Ibinuod ni Sis. Aurora delos Reyes

Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon, Ika-25 ng Oktubre, 2020

Unang Pagbasa

Exodo 22: 20-26 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan, mga balo at ulila; kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, tiyak na papakinggan Ko sila.

Salmong Tugunan

Poong aking Kalakasan, iniibig Kitang tunay.

Ikalawang Pagbasa

1 Tesalonica 1:5-10 Kahit dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, tinanggap ninyo ang Salita ng Diyos ng may kagalakan.

Aleluya

Ang sa Aki’y nagmamahal, tutupad sa Aking aral, Ama’t Ako’y mananahan.

Mabuting Balita

Mateo 22:34-40 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, kaluluwa at pag-iisip; ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.

Paksa

Ano ba ang pinakamahalagang utos ng Diyos? Sa Linggong ito, napakamahalaga ang kasagutan ni Hesus sa tanong ng mga Pariseo. Tila nga ito na yata ang isa sa pinakamahalagang  katanungang maaaring matanong ng tao sa Diyos.      

Pagninilay     

Sa unang banda nang panahon ni Hesus, napakamahalaga ng katanungang iyon sapagka’t ito ang pinagdedebatehan ng mga matatalino at iskolar na mga Judio. Sa simula, binigay ni Yahweh sa Israel ang Sampung Utos subali’t sa bawa’t henerasyon ng mga Judio, ang iskolars nila, mga “thinkers” ay hinimay itong Sampung Utos upang para sa kanila ay maging mas malinaw sa lahat. Halimbawa: sinasabi ng Ikatlong Utos: Mangilin ka kung Linggo. (Keep holy the Sabbath Day.) Ang ibig sabihin nito: Sumamba ka sa araw na iyon; huwag kang magtrabaho.  Subali’t ang mga Judio at mga iskolar magsasabing “anon’ng ibig sabihin ng magtrabaho?” Kapag magbuhat ba ako ng bato, trabaho na ba iyon? Kaya lumabas iyong mga maliliit na mga batas. Halimbawa, nagkasugat ka, puede mong hugasan pero hindi mo puedeng tapalan o lagyan ng pamahid. Para sa mga Judio, trabaho na iyon. Kaya sa Sampung Utos na iyon, lumabas ang napakaraming mga bawal. Lumabas ang 613 na utos batay sa Sampung Utos.  Mayroong mga utos na nagbabawal. Ang ibang utos ay ang mga dapat na gawin. Kaya kung ikaw iyong karaniwang Judio, malilito ka na talaga. Ang dami-dami na ng utos. Kaya noong panahon ni Hesus, nagbigay siya ng karunungan at paglilinaw na manggagaling lang sa langit. Ito ang ibinibigay sa atin ng Panginoon noon at ngayon. Dalawang utos na napakamahalaga: Una, mahalin mo ang Panginoong Diyos ng buong puso, isip at kaluluwa. Pangalawa, katulad ng nauna, Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Itong dalawang utos na ito ay hindi na bago sa mga Judio. Sa katunayan, iyong unang utos ay bahagi na ng “Shema Yisrael! Hear, O Israel.” Itinuturo sa mga Judio simula pa sa pagkabata: mahalin mo ang Panginoon mong Diyos. Makinig kayo. Mahalin mo ng buong puso, isip at kaluluwa. Lahat-lahat ng iyong pagkatao nandodoon ang pagmamahal mo sa Diyos. Ito ang ibig sabihin nito. Ito ay matatagpuan natin sa Deuteronomio Kabanata 6:5.    

 Pangalawa: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Nandoon din sa Levitico 19:18 –  Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan.                        

