Sinulat ni Ma. Teresita Arvisu

        25 Hulyo 2021 Dahil sa patuloy ng pagbuhos ng malakas na noong Sabado ng gabi ika-24 ng Hulyo, bumaha sa ilang lugar sa Kamaynilaan kasama na ang Barangay Sto. Domingo, isa sa mga barangay na nasasakupan ng ating parokya. Ang tubig-baha ay umabot  hanggang baywang sa loob ng bahay, at  hanggang sa leeg naman sa kalsada ng Calamba, Maria Clara, Don Jose, Tirad Pass at iba pang kalsada. Lubusang humupa ang baha sa ganap na ika-9 ng umaga.

         Nang malaman ang kundisyon ng mga nasalanta ng baha sa Barangay Sto. Domingo, si Reb. Padre Jefferson E. Agustin, OFMCap., Kura Paroko at Rektor ng Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng Lourdes (NSOLL), kasama ang Parish Pastoral Team ay agad sumang-ayon na mamigay ng pagkain bilang kaunting tulong sa mga nasalanta ng baha. Sa pangunguna ng ating PPC Lay Coordinator, BEC, Urban Poor Ministry at Auditor, mabilis nilang pinakilos ang isang maliit na grupo ng mga lingkod na bukas-palad na tumulong upang maghanda ng pagkain para sa 130 katao.

        Bawa’t isa ay tumanggap ng mainit-init na mangkok ng Arroz Caldo na may itlog at ilang piraso ng pandesal. Pagkatapos ay inihanda ang mga pagkain para ipamahagi. Ang unang pinuntahan ay sa  Brgy. Sto. Domingo headquarters. Ang sasakyan ng barangay ang gumabay sa dalawang sasakyan mula sa NSOLL papunta sa paghahatiran ng pagkain sa mga kalye ng Calamba, Don Jose at Tirad Pass. Sila rin ang nagpabatid sa mga kapwa residente na may tulong na dinala ang ating parokya.

        Hindi napigilan ng ulan ang pamamahagi ng NSOLL Team at mahigpit na pinatupad ang pagsusuot ng face masks, at tamang distansiya sa bawat isa, at hindi pinapayagan ang mga bata. Napangiti ang lahat at nagpasalamat nang matanggap nila ang pagkain.

        Ang NSOLL ay taus-pusong nagpapasalamat sa mga donor na tumulong na naging posible ang serbisyong ito: Kap. Lawrence “Tikyo” Tiglao ng Barangay Paang Bundok para sa pagluluto ng Arroz Kaldo; Kagawad Rene Baena ng Barangay St. Peter at Br. Lito Reyes para sa pandesal; tulong pinansyal at ginamit sa pamimigay ng pagkain mula kina Br. Chichos Luciano at Br. Hubert Villamiel.  Maraming salamat. Pagpalain kayo ng Diyos!     

    “Ang himala ay hindi dahil sa pagganap ng ang gawaing ito, kundi dahil masaya tayong ginagawa ito!” Santa Teresa ng Calcutta

#NSOLLPH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.