Ibinuod ni Aurora delos Reyes

Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon, Ika-20 ng Setyembre, 2020

Unang Pagbasa

Isaias 55: 6-9 “Ang Aking Kaisipa’y hindi ninyo kaisipan; ang inyong kaparaanan ay hindi Ko kaparaanan.”

Salmong Tugunan

Diyos ay Tapat at Totoo sa Dumadalanging Tao                               

Ikalawang Pagbasa

Filipos 1: 20K-24; 27A “Ang buhay ay para kay Kristo at ang kamatayan ay pakinabang.”

Aleluya

Kami’y Iyong Pangaralan Upang Matutuhan Ang Salitang Bumubuhay

Mabuting Balita

Mateo 20:1-16A “Ang nahuhuli ay mauuna at ang nauuna ay mahuhuli.”                                       

Paksa

Dito ipinapakita ng Diyos kung gaano katayog ang Kaniyang pag-iisip, hindi makukumpara sa mga pag-iisip natin. Ang pamamaraan ng Diyos napakatayog. Walang-wala ang mga pamamaraan natin. Iba Siya talaga tumingin sa ating kaligtasan.

Pagninilay

Isang magandang halimbawa si John Newton na ipinanganak sa London, bansang Inglatera nong 1725. Siya ay isang anak ng kapitan ng barko. Sa batang edad ay namulat na siya sa karaniwang kalakalan ng panahong iyon – ang pagbebenta ng alipin o slave trading – na isang napakalaking negosyo ng mga mangangalakal na bumibiyahe mula Europa patungong Aprika para kumuha ng mga alipin. Naakit siya sa kalakalang ito. Nagsumikap siyang maabot ang pangarap at natupad nga na maging kapitan ng barko. Kahit masama at imoral ang naturang kalakalan, wala siyang pakialam basta lamang lumago sa pansariling kabuhayan.

Ngunit isang araw nang siya’y pabalik na sa Inglatera, nagkaroon ng matinding bagyo sa dagat. Ang kaniyang barko at lahat ng nakasakay doon ay nanganganib ang buhay. Ang akala niya, katapusan na niya at bigla siyang nakapagsambulat ng: “Panginoon, maawa Ka sa amin!”  Biglang tumigil ang bagyo, kumalma ang dagat at nakabalik ng bayan niya si John Newton. Ito ay naging napakalakas niyang karanasan na nagdulot sa kaniya ng matinding pagninilay. Dito niya natanto na ang buhay niya pala ay isang buhay-makasalanan. Nakapag-isip-isip siya. Iiniwan niya ang masamang kalakal; nag-aral ng Bibliya at Teolohiya at pumasok sa seminaryo ng mga paring Anglikano at naging pari siya roon sa kaniyang katandaan. Siya ay mas nakilala bilang isang magaling na kompositor ng mga awit-simbahan. Isa sa naging popular niyang komposisyon ay ang awit na pinamagatang “Amazing Grace” na ang bahagi ng titik nito: Amazing Grace, how sweet the sound that saved a wretch like me. I once was lost but now I’m found; was blind but now I see. Napakagandang awit dala ng kaniyang karanasang pagbabago.

Si John Newton ay isa lamang halimbawa na dala ng kasalanan subalit naramdaman ang tawag ng Diyos sa kalagitnaan ng kaniyang buhay; nagbago, iniwan ang makasalanang buhay at nagsimulang maglingkod sa Diyos. Ito ang nilalaman ng talinghagang narinig natin sa Ebanghelyo.

Sinasabi ni Hesukristo na ang Diyos ay tulad ng may-ari ng ubasan. At iyong mga manggagawa ang tao. Ang Diyos laging tumatawag ng taong manggagawa Niya sa ubasan – ang daigdig- na ang tao magtrabaho’t maglingkod para sa kaharian ng Diyos. Mayroong mga tinatawag ang Diyos na bata pa lamang ay tumutugon na. Mayroong naglilingkod na sa kasibulan ng kaniyang kabataan.

