Isinalin ni Ma. Teresita A. Arvisu
Homiliya ni Rev. Fr. Jefferson E. Agustin, OFMCap. Kura Paroko at Rektor, sa Pagsusunog ng mga Lumang Palaspas nung Unang araw ng Marso, 2022.
“Ang pagpapala at kabutihan ng Panginoong Diyos ay mapasa-ating lahat.
Mga kapatid, tinatawag po natin ang araw na ito na Shrove Tuesday, o Fat Tuesday o sa iba naman po ay Carnivale – araw ng pagsasalubong, araw ng pagkain ng karneng mga mamantika, magpapakabusog sapagka’t bukas tayo ay magfafasting.
Nguni’t, ano nga po ba talaga ang lalim ng tinatawag nating Shrove Tuesday? Sa simula ng ating pagdiriwang ng misa ay ginawa po natin ang Rito ng Pagsusunog ng mga Palaspas. At tayo po ay isa-isang lumapit sa apoy upang sunugin ang dala-dala nating palaspas.
At ano ang kahulugan nito? Bakit tayo naglagay ng tuyong palaspas at hayaang masunog? Anong sinasabi sa atin nito? Sinasabi sa atin nito- na ang lahat ay may katapusan. Iyan ang unang ipinapakahulugan ng ating pagsusunog – na ang lahat ay mayroong hangganan.
Hindi nananatiling sariwa ang iwinawagayway nating palaspas noong nakaraang taon, na ating pinabendisyunan at atin sinabing, “ Ako ay taga-sunod kay Kristo sa paghawak ko ng palaspas. Nguni’t dumaan ang mga buwan na ang palaspas ay nasa bahay natin. Ito ay unti-unting natuyo, kumulubot para handa at madaling sunugin. Ganito rin ang pinapakita sa ating pagsunod kay Kristo. Sariwang-sariwa nang una nating pagsabi ng , “Yes.” Sariwang-sariwa ang pagsabi ng, “Oo, maglilingkod ako sa Iyo. Magiging tapat ako na taga-sunod ni Kristo.”
Pero dumaan ang mga panahon. Unti-unti itong natutuyo, nawawalan ng sariwa. At ano ang dahilan?– pananamlay ng pananampalataya. Kawalan ng katapatan. Nanunuyo dahil sa kasalanan. Nanunuyo dahil sa pagtalikod sa ating pangako sa Diyos. At ngayon ating hinayaan ang mga palaspas na dala natin. At sana ito rin iyong sumisimbulo o sumasagisag na ang pagsusunog natin ng palaspas ay pagsusunog din sa mga dati nating kasalanan sa ating dating buhay. Sapagka’t ang abo- iyan ay magdudulot ng sariwang anyo– dahil ang Diyos ang siyang muling huhulma sa atin. Iyang abo na nahahalo sa lupa ay muling imomolde ng Diyos sa bagong pagkatao.
At iyan po tayo. Kung hahayaan natin na ang pag-ibig natin ay masunog sa pag-ibig ng Diyos, huwag nating hayaan na manatiling kulubot kasi mas kulubot pa ang balat natin diyan sa sinunog natin kanina. Tingnan po ninyo ang ating balat. Habang tumatanda po tayo, anong itsura natin? Mas kulubot pa tayo sa sinunog natin kanina. Kumukulubot lamang ang ating katawan at ang ating balat; maging ang ating kaluluwa kung hahayaan natin na ang kasalanan natin ay manatili sa ating puso at kalooban.
Kaya nga po, tayo ay naghahanda ngayon, ilang oras na lang ay Ash Wednesday na. Miyerkules de Ceniza. At sabi nga ni San Pedro, tayo ay magpakabanal sa ating ginagawa sapagka’t ang Diyos ay banal. Ito iyong pagsusumikapan natin na simula ngayong gabing ito hanggang sa makarating tayo sa Easter Sunday, tayo ay magpakabanal. Magsumikap na tayo ay sumunod kay Kristo. Hindi masasayang ang pagsunog natin ng palaspas kanina sapagka’t may ibinubunga ito ng buhay na walang hanggan. Kaya magtiwala tayo sa Diyos. May ibibigay ang Diyos sa pagpasok natin ng Kuwaresma. Huwag tayong maging segurista katulad ni Pedro sa Ebanghelyong ating narinig. Kasi iyong Ebanghelyong ating narinig ngayon ay karugtong ng Ebanghelyo kahapon– na mayroong isang lumapit na taong mayaman at ang kanyang iniisip ay kung paano magkaroon ng buhay na walang hanggan. Nagmungkahi si Kristo sa kanya: ipagbili ang mga ari-arian, ipamigay sa mga dukha ang mga pinagbilhan at sumunod kay Kristo. Sumunod ba ang nagtanong kay Kristo? Hindi!- sapagka’t siya ay lubhang napakayaman. Hindi niya maiwan ang kanyang yaman. Hindi niya maipamigay sa mga dukha. Kaya anong sinabi ni Pedro, “Tingnan po Ninyo, iniwan namin ang lahat at kami’y sumunod sa Inyo.”
