Ibinuod ni Aurora delos Reyes

Ika 32 Linggo sa Karaniwang Panahon, Ika-8 ng Nobyembre, 2020

Unang Pagbasa

Karunungan 6:12-16  “Ang karunungan ay maningning at di kumukupas; madaling natatagpuan at nakikita agad ng nagpapahalaga sa kaniya.”

Salmong Tugunan

Aking Kinasasabikan, Panginoon, Ikaw lamang

Ikalawang Pagbasa

1 Tesalonica 4:13-18  “Ang mga namatay na sumasampalataya kay Kristo ay bubuhayin muna.”

Aleluya

“Tayo ay laging magtanod sapagka’t di natin talos ang pagbabalik ni Hesus.”

Mabuting Balita

San Mateo 25: 1-13 “Kaya’t magbantay kayo sapagka’t hindi ninyo alam ang araw o ang oras man.

Paksa

Ang pinakalayunin ng buhay natin sa mundo ay upang makarating sa kaharian ng Panginoon sa kadulo-duluhan ng ating buhay.

Sa Bagong Tipan, karamihan ng pangaral ni Hesus ay tungkol sa kaharian ng langit. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit ang Panginoong Hesukristo ay naparito sa daigdig upang bayaran ang ating kasalanan nang sa gayon dalhin tayo lahat sa kaharian ng langit. Dahil sa ito’y napakamahalaga, maraming beses Niyang ipinapahayag kung paano tayo lahat ay makapasok doon. Parang isang kayamanan na dapat matamo nating lahat sapagkat ito ang dahilan kung bakit si Hesus ay naparito. Nakakalungkot namang isipin kung dito sa mundong ito hirap na tayo at sa buhay sa kabila ay lalo pa tayong hirap. Pero mapalad tayo kahit mahirap tayo sa daigdig na ito kung tayo ay papasok sa buhay na walang hanggan, doon walang karamdaman, walang kalungkutan. Papawiin ng Diyos ang lahat ng luha. Doon mauunawaan na natin ang lahat-lahat ng nangyari sa ating buhay sa daigdig. Lulukso tayo sa tuwa at anumang hirap natin dito, balewala na.

Pagninilay

Paano tayo makararating sa kaharian ng langit? Ang ating mga Pagbasa ay tumutukoy sa mga sumusunod:

Karunungan na ating narinig sa Unang Pagbasa. Ang sabi sa Unang Pagbasa, ang taong marunong at naghahanap ng karunungan kaugnay sa kung ano talaga ang mahalaga sa buhay ay tiyak lalapitan ng tunay na karunungan kung nanaisin niya. Minsan, naisasantabi natin itong mahalagang layunin ng buhay kasi maraming beses tayo ay abala kung paano kumita ng pera; kung saan kukunin iyong pang-tuition, iyong pangkain, pampamalengke, pangbayad ng kuryente. Kaya lagi tayong pinapaalalahanan ni Hesus sa pamamagitan ng talinghaga kung paano tayo makakapasok sa kaharian ng langit.

Pananampalataya sa Panginoon na tinalakay sa Ikalawang Pagbasa. Sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Tesalonica, ang sabi niya, kung mananalig tayo sa Panginoon, hindi tayo mananatili sa kamatayan. Isasama tayo ng Diyos sa muling pagkabuhay. Ang dagdag pa ni San Pablo: “Pagdating ng panahon, ang Diyos ay bababa kasama ang mga anghel, sa tinig ng arkanghel, tunog ng trumpeta, bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Kristo. Uunahin Niya iyon. Tapos tayong mga buhay pa titipunin Niya at isasama sila sa buhay na walang hanggan.” Napakamahalaga nito sapagka’t napakahirap talaga ng magpakabuti. Ang hirap magpakatino. Ang hirap magpakabait sa isang daigdig na makasalanan kung hindi tayo papaalalahanan na mayroong gantimpalang naghihintay sa ating lahat. Ito ang laging ipinapahayag sa atin ng Panginoong Hesukristo.

