Ibinuod ni Aurora delos Reyes

Ika-26 Linggo sa Karaniwang Panahon, Ika-27 ng Setyembre, 2020

Unang Pagbasa

Ezekiel 18:25-28 “Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya; ang masamang nagpakabuti ay mabubuhay.”

Salmong Tugunan

Poon, Iyong gunitain wagas Mong Pag-ibig sa akin.

Ikalawang Pagbasa

Filipos 2: 1-11 “Kahit taglay Niya ang kalikasan ng Diyos, hindi Niya ipinagpilitang  manatiling kapantay ng Diyos.”

Aleluya

“Ang tinig ko’y pakikinggan ng kabilang sa ‘king kawan; Ako’y kanilang susundan.”

Mabuting Balita

Mateo 21: 28-32 “Ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos.

Paksa

May kasabihan ang mga Pinoy: Huwag puro salita; ipakita mo rin sa gawa.

Napakamahalaga sa ating mga anak ng Diyos na kung ano man ang sinasabi natin ay makikita rin sa ating mga gawain. Sa tunay na karanasan na pawang  mga malungkot na sitwasyon minsan pinapangakuan tayo ng mga pulitiko: “Kung ako ang ihahalal ninyo, uunlad ang ating bayan.” Subali’t kapag nahalal na, walang nangyayari. O kaya kahit sa loob ng pamilya, sasabihin ng anak: “Mama, mahal kita!” Pero kapag inutusan mo, ayaw namang sumunod. O kaya ang iyong asawa: “Sweetheart, lab na lab kita” pero hindi naman naglalaan ng panahon para sa iyo.

Pagninilay

May malaking panawagan sa atin ang Panginoon – na makita sana sa ating mga gawa iyong ating sinasabi lalo’t higit iyong sinasabi natin sa harap ng Diyos.

Ano ang kahulugan nito sa ating buhay pang-araw-araw?

Sa Unang Pagbasa, nangangaral si Propeta Ezekiel sa bayan ng Israel at katulad ng isang tunay na propeta, sinasabi niya ang mensahe ng Diyos. Maaga pa lang sa kasaysayan ng Israel, nandoon na ang kanilang mga ideya – ang kahalagahan ng gawa lalo na ang kanilang mga lider na namamahala sa kanila. Kapag ang lider ay namamahala sa kanila at lahat sila ay gumagawa ng mabuti, sinusunod ang utos ni Yahweh, binibiyayaan sila ng Panginoon. Subali’t kapag sila at  ang kanilang mga lider ay napapariwara, nagkakasala, dumarating din ang kinahihinatnan o “consequencia” ng kanilang gawa. Sila’y naparurusahan. At sa kasaysayan ng Israel, ang isang kasukdulang kaparusahan ng Israel ay ang kanilang pagkatapon sa Babylonia bilang alipin. Sila ay nakipag- alyansa sa mga bansang pagano at sumamba sa mga idolo nila. Kaya maliwanag sa bayan ng Israel na may kinahinatnan ang kanilang mga gawa bilang isang bansa.

Kaya dito, binibigyang linaw ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel ang personal na responsibilidad ng bawa’t tao:  Pag siya ay nagbago at gawin na ang mabuti, siya’y mabubuhay at maliligtas. Pero kung siya ay matuwid at nagpakasama sa bandang huli, siya rin ay maparurusahan.

Ito ay isang magandang balita at isa ring babala. Ito ay isang magandang balita sapagka’t kapag ang isang tao’y napakasama sa buong buhay niya, hindi pa huli ang lahat. Kung siya ay tunay na magsisisi at gawin na ang mabuti, siya’y maliligtas at mabubuhay. Hindi lang siya mabubuhay sa daigdig na ito kung hindi, sa buhay rin na walang hanggan.

Isang babala naman sa isang taong naging matuwid: Huwag na siyang lumihis ng landas sapagka’t kung siya’y lumihis ng landas at mamatay sa kasalanan, tiyak ang tatanggapin pa rin niya ay kaparusahan.

Sa Ikalawang Pagbasa, mahalaga iyong sinasabi ni San Pablo sa mga taga-Filipos: huwag kayong gagawa ng mga bagay dahil sa hangad lang ninyong maging tanyag. Bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na mas mabuti kayo kaysa sa iba. Ipagmalasakit din ninyo ang kapakanan ng iba hindi lamang ang inyong sarili. Magpakababa kayo tulad ni Kristo Hesus. Dito binibigyan ni San Pablo ang isang katangian ng anak ng Diyos na hindi popular at hindi tanggap ng daigdig.

Ano iyon? Ang damdaming magpakababa ng loob. Ang gusto ng daigdig ay lagi tayong sumikat at maging tanyag at maging higit kaysa sa iba. Subalit mayroong panganib ang ganoong damdamin. Pag ikaw ay mataas, ang dali mong husgahan ang iyong kapwa at ang hirap magmahal sa kapwa.

Kapag ang tao’y napakataas, hindi na niya titingnan ang kaniyang pagkakamali. Ang hirap niyang tanggapin ang kaniyang kasalanan. Kaya sinasabi ni San Pablo sa mga Kristiyano ng Filipos na sana magkaroon ng kababaang loob para matutong tunay na mahalin ang kapwa at para ring makatulong tungo sa totoong pagbabago. Hindi tayo magbabago kung hindi natin tinatanggap ang ating kakulangan at kasalanan. Katulad din ng isang maysakit, hindi ka pupunta sa duktor kapag hindi mo tinatanggap na ikaw ay maysakit. Gayun din kung hindi mo tinatanggap na mayroon kang kahinaan o kasalanan, hindi ka lalapit kay Kristo para gumaling. Kaya napakamahalaga itong pangunahing damdaming pagkakaroon ng kababaang-loob bilang mga anak ng Diyos para matuto tayong tumanggap ng anumang kakulangan o pagkakamali nating nagawa sa ating buhay.

