Akda ni: Lauro A. Caliva

“Inang Maria, Reyna ng Pilipinas: Paggunita sa ika-500 na Taon ng Kristiyanismo, Gifted to Give.” Ito ang linyang bumubungad sa sinumang naglalakad sa Daang N.S. Amoranto. Ito ang mga salitang naka-imprenta sa isang asul na tarpaulin na may larawan ng Mahal na Ina. Sa tarpaulin na ito ng Birhen, suot niya ang koronang pontipikal na kahit sa patag na larawan ay nangingibabaw pa rin ang ganda lalo na sa oras ng bukang-liwayway kung kailan nagiging kulay asul ang langit ng sambayanang nakasuot ng mga asul na maskara.

Ang nasa tarpaulin ay ang tema para sa Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes ngayong taon. Simula nang ilunsad ito noong ika-24 ng Enero, namayani ang kulay asul sa disenyo ng mga tradisyunal at makabagong materyales pang-komunikasyon. Ngunit ano nga ba ang history o kwento sa likod nito? Ang mga sagot tungkol sa mahabang tema ay natagpuan ko sa kahabaan ng Daang Kanlaon.

Kwento sa Likod ng Tema

Sa Daang Kanlaon namamalagi si Sister Ruby Macario, ang tagapag-ugnay ng mga gawaing parokyal na may kinalaman sa DCPA 3. Isa siya sa mga masugid na naninilbihan sa Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng Lourdes. Dahil sa kanyang mga gawa’t ideya na naiambag sa parokya, nagpapatuloy ang pagsasanay sa mga bagong saksi sa pananampalatayang Katoliko. Siya rin ang nangasiwa sa pagbuo ng mahabang tema para sa fiesta.

Dahil sa mga panuntunan at pag-iingat hinggil sa pandemya, naisagawa ang panayam sa pamamagitan ng palitan ng mga sulatroniko. Kahit magkalayo dulot ng oras, distansya, at iba’t ibang gawain, dama ko sa mga tugon ni Sister Ruby ang layunin na ilakip sa tema ang mahabang kasaysayan ng pananampalataya sa ating kapuluan. Ang ideyang ito na pinagyaman niya ay nagsimula sa suhetisyon ni Padre Cesar Acuin, OFMCAp., ang ating kura-paroko at rektor.

“Nabuo ang tema sa tulong ng mga mungkahi mula sa iba’t ibang miyembro ng PPT,” panimula ni Sister Ruby. “Ang tema ay nakasentro sa malaking ambag ng Mahal na Ina sa 500 taong pagyakap ng mga Pilipino sa Krisyanismo,” wika pa niya.

Ipinaliwanag ni Sister Ruby na si Maria ang Ina at Reyna ng ating mga puso. Ang pagmamahal na ibinahagi ni Maria at ang paglapit nito sa kanyang Anak ang nagbibigay ng kaganapan sa pagkamit natin ng buhay na walang hanggan. Ang buhay na walang hanggan ay ang ipinangako ng Diyos Amang nasa langit.

“Mula sa simula ay nandoon na ang pagkalinga ni Inang Maria sa mga Pilipino. Kaya nga’t ang Pilipinas ay tinaguriang Pueblo Amante de Maria, bayang sumisinta kay Maria. Kaya’t nararapat lang na bigyan siya ng pagkilala,” pagbabahagi pa ni Sister Ruby.

Kwento ng Iba’t Ibang Panahon

Dahil kasaysayan ang nagbigkis sa kabuuan ng tema, sinabi ni Sister Ruby na sinadyang mag-anyaya ng mga pari na magkakaiba ng edad upang maipakita ng iba’t ibang pananaw hinggil sa tema. Sa puntong ito, kumiling ang aming usapan sa paggunita ng ika-500 anibersaryo ng pananampalataya sa ating bayan.

Sapagkat nilakip din ang Ingles na pahayag na “Gifted to Give” sa tema, naikwento na rin ni Sister Ruby ang ginawang paghahanda ng parokya tungkol dito. Itinampok niya na ang parokya ay nakiisa sa pambansang Simbahan sa espiritwal na paghahanda mula 2013 hanggang sa taong kasalukuyan. Bahagya niya ring naibahagi ang pagiging kinatawan niya ng parokya sa ginanap na pagpupulong ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas noong Setyembre 2020.

Kwento ng Ating Puso

Tunay na nasabik si Sister Ruby sa pagdiriwang ng kapistahan. Aniya, naisagawa ang mga paghahanda habang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad upang matiyak ang kaligtaasan at kaayusan ng mga tao. Siniguro rin na ang mga magaganap ay naayon sa mga umiiral na kautusan at panuntunan ng pamahalaan.

Personally, natutuwa ako dahil kahit paano ay may naiambag ako sa fiesta. Ang mga suhestiyon ko ay pinakinggan, lalo na ng mga miyembro ng PPT. Sila ay naging bukas ang isipan para sa tagumpay ng fiesta, especially on a spiritual level,” wika niya tungkol sa kanyang nararamdaman.

“Sa paglabas ng Lourdes newsletter sa February 11, sana ay makita ng mga tao ang kahalagahan ng debosyon sa ating Inang Maria at ang kaniyang naging mahalagang bahagi sa Kristiyanismo. At higit sa lahat, sa panahong ito ng pagsubok, ang ating Ina at Reyna na si Maria ang ating magiging kaagapay sa gitna ng pandemya,” ang panalanging pangwakas ni Sister Ruby sa panayam.

Napakaganda ng paglalarawan ni Sister Ruby tungkol kay Maria. Pinaalala niya na si Maria ang “lakas at kalusugan ng mga maysakit.” Kaya sa muli kong paglakad sa Daang Kanlaon, nakita ko ang iba pang mga tarpaulin na nagsasabing “Comforter of the Afflicted, pray for us” at “Health of the Sick, pray for us.” Ang mga linyang ito mula sa Litanya ay nagpapaalala ng mga nais ng mga pusong tumibok sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan.

Mula noon hanggang ngayon, naghahanap tayo ng kagalingan at naghahanap tayo ng mga taong sasamahan tayo sa pagdarasal. Kung kaya’t magandang pagnilayan din ang kapistahan bilang pagpapatuloy ng kasaysayan. Ngayong nagpapatuloy ang ating paglalakbay sa buhay sa bagong yugto ng ating kasaysayan, nawa’y patuloy tayong humiling ng kagalingan kahit pa nakasanayan na natin ang mga bagay ng nagdulot sa atin ng sakit at pighati. Nawa’y patuloy tayong ipanalangin ng Mahal na Birhen ng Lourdes.

Tungkol sa May-Akda: Si Lauro A. Caliva ay isang manunulat para sa Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng Lourdes sa Lungsod Quezon. Mahilig siyang magbasa at manood ng mga materyales tungkol sa wikang Filipino, panitikan ng Katagalugan, komunikasyon, edukasyon, teolohiya, malikhaing pagsulat, agham pangkapaligiran, at agham panlipunan. Siya ay nag-aral at nagtrabaho sa Kamaynilaan.

Photo Credits: Jorge Pineda III

#NSOLLPH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.