Novena Day 6 – February 7, 2020

0
761

by Aurora de los Reyes

1st Reading – Sirach  47: 2-13 Gospel – Mark 6:14-29

Mass Presider: Rev Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar (Assistant Parish Priest) Minor Basilica of the Black Nazarene or Parish of Saint John the Baptist (Quiapo Church)

Homily Recap

Kailangan Natin sa Panahong Ito ng Mga Taong Kayang Manindigan sa Katotohanan

Sinimulan ang pangaral sa mga salitang,”Huwag ipagyayabang o ipagmamalaki ang mga araw na pagkukumpleto ng nobena. Ang mas importante ay kung ano ang natutunan sa pagnonobena.”

Sa Unang Pagbasa, narinig natin kung paanong naging mabuting Hari si David at kahit nang panahong nagkasala siya, nakinig pa rin siya sa Diyos kaya’t nagbalik-loob siya sa Kanya.

Sa Ebanghelyo, nandoon ang isa pa ring hari, si Herodes na gustong-gustong makinig sa mga itinuturo ni Juan Bautista kahit na minsa’y siya ay nababagabag. Lalo na nang sinabi sa kanya ni Juan Bautista na hindi tama ang kanyang ginawang kataksilan sa kaniyang kapatid na si Felipe at ng asawa nitong si Herodias na siyang nakiapid sa hari. Dahil kay Herodias, nagawang ipakulong ni Herodes si Juan Bautista at nang malaon ay ipinapatay.

Si Juan Bautista ay ipinakulong dahil sa kaniyang paninindigan sa katotohanan. Ang totoong kaibigan ang nagsasabi kung ano ang dapat mong marinig at hindi ang gusto mong marinig.

Mayroon sa atin kapag ganitong mga araw, dasal ng dasal, gustong-gustong magsimba, nagkukumpleto ng nobena, pero kapag may sinabi ang simbahan tungkol sa mga umaayon sa mga nagaganap tulad ng abortion, divorce, same-sex marriage at iba pang mga gawaing hindi katanggap-tanggap sa ating paniniwala bilang mga Kristiyano, sila ay nagagalit. Kahit nagkamali ang pari, kapag nagsalita na ang Simbahan, totoo iyon.

May mga taong kahit alam nilang may pagkakamali ang kakilala o kaibigan, hindi sila nagkakaroon ng lakas loob na maituwid o magsabi ng totoo o tama sa taong nagkasala. Ang mali ay mali. Pero hindi ibig sabihin, lalayuan mo na, huhusgahan mo na. Bawal ang judgemental. Kailangan natin- inaalam kung bakit at paano nangyari iyon kasi doon natin matutulungan ang taong nagkamali.  

Lahat naman tayo naiintindihan ni Maria- sa ating mga kahinaan, pagkakamali, pagkakasala. Siya ay laging nagpapaalaala na hindi niya tayo iiwan. Nandiyan lagi si Maria para ituro sa atin ang tamang daan patungo kay Kristo. Si Maria ang sa atin ay laging gumagabay kasama ng iba pa nating inaakay tungo sa kaniya. Kasama natin si Maria sa paglalakbay para masunod natin ang ipinapagawa ng kaniyang Anak. Ang ating Poong Hesus Nazareno.

#NSOLLPH