Maging laging handa sa ating mga baon na langis para sa ating sulo, na ipinaliwanag sa Ebanghelyo sa pamamagitan ng isang talinghaga. Ang talinghaga ng sampung dalaga: lima sa kanila ay matalino at ang lima ay hangal. Bakit? Gumagamit ang Panginoon ng mga eksena na madaling unawaan ng mga Judio noong panahon Niya. Ang kasalan ay isang karaniwang pangyayari sa buhay ng mga Judio. At doon sa kasalan sa kanilang kultura, ganito ang nangyayari. Darating ang lalaking ikinakasal na hindi nila alam kung kailan. Mayroong mga dalaga na ang tanging papel sa dala-dala nilang sulo o lampara ay iilawan ang prusisyon ng dadaanan ng lalaking ikakasal patungo sa kasalan. Iyong lima sa mga dalaga – mayroong sulo pero walang langis at iyong iba pang lima mayroong sulo at mayroon ding langis. At ito nga ang nangyari habang hinihintay nila ang lalaking ikakasal. Nakatulog sila habang nakasindi ang sulo. Kaya nang dumating iyong lalaking ikakasal nung gabi, ginising sila.  Iyong mga dalaga na may sulo at may langis, dahil sa aandap-andap na ang kanilang apoy, nakapaglagay sila ng langis na kanilang ibinaon at naitabi. Pero iyong mga dalagang walang langis natagpuan nila na ang kanilang sulo, aandap-andap at namatay na. Sabi nila sa matatalinong dalaga: “Bigyan nyo naman kami ng langis.” Pero ano ang naging sagot ng lima: “Baka hindi na maging sapat ang langis para sa ating lahat.” Tama nga naman kasi kung hahatian sila ng langis at sa haba ng prusisyon, sampu nga sila sa kalagitnaan ng prusisyon, pare-pareho naman silang mawawalan ng apoy. Mabuti na lang at mayroong lima, na may liwanag pa para kumpletuhin ang prusisyon hanggang sa dumating sa bahay. Kaya sabi ng limang dalaga: “Hindi pupuede kasi baka mawalan ng ilawan.” Hindi dahil sa sila ay sakim o swapang. Matalino at praktikal lamang sila. At sabi nila: “Bumili na lang kayo sa magtitinda ng langis.” Muli, maiisip natin na napaka-impraktikal naman ng mga iyon. Pero sa kultura ng mga Judio – kapag may kasalan, gising ang buong bayan at iyong mga tindero ng langis. Kaya, ano ang nangyari? Dumating ang lalaking ikakasal. Sinalubong siya ng limang matatalinong dalaga at nailawan hanggang sa pumasok sa bahay. Iyong limang hangal naman, doon lang bumili ng langis at dali-daling bumalik subali’t huli na.  Nang dumating sila sa tahanan ng lalaking ikakasal, sarado na ang pinto. At kahit nagsabi pa sila ng: “Panginoon buksan po ninyo kami.” Sabi ng lalaking ikakasal: “Hindi ko kayo kilala.”

Anong ibig sabihin ng talinghagang ito ng Panginoong Hesukristo? Ang lalaking ikinakasal ay walang iba kundi si Hesukristo. Ang bahay ay ang tahanan ng Ama – ang langit. At ang dalaga, tayo iyon.  Tayo iyong dalagang naghihintay kay Kristo. At ayon kay Kristo, tayo  dapat ang dalagang laging nagbabantay – laging handa sapagkat hindi natin alam kung kailan tayo tatawagin ni Kristo. Napakamahalagang paalaala sapagkat sa totoo lang, wala naman talagang makakapagsabi na tayo ay naririto pa bukas o sa isang linggo o sa isang taon lalo na nga sa nagbabantang COVID, hindi natin alam.

Sadyang hindi natin hawak ang ating buhay. Matanda man o bata. Wala sa edad iyan.  Maaaring malubha ang ating sakit na dahilan para mabawian tayo ng buhay. Maaari ring iyong taong  nasa kasibulan ng kaniyang kabataan kinuha na ng Diyos.

Hamon

Gusto ng ating Panginoong Diyos na tayong lahat ay makapasok sa kaharian ng langit. Huwag na huwag tayong matakot. Mahal na mahal tayo ng Panginoon. Gagawin Niya ang lahat para tayo makapunta roon at kung tayo ay kukunin na Niya, malamang handa na tayong pumasok doon. Pero iyan ay kung tayo ay nagsusumikap na gawin ang Kaniyang kalooban.