Nang dumating si Kristo, pinagsama Niya iyong dalawang utos na ito at pinagpantay. Itong dalawang utos na ito ay nagpapaalala sa mga Judio na kung mayroon man tayong pagkakaabalahan sa buhay ay iyong magmahal: una ay mahalin ang Diyos. Ito ang dahilan na gusto ng Diyos na gawin natin sa bawa’t yugto o sandali ng ating buhay – sa araw-araw ang magmahal, iyon lamang. Pero para sa makasalanang bahagi ng daigdig, ito’y walang kuwenta. Tuturuan pa tayo na ang papel na gagampanan sa ating buhay ay iyong magtrabaho, yumaman, magkaroon ng magandang bahay. Hindi naman ito masama. Pero huwag kalimutan na sa likod ng mga bagay na iyon, hindi natin isinasantabi ang dahilan ng ating mga gawain at iyon ay para mahalin ang Diyos at kapwa. Halimbawa, isa sa mga utos ng Diyos ay magsimba sa araw ng Linggo. Ang araw ng pangiling. Kung tayo ay pupunta sa simbahan sa araw ng pagsisimba, ito ba ay may damdamin ng pagmamahal sa Diyos? Mahal ba natin Siya kaya tayo nagsisimba? Nang tayo ay bata pa, tayo ay nagsisimba dahil utos iyan ng nanay mo o titser mo na “magsimba ka.” Minsan, magsisimba ka kasi mayroon kang nakikitang magandang tanawin o ano man. Pero hindi talaga dahil mahal mo ang Diyos kundi dahil ito ay obligasyon. Sa katagalan, nakikita na natin ang kagandahan ng pagsisimba. Bakit? Sapagka’t ito ang pagkakataon na humihingi ka sa Diyos. May sakit ka, may kailangan ka, wala kang pera – lumapit ka sa Panginoon. Sabi nila: “provider” iyan, e. Maaaring totoo ito pero hindi pa sapat. Sapagka’t maaaring pupunta ka rito kasi mayroon kang hihingin pero kapag wala ka ng hihingin, hindi ka na pupunta. Kapag wala kang problema, opsyonal ang magsimba o kaya ang magdasal. Kaya napakamahalaga ang ipinapaaalala ng Panginoon na tayo para tayong bata na lumalago – lumalaki. Gusto niya ang ating kaalaman at pagkaunawa sa buhay ay lumalago rin. Hindi Niya minamasama na noong bata tayo kaya tayo sumusunod dahil obligasyon, utos lang. Hindi Niya minamasama na kaya tayo nagsisimba dahil mayroon tayong hihingin pero ang ayaw Niya ay manatili lamang tayo doon. Gusto Niya na umabante pa tayo at makita Niya na kaya tayo pumupunta rito dahil mahal natin ang Diyos. Isipin niyo na lang, kung ang anak ninyo dadalawin lang kayo dahil may kailangan sa inyo pero kapag wala na siyang kailangan, hindi na kayo dadalawin, di ba masakit iyon” Mapapaisip tayo: Mahal ba ako ng anak ko? o Mahal niya iyong pera ko? Ang mithiin natin ay iyong tunay na pagmamahal- walang kundisyon, walang kapalit. Iyan ang panawagan ng Diyos sa atin. Umulan man o umaraw; may magandang palabas man o wala, pupunta ako sa simbahan dahil mahal kita, Panginoon! Karapat-dapat lang na sambahin, pasalamatan, papurihan ang Diyos sapagka’t napakabuti Niya sa atin. Kung tutuusin, napakadami ng ating dapat pasalamatan sa Diyos. Kaya lang iyong makasalanang bahagi ng daigdig, lagi na lang tayong tinutuksong tingnan iyong mga wala tayo. Kaya tuloy, hindi tayo makapagpasalamat. Sa totoo lang, napakarami nating blessing. Ngayon lamang, wala tayong COVID. Nakakapagsimba pa tayo. Hindi ba dapat blessing iyon? Wala tayo sa Orthopedic, nandidito tayo sa simbahan. Blessing iyon. Mayroon kang bubong na uuwian. Marami nasa kariton lang. Maraming biyaya na puede nating pasalamatan ang Diyos. Sapagka’t iyon ang blessing, na makita lang natin na mahal Niya tayo. Ang pagmamahal Niya sa atin ay nararapat lamang na pasalamatan natin Siya at mahalin din. Ito ang nais ng Diyos na gawin natin. Iyong nasa isip natin na ito ay utos, pasimula lamang iyon nang bata pa tayo. Pero habang naglalakbay tayo sa buhay, nais Niyang makita natin na ang dahilan ng pagmamahal ng Diyos ay masuklian din natin ng pagmamahal natin sa Kaniya.

