Mensahe Para sa Katulad Mong Mapalad na Tatanggap ng Dalaw Patrona Ngayong Taon

0
3838

Sinulat ni Lauro A. Caliva

Alam ng bawat deboto ang isang kasaysayang naganap sa Lourdes, Pransya. Isang walang muwang na bata na nagngangalang Bernadette ang nakakita ng isang magandang babae na may suot na asul na sinturon. Makalipas ang makailang beses na pagpapakita, inamin ng babae sa grotto na siya ang Imaculada Concepcion.

Ang aparisyon ng Mahal na Inang Maria ay hindi inasahan ni Santa Bernadette. Ngunit, siya’y lumuhod at dinasal ang Santa Rosaryo. Kung ikaw ang nasa kalagayan ni Santa Bernadette, ano ang iyong mararamdaman sa sandaling iyon? Ikaw ba ay luluhod din sa harap ng Inang Bukod na Pinagpala? Aalalahanin mo din ba ang mga mahalagang yugto sa buhay ni Kristo?

Ito ang sitwasyong nadarama ng bawat isa sa tuwing dadaan si Maria sa mga barangay na nasasakupan ng Pambansang Dambana ng Mahal na Ina ng Lourdes. Sa pamamagitan ng Dalaw Patrona, muling isinasabuhay ng mga Katoliko ang tugon ni Santa Bernadette na nagpaigting sa pananampalataya ng milyong-miyong katao.

Ang Dalaw Patrona ay isang taunang tradisyon na nagbubuklod sa mga tao sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya at nagpapaalala tungkol sa kanilang paglalakbay sa mundong ibabaw bilang Bayan ng Diyos sa pamamagitan ng mga prusisyon.

Inihahanda ng Dalaw Patrona ang mga komunidad sa parokya para sa Araw ng Kapistahan ng Mahal na Ina ng Lourdes. Gaya ng paunang-lunas, ang mga naturang gawain ay tumutulong sa paglunas ng mga sugat na mas higit na nangangailangan ng kagalingan bago nila matanggap ang pinakamahalagang kagamutan sa lahat ng kanilang mga karamdaman.

Kaiba kay Santa Bernadette, ikaw ay nasabihan tungkol sa isang biyaya. Ang biyayang ito ay ang pagbisita ng Mahal na Ina. Sa araw ng kanyang pagbisita sa inyong barangay, panatilihing bukas ang mga ilaw, at mga bintana at tarangkahan. Tumindig sa harap ng inyong mga tahanan at maligayang salubungin ang imahen ng Mahal na Ina ng Lourdes.


Halina at samahan kami sa paghahanda sa pagdiriwang ng isang himala. Ang himala ng Mahal na Ina ng Lourdes na naghihilom ng mga puso at kaluluwa. Ito ang milagrong nagdadala sa ating mga puso at kaluluwa kay Kristo.

Photo Credits: Mark Jason Sabas

#NSOLLPH

About the Author: Lauro A. Caliva is a former volunteer writer in the National Shrine of Our Lady of Lourdes, Quezon City. He worked and studied in Metro Manila. Read this to learn more about him: https://lauroacalivaportfolio.wordpress.com/