon ang kaniyang responsibilidad. Ito ang dahilan kung bakit sa kasaysayan ng Israel, pinadadala ng Diyos ang mga propeta sa bayan ng Israel para paalalahanan sila. Tungkulin nila iyon. At hanggang ngayon tinutupad pa rin ng mensahero ng Diyos ang tungkuling iyon sa ating makabagong panahon. At sino iyon? Ang simbahan. Ang simbahan patuloy na nagpapaalaala kung ano ang kasalanan at kung ano ang tama. Obligasyon niya iyon na sabihin ito para maging malinaw sa iba ang tamang landas.

Kasama po tayo sa obligasyon na iyon bilang indibidwal sapagka’t lahat tayo may sakop- ang mga magulang sakop ang mga anak – kailangang paalalahanan at tuwirin kapag sila’y nagkakamali; kayong mag-asawa sakop ninyo ang isa’t-isa – kailangan kayong magtuwid kung nagkakamali ang inyong asawa; ang guro sa kaniyang estudyante; ang magkaibigan o kung sinuman ang may sakop sa iba dahil sa kanilang ugnayan sa isa’t-isa.

Hindi puede nating sabihin na wala tayong pakialam sapagka’t ito rin ang sagot ni Cain sa Diyos nang hinahanap ng Diyos si Abel na pinatay ni Cain. Anong tanong niya kay Cain: nasaan ang iyong kapatid? Alam naman ng Diyos na si Abel pinatay ni Cain. Pero ano’ng naging sagot ni Cain? – ”Bakit, ako ba ang tagapag-alaga ng aking kapatid?” (Am I my brother’s keeper?) Ang sagot diyan ay malinaw na “OO!” Bawa’t isa sa atin tagapag-alaga ng ating sakop. At huwag ninyong kalimutan nang tayo’y nabinyagan, nakibahagi tayo sa ”prophetic function” ni Kristo. Tayo’y naging propeta o mensahero ng Diyos para paalalahanan o ituwid ang ating kapwa sa komunidad o pamilya kung sila’y gumagawa ng pagkakamali.

Importante itong obligasyon na ito na tuparin natin. Madali sa harap ng kamalian na huwag na lang kumibo. Kadalasan ito ang nangyayari. Ayaw mong makialam dahil sa ilang kadahilanan:

  1. Natatakot tayo. Ayaw nating pagsabihan iyong taong nagkakamali sapagka’t baka magalit sa atin. Lalo na tayong mga Pilipino, ayaw pa naman nating mayroong kasamaang-loob. Kaya mas pinipili na lamang nating manahimik.
  2.  Nahihiya tayo. Kasi baka balikan tayo at sabihing: “Bakit ikaw, mabait ka ba?” Nguni’t kapag hindi tayo iimik, lalong mangingibabaw ang kadiliman sa pamilya, sa komunidad, sa ating bayan at lalong hindi madaling gumawa ng kabutihan sapagka’t unti-unting lumalago na ang kasalanan at kamalian.

Paano ba dapat magtuwid? Sinasabi sa atin ng Panginoon sa Ebanghelyo na mayroong proseso ng pagtutuwid at mahalagang maunawaan natin ito. Sapagka’t kapag hindi natin maunawaan ang prosesong iyon, doon tayo nagkakaroon ng masamang karanasan. 

Una sa lahat, tingnan muna natin kung ano ba ang motibo o dahilan na tayo’y magtutuwid.  Sa ating pagtutuwid, dapat tayo ay may motibo o dahilan ng malasakit o pagmamahal sa taong iyon. Sapagka’t kung walang pagmamahal o malasakit, mararamdaman lamang iyon ng tinutuwid natin at magagalit lang siya. Mararamdaman niya na kaya siya itinutuwid ay para saktan lamang siya. Kaya mahalaga iyong espiritu ng pagmamahal kahit masaktan iyong taong iyon. Malalaman naman niya iyon sa kalaunan. Halimbawa, mararamdaman niya na kaya mo sinabi sa kaniya ay dahil mahal mo ang kaibigan mo at magbabago siya. Ganoon din ang mga magulang sa anak. Maaaring magdabog ang iyong anak. Pero alam naman niya kaya mo sinasabi ito sa kaniya dahil mahal mo siya. Ganoon din sa iyong asawa. Ganoon din sa sinumang kapwa na nais mong ituwid. Napakamahalaga iyong pagtutuwid na mayroong pagmamahal.

Pangalawa, mahalaga na maunawaan ang damdamin ng taong iyong itutuwid. Maselan ang pagtutuwid. Kaya mahalaga na hindi lamang iyong damdamin kundi yung iyong pagsasalita ay mahalaga rin. Hindi ka puedeng gumamit ng mga salitang alam mong masakit. Minsan, alam mo kung may sugat siya sa salitang iyon, huwag mong babanggitin iyon. Minsan may mga salitang nagagamit katulad ng: “Kasi ikaw tanga ka!; Ikaw kasi bobo ka!” Panghuhusga iyon. Kaya tuloy yung tumatanggap ng pagtutuwid, nararamdaman niyang hindi mo siya pinagmamalasakitan kundi sinasaktan at hinuhusgahan.