Pero mayroon ding tinatawag, ayon sa kuwento – sa ganap na alas nuwebe ng umaga, sa katanghalian. Ibig sabihin sa kalagitnaan ng buhay pa lamang nila nararamdaman na sila’y tinatawag ng Diyos para maglingkod sa kaharian ng Panginoon. Iyong iba alas-tres at mayroon din sa bandang huli na ng kanilang buhay – alas singko, dapit-hapon.

Ang totoo niyan lahat ng tao ay tinatawag ng Diyos magmisyon, maglingkod sa Panginoon. Iba’t-iba lang nga ang paglilingkod pero  lahat tayo tinatawag ng Diyos maglingkod. At ano ang bayad? Ano iyong denaryo? Ang langit. Sinasabi pa rin ng Panginoon: kahit na ang isang tao ay naglingkod sa simula o sa kalagitnaan na ng kaniyang buhay o kahit sa bandang huli na ng kaniyang buhay, kung siya’y tutugon sa Diyos na ibigay ang sarili, ibibigay sa kaniya ng Diyos ang buhay na walang hanggan. Dito ipinapakita ang kagandahang-loob ng Diyos at ibang-iba ang Diyos sa ating mga tao.

Tulad din ng taong nagsabi sa bandang huli ng kuwento:” Bakit ang isang taong ito, isang oras lang ang trinabaho, nakatanggap din ng isang denaryo?! Kami, umagang-umaga pa lang nagtrabaho na, ganoon din ang bayad?!” Ganoon kasi tayo mag-isip. May mga taong iniisip nila: itong taong ito nagbago lang sa bandang huli, bakit siya papasok sa langit? Ako batang-bata pa nagsisimba, naghihirap, nagdarasal na.

Dito tayo tinutuwid ng Panginoon. Ang kaharian ng langit nais Niya talaga ibigay sa lahat. Napakahalaga sa puso ng Diyos na tayong lahat ay makapasok sa buhay na walang hanggan. Kahit tayo’y naging makasalanan, hindi iyon inaalintana ng Diyos. Baka mayroong nakikinig ngayon na nabubuhay o namuhay sa kasalanan, hindi pa huli ang lahat. Bibigyan tayo lagi ng Panginoon ng pagkakataong maglingkod sa Kaniya nang sa gayon ay pumasok sa buhay na walang hanggan sapagka’t ang alternatibo ay kamatayang walang hanggan. Ayaw na ayaw ng Diyos na mangyari ito kahit kaninuman sa atin. Dito nakikita ang kagandahang-loob ng Diyos. At tayo rin ay inaanyayahan ng Panginoon nang ikinikuwento ito ni Hesus, ang tinutukoy Niya ay ang mga Pariseo ng panahong iyon, mga banal, mabuti, tinutupad ang utos ng Diyos pero malayo ang puso’t pagmamahal. Kaya’t sila’y nabibigla kung bakit ang Kristong ito ay nakikisalo sa mga makasalanan; bakit Siya nagpapatawad? Para sa mga Pariseo: Hindi dapat! Sa halip na magalit tayo: sa isang makasalanang nagbago’t papasok sa kaharian ng Diyos, dapat ay matuwa tayo. Iyon ang paanyaya ng Panginoon sa ating mga anak ng Diyos. Imbis na magalit, matuwa tayo sa kabutihan ng Diyos na kahit na ang isang tao’y makasalanan, binibigyan pa rin Niya ng pagkakataong magbago at maglingkod sa Kaniya.

Hamon

Ipasok natin ang damdamin ni Santo Padre Pio.