Kung hangad ang tunay na pagbabago, dapat makita sa gawa ang pagbabago tungo sa kabutihan kaya kailangan ng kababaang-loob. Napakaganda ng pagpapakita ni San Pablo sa larawan ni Hesus Taong- Diyos na dalawang  beses nagpakita ng lubusang kababaang-loob. Una, sinabi niya na si Hesus na Diyos, nagkatawang-tao; isang malaking pagpapakababa. Hinubad niya ang Kaniyang katangiang pagka-Diyos, nagkatawang-tao at nabuhay bilang alipin.  Ang Panginoon, ang Anak ng Diyos, May-ari ng lahat; pinili Niyang maging katulad natin. Sabi ni San Pablo ito ay napakalaking kababaang-loob. At hindi lamang iyon. Ang pangalawa: hindi lang Siya nagkatawang-tao; pinili pa Niya ang mamatay sa pinakaabang kamatayan – ang krus para patunayan sa atin na tayo ay mahal Niya; para patunayan sa atin na lahat ng tinuro Niya ay totoo at handa Siyang mamatay para doon; para mapakita Niya ang ating kaligtasan at ang Daan ng Kaligtasan.

Kaya ang Panginoon, bagaman makapangyarihan, ay punong-puno ng kababaang-loob. At iyan ang gusto Niyang mangyari din sa atin. Kapag nakikita tayo ng Diyos Ama, ang nakikita Niya ay hindi isang taong mataas ang kaakuhan o “ego” o malaki ang ulo kung hindi isang may mababa ang loob.

Sa Ebanghelyo,  dito natin makikita ang maliwanag na itinuturo ng Panginoon. Narinig natin ang maikling talinghaga ng isang ama na may dalawang anak at inutusan ng ama ang panganay para pumunta sa ubasan at magtrabaho. At ano ang sabi ng panganay: Ayoko po! Pero nagbago siya, sumunod siya – pumunta sa ubasan at nagtrabaho. Ang pangalawang anak na lalaki naman sinabihan din ng ama: pumunta ka sa aking ubasan at magtrabaho. Ano ang sinabi ng pangalawang anak: Opo. Siguro isang “pleaser” o nagpapakalugod-lugod pero hindi naman siya pumunta at nagtrabaho sa ubasan. At nagtanong si Hesus sa mga punong saserdote at matatanda: Sino sa dalawang anak na iyon ang gumawa ng kalooban ng kanilang ama? At ang sagot: Iyong panganay sapagka’t kahit nagsabi siya ng “hindi po!”, nagbago siya at nagtrabaho sa ubasan. At dito ginamit ni Hesus ang sitwasyong ito para sabihin sa mga punong pari at matatanda ng bayan: Nakita ninyo si Juan Bautista at maraming makasalanan at masasamang babae ang nagbago. Sa una,  malamang ang sagot nila sa tawag: “Hindi” Nguni’t nang marinig nila ang mga magagandang turo ni Juan Bautista, nagbago sila; nag-ibang landas sa mabuti. Ang sabi pa ni Hesus: Kayo na nagsasabing sumusunod kayo sa Diyos; hindi kayo nagbago at hindi rin naniwala kay Juan Bautista. Kaya ang mga masasamang babaeng ito at makasalanan mauuna sa kaharian ng Diyos kaysa sa inyo.

Hamon

Ipinapaaalala sa atin na hindi sapat na magsabi tayo sa Panginoon ng “Opo, Panginoon!” Kailangang makita ang gawain ng ating pagtugon natin sa Kaniya ng “Opo, Panginoon!” Isang konkretong halimbawa: minsan o kadalasan – sa loob ng simbahan, pakiramdam ng isang tao, siya ay mabuti, pero pagdating sa opisina, sa trabaho, sa pamilya, nandoon iyong pandaraya, pang-aapi, pananakit, kakulangan ng pagmamahal, pagkalimot ng mga responsibilidad. Kaya’t sa halip na maging saksi tayo na tayo’y mga anak ng Diyos, nagiging kontra-saksi o “counter-witness” tayo sa ating sinasabing “Oo” sa Panginoon.

Sana sa pang-araw-araw nating gawain tayo nga ay nagsasabi ng “OO” sa ating Panginoon at nakikita sa ating gawain.

Misyon

Mayroong pangatlong anak na lalaki na hindi binanggit ni Hesus at sino iyon? Siya mismo. Si Hesus ang dapat nating tularan sapagka’t Siya ang nagsabing “Oo” sa Kaniyang Ama at tinupad Niya ang Kaniyang sinabi. Si Hesus ang ating tunay na huwaran; hindi iyong dalawang anak na lalaki sa Ebanghelyo na kahit paano’y nagbigay ng sama ng loob sa kanilang ama.

Hingin natin sa Panginoong Hesukristo: Panginoon, bigyan mo ako ng lakas; bigyan Mo ako ng karunungan upang sa aking  pagsabi  ng “Oo” sa iyo, aking Ama, ay maisagawa ko rin ito sa aking pang-araw-araw na  buhay bilang Kristiyano.

#NSOLLPH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here