Pangatlo, iyong pagsabi ng kaniyang maling ginawa na walang panghuhusga. Mga salitang maiintindihan agad kung paanong konkreto na nagkulang iyong taong itinutuwid. Halimbawa: “Hindi mo nilinis ang iyong kwarto.” “Hindi mo ginawa iyong homework.” “Hindi ka umuwi ng maaga.” Hindi mo sinasabing “Barumbado ka!” “Hindi ka responsible!” Yung mga salitang iyon ay paghatol. Importante rin na sa ating pagsasabi ng pagtutuwid, nandodoon din ang tamang pananalita.

Kaya sa ating pagtutuwid, mahalagang tumahimik muna at tanungin kung ano ba yung motibo ko at paano ko ba siya sasabihin.

Pang-apat, kapag nagkasala ang iyong kapatid o kapwa, puntahan mo siya at sabihan mo ng sarilinan. Nandoon na iyong paggalang sa kaniyang pangalan. Kapag kayo na ang nag-usap, ibig sabihin noon, pinag-isipan mo ang iyong sasabihin sa kaniya; at ginagalang mo na hindi siya masiraan dahil sa kaniyang kasalanan. Kaya lang, ito ang malaking pagkukulang nating mga Pilipino. Kapag mayroon tayong kaibigan o kamag-anak na nagkasala, kinikuwento ng tao sa iba – sa kapwa kamag-anak, sa pamilya pero iyong tao hindi niya kinakausap. Kaya lahat ng tao alam na nakiapid siya; na siya’y nabuntisan; siya’y magnanakaw pero yung taong iyon hindi mo man lamang nilapitan. Kaya sa halip na maitaguyod mo at pangalagaan ang mabuting pangalan ng iyong kapwa, lalo pa siyang nasisiraan. Sa paglapit mo sa kaniya, sinasabi mo na rin sa kaniya na: “pinapangalagaan ko ang pangalan mo”; “pinapangalagaan ko ang dignidad mo”; “nagmamalasakit ako sa iyo kaya ako nagsasabi sa iyo”. Dito pa lamang ating baunin, pagnilayan at gawin. Sapagka’t kapag hindi natin binabago ang ganoong pag-uugali, mananatili ang tsismis; mananatili iyong paninirang-puri o back-biting; mananatili ang paghatol ng masama sa kapwa.

Ayon kay Mother Teresa ng Calcutta: “If you spend time judging one another, you will have no time to love one another.” Mahalaga na hindi tayo humahatol at makasira sa ating kapwa. Bagkus, mahalin natin sila.

May paalala si San Pablo sa mga Romano sa Ikalawang Pagbasa: Huwag kayong magkaroon ng ibang obligasyon liban sa obligasyong magmahal. Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman maliban sa saguting tayo’y mag-ibigan sapagka’t ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan.

Pang-lima, halimbawang nasabihan mo na siya at ayaw pa rin magbago, tumawag ka ng isa, dalawa, tatlo sapagka’t baka maisip niya na ang pagtutuwid mo ay pamemersonal mo lamang. Kung hindi siya makumbinsi sa iyo, maghanap ka ng ibang taong makapagkumbinsi na mayroong pagmamahal o may malasakit; hindi para siraan iyong taong iyon kundi para tulungang magbago. Magdala ka ng isang kasama na matino ang isip, tama ang paghusga at pananaw sa buhay para makumbinsi iyong taong tinutuwid mo na nagkakamali siya. Halimbawa, kayong mag-asawa. Kung itinutuwid mo ang iyong asawa, tawagin mo iyong ninong sa kasal o iyong matalik niyang kaibigan o kung sino mang matino para sabihin din sa kaniya: “Kapatid, tama ang iyong misis. Masyado kang nagugumon na sa alak.” At nang sa gayon ang sabi ng Panginoon: Lalo siyang makumbinsi na magbago. Sapagka’t ang totoong layunin natin sa pagtutuwid ay para magbago iyong nagkamali o nagkasala.