Karaniwan, ang tingin natin:- ang paglilingkod sa Diyos ay paghihirap. Dahil ang tingin natin kapag tayo’y tumutugon sa ating misyon ay mabigat pero huwag nating kalilimutang bahagi talaga ito ng buhay-Kristiyano. Bawa’t isa sa atin ay may krus na dinadala at bahagi ng pagdala natin ng krus ay mayroon talagang kabigatan. Kung ikaw ay may asawa, ang kabigatan ay itaguyod ang pamilya. Kaya lang ang daigdig ang itinuturo sa atin, kapag mahirap na, takasan mo na. Kung mahirap na ang relasyon mo sa iyong asawa, maghiwalay na kayo. Kapag naghihirap ka na sa nanay mo dahil siya’y nagger o isang bungangera, lumayas ka na sa bahay. Kapag mahirap na ang buhay, tumakas na. Iyan ang tinuturo ng daigdig subalit iba ang itinuturo ni Padre Pio sa atin. Ang kaniyang paalala: “if we embrace the cross, it will give us strength in our daily lives.” Pag yayakapin natin ang ating mga krus na maaaring mahirap, ito ang magbibigay sa atin ng lakas. Sabi niya:  Ang mga taong nakatakdang pumasok sa buhay na walang hanggan ay ang mga taong handang tumahak sa pagdala ng kanilang krus, ng paglimot ng sarili at handang maghirap. Dagdag pa niya: “Are you not fortunate then to be treated in this way by Jesus when He said: If anyone would come after me, let him deny himself & take up his cross and follow Me? Foolish are those who fail to follow Me and the secret of the cross.”

Ano ba ang sikreto ng krus? Na iyong mga taong dinadala nila ang krus ng kanilang buhay ay ipinagpala at sila ang pinili ng Diyos. Sila aya nakatakdang pumasok sa buhay ng walang hanggan. Huwag nating pakinggan ang rason ng daigdig: anumang paghihirap ay kailangang takasan. Hindi ito totoo. Minsan, may nagrereklamo sa Diyos: “Bakit ganito ang ginagawa Niyo sa akin, Panginoon? Wala naman akong ginagawang masama, bakit ako naghihirap?” Ang sagot ni Padre Pio rito: “If such reasoning were true, then Jesus would have been a cursed man. The Virgin Mary who suffered greatly also would have been a cursed woman.” Ang kaisipan ng mundo: Ang naghihirap ay sinumpa (cursed). Pero ang karanasan ni Padre Pio: limampung taong dala-dala niya ang stigmata – naghihirap pero naglilingkod pa rin. Hindi maaaring sabihing isinumpa siya. Sa kabaliktaran, siya ay pinagpala tulad nina Hesus at Birheng Maria sapagka’t dinadala nila ang kanilang mga krus sa buhay.

Sana huwag nating isipin na ang maglingkod sa Diyos, ang tuparin ang ating mga misyon sa buhay na mabigat ay dapat na ikalungkot. Huwag nating kainggitan ang parang nakakaangat sa buhay. Ang akala nating maayos ang buhay, mayaman, pero ang totoo, watak-watak ang pamilya, nag-aaway parati, walang espiritu ng Diyos. Iba ang kapayapaan at kaligayahang dulot ng Espiritu ng Diyos dahil ginagampanan natin ang ating mga misyon at handa tayong tanggapin ng ating mga krus. Kaunting hirap, malalagpasan din.

Misyon

Marami tayong mga natutunan at naimumulat ang ating mata’t isipan ngayong panahon ng pandemya.

Muli, tugunan natin ang panawagan ng Diyos dahil sa panahong ito maaaring nakalimutan na ang Diyos o nakalimutan na ang  misyon sa pamilya- puro trabaho na lang; puro pera. Pero hindi pa huli ang lahat. Ito’y sana’y maging bagong simula sa ating buhay. Lumapit tayo sa Kaniya at muli harapin natin ang ating mga misyon at paglingkuran ang Panginoon.

Bigyan nawa tayo ng Panginoon ng lakas, kung anuman ang mga misyon natin sa buhay – paglilingkod, magampanan natin nang sa gayon, sama-sama tayo sa pagpasok sa buhay ng walang hanggan.

#NSOLLPH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here