Para bang ang tanong ni Pedro ay iyong sinasabing – reading between the lines – na may pahaging. Katulad naman ng mga expression ng mga kabataan– na kapag meron kang sapat na pera tapos sasabihan ka ng kabarkada mo, “ Baka naman…” – meron ipinapahiwatig na “Baka naman puwede mo ako ilibre,” “Baka naman puwede mo akong pautangin,” “Baka naman puwedeng bigyan mo ako,” Di ba ganoon ang mga kabataan ngayon? Iyong expression nila ay, “Baka naman.” Parang ganoon din iyong sinasabi ni Pedro kay Kristo – “Baka naman kami ay mawalan,” “Baka naman hindi kami makakamit ng gantimpala sa pagsunod sa Iyo, Panginoon.”
Ganito ba tayo? Na tayo ay nag-cocomply lang sa ating pagsunod dahil baka tayo ay mawalan? O mawala ang puwesto natin? Kasi minsan, mga kapatid, magandang tingnan po natin – ano ba iyong intention nating sumunod kay Kristo? Ano ba yung intention natin sa paglilingkod? Naglilingkod lang po ba tayo out of obligation? Naglilingkod po ba tayo out of compliance? Na kapag hindi tayo nag- seserve, hindi tayo nakapaglilingkod ay tatanggalin tayo ni Father, tatanggalin tayo ng lider natin? Ganoon po ba ang ating pagtingin sa ibibigay ng Diyos sa atin?
Kanina nga po ng umaga nagkaroon kami ng Scrutiny at isa po ako sa scrutator ng mga o-ordinahan. At stressful siyempre kasi ang titingnan mo, kung ano ang ginawa sa pastoral work, ano ang kanilang good qualities. Pero hindi lamang doon titingnan. Ang realization ko– na hindi tayo mag-evaluate, na hindi tayo mag scrutiny sa isang nais maglingkod sa Diyos dahil may ginawa siya at kailangang gantimpalaan ng ordinasyon. Kung hindi, ano ang kanyang motivation, ano ang kanyang goal sa kanyang paglilingkod. Ma-susustain ba? May capacity ba to sustain, to maintain, may pure intention ba sa paglilingkod? Kasi baka naman. Ganoon siguro no, “baka naman…” Pero hindi, sapagka’t ang sinumang naglilingkod kay Kristo, ang pangako niya ay buhay na walang hanggan.
Kaya nga siguro ito rin iyong magandang dahilan ng ating paglilingkod sa Simbahan. Bakit ka naglilingkod? Bakit gusto ninyo maging church servants, church leaders? “Kasi gusto ko magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Wala pang sumasagot sa akin ng ganyan kapag may nag-aapply na maging lingkod ng Simbahan. Wala po akong narinig na, “Kasi Father, gusto ko makamit ang buhay na walang-hanggan.
“Kaya ako naglilingkod.” “Gusto ko maging lector. Gusto ko maging Greeter. Gusto ko maging Lay Minister – dahil gusto ko magkaroon ng buhay na walang hanggan. Wala pang nagsasabi sa akin niyan. Pero maganda kapag iyan ang layunin natin sapagka’t iyan ang ibibigay ni Kristo. At iyan ang asahan natin kung tayo ay magiging tapat sa pagsunod natin kay Kristo.
Lalo’t higit tayo ay papasok sa Kuwaresma – na mabuksan natin ang ating kalooban kay Kristo. Hayaan natin na si Kristo ang siyang humipo sa ating puso at kalooban upang tayo’y muling hulmahin Niya. Imolde sa orihinal nating pagkatao. Sapagka’t sa pagsusunog natin kanina,sinagisag nito ang pagsusunog ng ating dating pagkatao. At ngayon, ihanda natin ang ating sarili sa bagong pagkatao na ibibigay sa atin ni Hesus.”
#LourdesOFFICIAL#NSOLLMedia#NSOLLPH