Ang ikalawang bahagi ng makabuluhang tanong na ito na nasagot naman ng Panginoon. Hindi sapat ang pagmamahal sa Diyos sa daigdig na ito na bagama’t doon tayo sa Kaniya huhugot ng lakas, napakamahalaga rin ang ating pagmamahal sa ating kapwa gaya ng iyong sarili. Doon ang ebidensya na mahal mo nga ang Diyos.

Hamon

Sabi ni San Juan sa kaniyang unang sulat 1Juan 4:20. Paano masasabing mahal mo ang Diyos na hindi mo nakikita tapos hindi mo naman minamahal iyong taong nakikita mo? Gusto ng Diyos na maipakita mong mahal mo Siya sa pamamagitan ng pagmamahal mo sa iyong kapwa sapagka’t ang Diyos mahal ang iyong kapwa. Dito nagiging praktikal o konkreto muli ang utos ng Panginoon sapagka’t dito papasok na ang lagi nating pinagninilayan tuwing Linggo:  mahalin mo ang iyong pamilya sapagka’t iyon ang una mong kapwa. Pero bakit kaya kung minsan, lumalabas na mas mahal mo ang kapitbahay mo, ka-opisina mo kaysa sa nanay mo o sa tatay mo o sa kapatid mo? Bakit kaya ganoon? Kapag mangyari ito, unti-unti nang nawawala ang pagmamahalan sa loob ng tahanan. Maaaring isang dahilan, ang dami na ng sama ng loob natin sa isa’t-isa; patong-patong iyong mga maliliit na galit; maliliit na inis. Kung ganito ang nangyayari, manlalamig na tayo sa isa’t-isa. Wala ng bonding kasi “masama ang loob ko diyan.” Pero ayaw mo sabihin kasi ayaw mong mag-away pa kayo. Ibig lang sabihin, gumawa tayo ng paraan para maibalik ang pagmamahalan na iyon sapagka’t kung mayroon mang magbibigay ng kasiyahan sa buhay natin ay kung mayroong pagmamahalan sa pamilya. Siguro, itong COVID 19, “blessing in disguise” sapagka’t kung dati mayroong mga pamilya na walang panahong mag-usap, ngayon ay nagkakaroon na ng panahon mag-usap lalo na ang tatay sa anak. Ang daming away ng anak sa kaniyang tatay lalo na iyong anak na lalaki o iyong anak na babae sa nanay sapagka’t walang panahong mag-usap. Pero ngayon mayroon na ring pagkakataong mag-usap at magpatawaran at magsabing “mahal kita.” Mahalaga talaga na magkaroon tayo ng pag-uusap sa loob ng pamilya para masabi ring “Tatay o Nanay, mahal kita!” May mga halimbawa ring ang mga anak nagsisisi. Sasabihin nila na nang huli nilang nasabi sa tatay nila na “mahal kita” ay noong sila’y maliliit pa. Hanggang sa naging tin-edyer, nakapag-asawa, hindi na nakapagsabi sa tatay na “mahal kita” hanggang sa nabawian na siya ng buhay. Nangyayari ito sa ibang pamilya sapagka’t masyadong abalang kumita ng pera na hindi naman masama pero nakakalimutan natin kung ano talaga ang basehan ng buhay at kaligayahan at ito ay ang pagmamahalan.

Ang pagmamahal sa ating kapwa ay hindi lamang dapat sa ating pamilya. Dapat ay matuto rin nating mahalin ang mga taong nasa labas ng ating tahanan o pamilya. Kaya sa Unang Pagbasa, nagsasabi na huwag aapihin ang mga babaeng balo, ang mga alipin, mga nasa taga-ibang bansa. Bakit? Sapagka’t ito iyong mga grupo ng mga tao sa Israel na na-agrabyado sa buhay, iyong babaeng balo, ang isang ampon o ulila, walang magulang. Sinasabi ng Panginoon, “huwag ninyo silang apihin.” Sapagka’t kung sila’y tumawag sa akin, papakinggan ko sila at iyong nang-aapi ay aking parurusahan.

