Buod ng Homiliya ni Reb. Padre Cesar Acuin, OFMCap sa Linggo ng Dakilang Habag ng Ating Panginoon (Divine Mercy Sunday) Ika-19 ng Abril, 2020

0
727

Ibinuod ni Aurora de los Reyes

Misa ni Reb. Padre Cesar Acuin, OFMCap. Kura Paroko, Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes (NSOLL)

Ang Unang Pagbasa  

Gawa 2: 42-47 Nagsama-sama ang lahat ng sumasampalataya at para sa lahat ang kanilang ari-arian.

Salmong Tugunan                                                                                              

Butihing Poo’y purihin; pag-ibig Niya’y walang maliw.

Ikalawang Pagbasa

1Pedro 1:3-9 Isinilang tayo sa bagong buhay na siyang pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay ni Hesukristo.

Mabuting Balita

San Juan 20: 19-31 Mapalad ang mga naniwala kahit hindi Ako nakita.

Buod

Sa Ebanghelyo, nang magpakita si Hesus sa Kaniyang mga alagad, tatlong beses Niyang sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” Ito ang nais ihatid sa atin ni Kristo –  ang tunay na kapayapaan na maaaring manggaling lamang sa ating Panginoon. Ito ang isa sa pinakamalaking  biyaya ng Kaniyang Muling Pagkabuhay.

Pagninilay

Maraming takot at pangamba ang bumabalot sa sangkatauhan dahil sa kasalukuyang pandemya. Tulad ng sinasabi ni Hesus sa Ebanghelyo, nais Niyang ihatid sa atin ang kapayapaan na kailangan ng mundo ngayon – ang kapayapaang ibinibigay ni Kristo sa mga anak ng Diyos at hindi kapayapaang galing sa daigdig na pansamantala lamang at madaling lumipas. 

Sa salitang Judio, ang kapayapaan ay tinatawag nilang “Shalom!” na mayroong mas malalim na kahulugan sa kanila at ang ibig sabihin ay kaganapan ng buong pagkatao o “total well-being” na mayroong tatlong lebel ng maayos na ugnayan:

1)  Sa Sarili – Mapayapa ang namumuhay ng sapat- hindi labis sapagka’t ang “labis na pamumuhay” ay “magnet” ng maraming inggitan, kasamaan, kasakiman at kawalan ng kapayapaan.

2)  Sa Kapwa kasama ang pamilya – Walang kaaway at pinatatawad ang nagkamali.

3)   Sa Diyos – Kasundo ang Diyos, walang pagkakasala dahil sinusunod ang Diyos.

Nais ibigay ni Kristo sa atin ang kapayapaan kalakip ang kapatawaran ng kasalanan. Ang kasalanan ang nakakasira ng kapayapaan sapagka’t laging nakararamdam ng pagkabagabag at pangongosensya. Batid ng Diyos ang kahinaan ng tao kaya lagi Siyang nag-aalok ng kapatawaran. Ang kapayapaan ng tao ay bunga ng pagpapatawad ng Diyos. Isang mahalagang aspeto ng kapayapaan ay seguridad. Kahit mabalutan ng ano mang paghihirap o krisis sa buhay, ang taong kumakapit at nagtitiwala kay Kristo ay mapagtatagumpayan ang lahat ng ito. Hindi kailanman matatalo sa paglalakbay sa buhay sapagka’t kasama si Kristo.

Hamon

Dapat nating malaman na ang kapayapaan ay isang biyayang gustong ibigay ni Kristo sa atin kaya lang ay kailangan nating hingin. Minsan, napakarami nating hinihinging mga material na bagay – pera, bahay, kotse, na hindi nagbibigay ng tunay na kapayapaan. Nakakalimutan natin ang pinakamahalagang hingin –  ang kapayapaang ipinagkakaloob sa atin ni Kristo na hindi Niya kailanman ipagkakait. Dapat ang ating hingin sa Diyos ay ang kapayapaan ng isip, damdamin at kalooban.

Misyon

Kung matatanggap natin ang kapayapaan ni Kristo, sikapin nating magdala ng kapayapaan sa lahat ng tao simula sa ating sariling tahanan. Sa pananalita, maging mahinahon tayo. Minsan, mayroong mga salitang may galit, may paghuhusga at pagmumura ang lumalabas sa ating bibig na nakasisira ng kapayapaan. Gumamit ng mga salitang makakapagtaguyod ng ating pagmamahal, magbibigay ng pag-asa’t lakas. Nilikha ng Diyos ang ating mga dila para makapagsalita ng mabuti at magtuwid ng buong pagmamahal at hindi pagtutuwid para masaktan, siraan o mawalan ng lakas ng loob ang ating mga mahal sa buhay o ang ating kapwa. Sa gayon, masasabing tayo’y mga anak ng Diyos na nagdadala ng tunay na kapayapaan.

At dahil sa Divine Mercy Sunday ang Pagsisisi o Act of Contrition ay idinasal para makamit ang pangako ng Diyos sa sangkatauhan na kaniyang isiniwalat kay Santa Faustina Kowalska:” Bubuksan ko ang pintuan ng kalangitan at ibubuhos ang napakalaking dagat ng biyaya sa araw na ito.” Lilinisin at papawiin ng Diyos ang anumang kahinaan, kasalanan at kaparusahan kung tayo ay taos-pusong magsisisi at makikinabang espirituwal dahil mahal natin Siya.

#NSOLLPH