Hangad ng Panginoon na tayo ay manatili kay Hesukristo hanggang sa wakas ng ating buhay. Sa pamamagitan ng  pananalig natin sa Diyos, maliligtas tayo. Maging tapat tayo sa ating pananalig kahit ano pa man ang pinagdadaanan natin sa buhay. Ang tukso ng diyablo:” Iyan may kanser ka; hindi ka mahal ni Hesus. Bakit ka pa naniniwala diyan?”o kaya “Bakit ka mahirap? Di totoo ang Diyos na iyan.” Iyan ang tukso lagi kaya ang iba pinanghihinaan ng loob; nawawalan ng  pag-asa. Pero kailangang panatilihin natin ang ating pananampalataya hanggang sa dulo ng ating buhay.

Misyon

Ang simbolo ng ating pananalig sa Diyos ay ang “torch” o sulo o lampara na sinasabi sa Ebanghelyo ngayon. Pero paano natin mapapanatili ang liwanag nito? Sa pamamagitan ng langis. Ayon sa mga pag-aaral ng mga iskolar ng Bibliya, ang langis ay walang iba kundi iyong mga mabubuting gawa. Ang ating mabubuting gawa ang siyang laging magpapaliyab ng ating paniniwala kay Kristo. At ano ba iyong mabubuting gawa? Walang iba kundi iyong mga gawa natin ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa na magpapaliyab ng ating pananampalataya.

Ano-ano ang maaaring halimbawa ng langis o ng mabubuting gawa? Kung tayo ay naririto sa simbahan at sasabihin natin: Lord, naririto ako; Mahal ko Kayo!”  Langis iyan. Kapag nagdadasal ka: Lord, tulungan mo ako. Tulungan mo ang aking pamilya.” Langis iyan sapagka’t ang mga ito ay nagpapakita ng pagmamahal sa Panginoon.

Kapag ikaw ay tumulong sa iyong kapwa lalo na iyong nangangailangan, iyan ang pag-ibig sa kapwa. Langis iyan ng iyong pananampalataya. Pag nakalimutan nating gawin iyong pagibig sa Diyos at sa kapwa, iyong langis ng ating mabubuting gawa, aandap-andap ang ating pananampalataya. Kung pupunta tayo sa simbahan kung kailan lang gusto natin, matatagpuan nating unti-unti mawawalan na ang pagtitiwala sa Panginoon na siyang napakamahalaga. Magsisimula na ang pagdududa. Iyong maliliit na sakripisyo natin na walang nakakakita, gawin  iyon para sa ating kapatid, sa ating kapwa, sa ating pamilya, ka-opisina. Walang nakakakita kundi ang Diyos— ito pa rin ang makakatulong para tuloy-tuloy ang pagliyab ng ating pananampalataya.

Huwag kalilimutan na dapat nating gawin ang bagay-bagay na mayroong espiritu ng pagmamahal. Ayon kay Hesus, ito ang sinasabing tunay na karunungan – na ginagawa natin ang mga bagay na dapat nating gampanan na may kasamang pagmamahal. At tayo ay mapupuspos ng Espiritu Santo – ang Diyos ng Karunungan. Ang mga pari kapag naghohomily at walang kasamang pagmamalasakit at pagmamahal, parang routine lang ito. Kapag nagmimisa at dumadalo sa misa pero wala naman tayong pagmamahal sa Diyos, uuwi tayo na parang walang nangyari. Kailangan may pagmamahal. Ito ang mabubuting gawa na nais ng Diyos na gawin natin. Di tayo pupunta rito para lamang mamasyal pagkatapos, para lang nating ginawang “side-trip” ang simbahan. Ang tunay na nagpapaliyab ng ating pagtitiwala kay Kristo ay itong mga mabubuting gawa na dala ng pagibig sa Diyos at sa kapwa.

Sana sa lahat ng ating gagawin ngayon o bukas, pagliyabin natin ang ating pagmamahal nang sa gayon balang araw, tayong lahat makapiling ang Diyos sa buhay na walang hanggan.

#NSOLLPH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here