Misyon

Ang ibig sabihin ng Diyos, ang ating pagmamahal ay hindi lamang sa pamilya pati rin sa ating kapwa lalo’t higit iyong mga na-aagrabyado sa buhay. Ito ay magandang paalala lalo na ngayong  COVID 19. Maaaring ang inyong mga kapitbahay ay  hirap; maaaring mga kabarangay ay hirap; maaaring mga ka-opisina ay hirap. Di mo man sila kaano-ano, pero bilang anak ng Diyos, bilang Kristiyano, ang panawagan ng Panginoon, mahalin mo rin sila, magmalasakit, tulungan sa abot ng makakaya. At nang sa gayon, magkakaroon ng kaganapan ang buhay natin. Ito ang babaunin natin sa buhay ng walang hanggan. Iyong mga gawain ng pagmamahal. Hindi iyong kung ilang medal ang natamo mo sa eskuwelahan; hindi iyong  kung ikaw ay nakatamo ng mataas na katungkulan sa kung saang kumpanya; hindi iyong kung ikaw ay naging presidente o ano man. Hindi masama  pero huwag kalimutan kung ano man iyon ay para sa pagmamahal. Lagi nating tatandaan ang ipinapaaalala sa atin ng Diyos: “pumasok kayo sa Aking kaharian sapagka’t nang ako’y nagutom, pinakain ninyo ako; nauhaw, binigyan ninyo ako ng inumin; walang damit, dinamtan ninyo ako.” Samakatuwid, hindi tatanungin ng Diyos: Pari ka ba? Presidente ka ba? Hindi. Ang tatanungin Niya, tumulong ka ba sa iyong kapwa? Nagmahal ka ba? Ito ang magbibigay ng kasiyahan sa ating buhay. Ito ang magdudulot sa atin ng kalutasan sa ating pagkalumbay, sa kawalan ng direksyon sa ating buhay!

Ating sundin itong dalawang napakamahalagang utos ng Panginoon na pagmamahal sa Kaniya at sa ating kapwa. Makatitiyak tayo na matatamo natin ang ganap na kasiyahan sa mundong ito at sa buhay na walang hanggan.

** Kaugnay sa naipalabas na balita tungkol sa pahayag ni Papa Franciso, huwag po tayong malito tungkol sa “same sex marriage”. Hindi po kailanman mangyayari iyon base sa mga katuruan ng ating Panginoon at simbahan. Ang kasal ay isang sagradong sakramento na ibinibigay lamang sa lalaki at babae kaya kailanman hindi sasabihin ni Papa Francisco na iniindorso niya ito. Mali ang interpretasyon ng media sa sinabi ng ating Santo Papa. Nang sinabi niyang “right to a family” ng mga gays, lesbians o homosexuals, ang ibig sabihin lang nito ay dapat huwag itakwil ang ganitong uri ng mga tao. Dapat huwag apihin ng kanilang mga pamilya. Kasi mayroong mga pamilya, itinatakwil nila ang mga ganito. Hindi dapat! Ito ang talagang ibig ipahiwatig ng ating Santo Papa. Bilang isang tunay na pastol, igalang natin sila. Kung mayroong mang batas para pangalagaan sila at ng kanilang mga karapatan at dignidad, gawin at sundin natin. Hindi nagbabago ang turo ng ating pananampalataya. Bakit? Sapagka’t ito’y turo “eternal truths” na ibinigay mismo ng ating Panginoon at siyang iiral ngayon at magpasawalang hanggan. Hindi nagbabago pagka’t ang Diyos ay hindi nagbabago sa Kaniyang pag-ibig at malasakit sa atin.

#NSOLLPH

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here