Sinulat ni Sis Aurora de los Reyes

        Sa Gintong Silahis, nababanaag ang bagong pag-asa.

        Ito ang pangkalahatang damdamin ng mga nagsipagdalo noong ika-20 ng Hulyo ng kasalukuyang taon sa ikawalong dalaw pastoral ng ating bagong kura paroko na si Reb. Pad. Jefferson Agustin, OFM, Cap sa Barangay NS Amoranto, dating Barrio Gintong Silahis.

        Kasunod ng pagdiriwang ng Banal na Misa sa ganap na ika-anim ng gabi ang isang makabuluhang  pagpupulong sa pagitan ni Fr. Jeff kasama ang mga kinatawan ng Parish Pastoral Team (PPT) at mga opisyales ng naturang barangay na pinamumunuan ni Kapitan Arturo “Ato” de Guzman at mga kagawad na sina Junjun Tamayo, Joey Ligon, Chito Amoranto, Jefferson Sigua, Delia Kabigting, Jerome Magallanes, Danny Lerio, SK Chair Lara Manatad at ng Barangay Ecclesial Council (BEC).

         Sa naturang miting, isa sa mga ipinahayag ni Fr. Jeff ang mga serbisyong alok ng simbahan lalo na ang mga proyektong pang-kawanggawa nito tulad ng mga libreng kasalan, binyagan at kumpilang-bayan na maaaring mapakinabangan ng mga sinasakupang siyam na barangay ng parokya, bukod sa NS Amoranto: Lourdes, Santo Domingo, Siena, Saint Peter, Paang Bundok, Salvacion, San Isidro Labrador (SILab) at Maharlika. Kasama rito ang suportang iniaabot ng simbahan sa napapanahong Community Pantry ng bawa’t barangay.        

        Isiniwalat din ni Fr. Jeff ang mga magaganap sa buwan ng Agosto na mga malalaking okasyon tulad ng Paghahandog ng Dambana (Dedication of the Shrine) sa ika-14 ng Agosto at sa Agosto 15, ang pagdiriwang ng ika-pitumpung taon ng pagkakatatatag ng parokya ng simbahan ( Jubilee 1951-2021) at ang mga kaganapang kaugnay nito: Triduum, High Mass at motorcade palibot ng siyam na barangay.

        Sinundan ito ng palitan ng mga kuro-kuro kung paano pa lalong mapaigting ang samahan ng naturang barangay at ang parokya. Ayon kay Fr. Jeff, “.. ang pagsisikap na ito, sa abot ng aming makakaya, ay magbubunga ng tunay na pagtutulungan, pakikibahagi, pakikiisa, pakikidamay sa ating mga kapwa na nahirapan na nasa laylayan ng lipunan.”

        Ang bawa’t panig ay sumang-ayon na ang pagdalaw ni Fr. Jeff ay isang magandang panimula  o pagpapanibago ng isang masigla at buhay na pagtataguyod ng ugnayan ng barangay at simbahan.

        Idinaos ang sesyon sa barangay hall na matatagpuan sa panulukan ng CDC at Malaya malapit sa NS Amoranto Ave, na ipinangalan sa dating alkalde ng Lungsod ng Quezon na si Kgg Norberto S. Amoranto (1954-1976) bilang pampalit sa mas matagal na nitong kilalang pangalang Retiro na mayroong napakayamang kasaysayan na nakaugat sa pagtatatag ng Santuario de San Pedro Bautista (ngayon ay isa ng Basilica Minore) sa Del Monte Ave na sinimulan ni San Pedro Bautista ng Orden ng Minore Pransiskano (OFM) nang ika-labing anim na siglo.

Mga larawan galing kay Luke Garalde

#NSOLLPH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.