Hamon

Mahalaga na maunawaaan na kadalasan, kaya tayo natatakot magtuwid, iyong tao mismo ayaw tumanggap; nagagalit. Kaya tuloy, sinasabi natin: mas mabuti pang huwag nang magtuwid kasi magagalit lang. Pero alam ninyo kapag ang tao ayaw tumanggap ng pagtutuwid, iyon ay tanda ng pagmamataas – pride. Kapag mataas ka, kahit na tama iyong sinasabi sa iyo, hindi mo tatanggapin; magdedepensa ka. At walang mangyayaring pagbabago. Subali’t kapag ikaw ay mababa ang loob, maraming nangyayaring kabutihan. Una, sa espiritwal na aspeto, lalong nagkakaroon ng kababaang-loob. Malaking bahagi sa iyong kaakuhan (ego) o pagmamataas (pride) ang natatapyas ang kalooban kapag tinatanggap ang pagtutuwid. Sa antas ng moralidad, nagkakaroon ng paglilinaw sapagka’t kapag tinatanggap mo ang pagtutuwid, masasabi mong “mali nga ako” sapagka’t maraming beses akala natin tama ang ginagawa natin. Kailangan lang mayroon isang taong magsabi sa atin: Mali iyan. Kasi ang kalaban – ang diyablo – madaling mambulag. Minsan o kadalasan, akala natin, okay lang. Hindi pala. Kaya ang taong nagtutuwid talagang makakatulong ng malaki sa taong nagkamali para siya maliwanagan ng husto.

Halimbawa sa sarili kong karanasan bilang pari. Madalas kinakausap ko iyong mga taong lumalapit sa akin at mapapatanong ako dito sa aming munting pag-uusap: Kayo ba’y kasal? Ang sagot nila: Opo. Saan kayo kasal? Sa huwes. Kapatid, kasal ka sa mata ng lipunan nguni’t hindi ka kasal sa mata ng Diyos. Dito sa ating simbahan, libre kasalan. Magpakasal kayo. A, ganoon ba iyon, Padre?

Maraming beses, marami sa atin ang hindi malinaw sa kanila na iyon pala’y mali. Maraming pagkakataong gagamitin tayo ng Diyos para mapaliwanagan ang ating kapwa.

Pero, alam din naman natin na kahit anong paghimok natin o mga gagawing paraan para magbago siya o tanggapin niya ang pagkakamali; huwag nating kalilimutan na nasa kalayaan pa rin ng tao ang magbago. Hindi mo talaga mapipilit iyon. Kahit na tama ka pero ayaw pa rin niyang tanggapin; wala tayong magagawa pang argumento.

Misyon

Sa bandang huli ng Ebanghelyo, ang sabi ng Panginoon: “Sinasabi Ko sa inyo – kung ang dalawa sa inyo ay magkaisa sa daigdig na ito para humingi ng isang bagay sa pamamagitan ng panalangin, ipagkakaloob sa inyo ng Aking Amang nasa langit.” Sa lahat ng ito – huwag kalilimutan na ang dasal pa rin ang mayroong tunay na kapangyarihan para magbago ang tao patungo sa kabutihan.  Mga misis: gusto ninyong magbago ang inyong mister pero ayaw niya magbago? Ipagdasal mo. At isama mo ang iyong anak. “Anak, ipagdasal natin ang tatay mong lasenggero para makalaya siya sa kaniyang bisyo.”

Huwag na huwag ninyong turuan ang inyong anak na magalit sa kanilang ama at magtanim ng sama ng loob. Pakatatandaan – ang anak na nagtanim ng sama ng loob at hindi natutong magdasal at patawarin ang kaniyang magulang, paglaki niya ganoon din siya sapagka’t iyon ay magiging lason na mananatili sa puso ng inyong anak at hindi ito nahihilom. Kung babaero ang tatay niya, iyong anak baka maging ganoon din. Pero hindi naman lahat. Kaya, napakaimportante na turuan ninyo ang inyong mga anak. Kahit sinuman sa ina o sa ama ang nagkakasala – “Anak, patawarin mo ang tatay/nanay mo. Ipagdasal natin siya.” Kapag nagdadasal ang mga miyembro ng pamilya para sa pagbabago ng kapamilyang nagkakamali o nagkakasala, tunay na magkakaroon ng pagbabago sa kalaunan. Sapagka’t ang panalangin ninyo ay panalanging may pagmamahal. Iyon ang naririnig ng Diyos. Iyong mga panalanging may pagmamahal ang mga tumatagos sa langit. Hindi iyong mga panalanging basta-basta lang; bukambibig lamang. Iyong mga panalanging galing sa puso – iyong may pagmamahal, iyon ang totoong nakakapagpapabago.

Baunin natin itong paalala ng Panginoon: huwag tayong mawalan ng tiwala. Kung mayroon mang gustong gawin ang Diyos sa buhay natin, gusto Niya magbago tayong mga nagkamali o nagkasala tungo sa kabutihan sapagka’t ito ang nagdudulot ng tunay na kapayapaan at kaligayahan sa buhay.

Sana tayong mga pamilya, komunidad, parokya ay maging mga taong may malasakit sa isa’t-isa. Marunong magtuwid ayon na rin sa turo ni Kristo upang lumaganap ang liwanag at hindi ang kasalanan; para lalo pang mataguyod ang kabutihan at kapayapaan.

#NSOLLPH