Isinabuod ni Aurora delos Reyes

Kapistahan ng Lahat ng Mga Banal Ika-01 ng Nobyembre, 2020

Unang Pagbasa

Pahayag 7: 2-4, 9-14 “Nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman mula sa bawa’t bansa, lipi, bayan at wika nakatayo sa harap ng Kordero.”

Salmong Tugunan

Panginoon, ang bayan Mo’y dumudulog sa Iyo.

Ikalawang Pagbasa

1 Juan 3:1-3 “Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng  Ama;  tinatawag tayong mga anak ng Diyos.”

Ikalawang Pagbasa

1 Juan 3:1-3 “Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng  Ama;  tinatawag tayong mga anak ng Diyos.”

Aleluya

Kayong Mabigat ang Pasan ay Kay Hesus Maglapitan Upang Kayo’y Masiyahan

Mabuting Balita

Mateo 5:1-12 Magsaya kayo at magalak sapagka’t malaki ang inyong   gantimpala sa langit; alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo.

Paksa

Taon-taon karaniwan sa araw na ito dumadalaw ang marami sa sementeryo, nagtitirik ng kandila at nagdarasal para sa ating mga mahal sa buhay na yumao. Ito ay napakagandang tradisyon  sapagka’t nararapat lamang na ipagdasal natin ang ating mga mahal sa buhay na yumao. Hindi na nila kayang ipagdasal ang kanilang mga sarili kaya tayong mga nabubuhay pa sa daigdig ang maaari lamang manalangin para sa kanila.

Karaniwan, ang tawag natin sa araw na ito ay Araw ng mga Patay pero sa totoo lang, ang Araw ng mga Patay ay bukas, All Souls Day. Ang araw na ito ay Araw ng mga Banal – All Saints Day. Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang lahat-lahat ng mga taong nasa langit na marahil ay hindi natin kakilala o hindi natin narinig man lamang  di katulad ng mga banal o mga santo  na sina San Padre Pio, Mother Teresa, Santa Teresita, San Francisco, Saint Pope John Paul II – mga taong banal na kilala natin. Pero sa langit napakarami pang mga tao na naroon na hindi man lamang nakilala sa daigdig na ito subali’t tinatamasa nila ang walang hanggang kaligayahan. Marahil, naroon ang ating mga inay na nang buong buhay niya ay nagsakripisyo para sa atin.; mga itay o kapitbahay na maaaring palagi na lang tinutulungan kayo hanggang sa siya’y mamatay; baka rin iyong titser na napakabait; mga karaniwang taong araw-araw ay sinisikap nilang gawin ang mga turo ni Kristo. Mga iyon, marahil ay naroroon na sa langit. Sila ang ating mga ipinagdiriwang. Sila iyong mga Banal.

Kaya ibinibigay sa atin ng Inang Simbahan itong espesyal na araw para parangalan ang Diyos dahil sa mga banal na ito. Itong mga taong ito ang tunay na larawan kung paanong masasabing ang isang tao ay mapalad o “blessed.” Ano ba talaga ang ibig sabihin ng “blessed?”

Pagninilay

Mahalagang maunawaan natin kung ano ang tunay na kahulugan ng “blessed” sapagka’t ang daigdig binibigyan tayo ng ibang batayan na masabi na ang isang tao ay “blessed.” Halimbawa: sasabihin natin na tayo ay  “blessed” kasi nanalo sa lotto pero baka mitsa pa ng buhay mo iyan. Baka naging milyonaryo ka, kidnapin naman ang anak mo o ikaw mismo. O kaya, “blessed” dahil napromote ako sa trabaho. Pero mayroong mga pangyayaring napromote nga pero ito pa ang naging dahilan para maghiwalay ang mag-asawa. Iyong naging mataas ang posisyon, laging nasa ‘good time’- wala ng panahon sa bahay; iyong mga anak lagi na lang nasa party at gimik. Iyong naiwan na lang sa bahay iyong nanay at iyong maliit na bata. Ang batayan ng daigdig na mapalad ay hindi talaga masabing “tunay na mapalad.”  

Sa araw na ito, ipinapaaalala sa atin ng Diyos na ang mga banal ang mga tunay na “blessed.”

Sa Unang Pagbasa sa Aklat ng Pahayag, isang blessing sapagka’t sa harap ng Diyos, sa isang pangitain kay Juan, sabi niya “nakita ko napakaraming mga tao, hindi ko kayang bilangin ninuman. Sila’y mula sa bawa’t bansa, lahi, bayan at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero; nakadamit ng puti at may mga hawak na palaspas at sabay sabay nilang sinabing “Ang kaligtasan ay sa Kordero. Ang ating Diyos na nakaluklok sa trono.”  Sa isang pangitain, ipinakita kay Juan, doon sa kaharian ng langit, napakaraming mga tao, iba’t-ibang wika, bansa, lahi at lahat sila nagpapasalamat sa Diyos sapagka’t sila’y napabilang sa mga mapapalad.

Huwag nating kalilimutan na ito talaga ang ating tunay na kahihinatnan na sa gitna ng ating abalahin sa buhay, huwag sana nating kalimutan  na nais ng Diyos na makasama natin Siya sa buhay ng walang hanggang kasiyahan. Kasi ang tao napakadali niyang ipagpalit sa walang kwentang kaligayahan at ibebenta pa ang kaluluwa. Kaya ang Inang Simbahan palagi na lang nagpapaalala sa katotohanang naghihintay sa ating lahat. Ang magandang balita – ang langit ay para sa lahat. Harinawa balang araw mapabilang tayo doon – hindi lamang iilan. Hindi katulad ng kaisipan ng mga Judio na sila lamang ang bayang pinili na sila lamang ang papasok sa kaharian ni Abraham, ni Yahweh.

Ang katotohanan pala – ang kaharian ng Diyos ay para sa lahat. Ito ang sinabi ni San Pablo sa isa sa kaniyang mga sulat. Magandang Balita sapagka’t anuman ang nagawa natin; ang nasa isip natin, tayo ay walang kuwenta’t makasalanan pero hindi pa huli ang lahat. Laging may pag-asa sapagka’t gusto ng Diyos mapabilang tayo doon sa mga mapapalad.

At ang nagbibigay sa atin ng karapatan, narinig natin sa Ikalawang Pagbasa. Sabi doon ni San Juan na tayong lahat ang mga anak ng Diyos. Isang napakalaking karangalan nang tinanggap natin nang tayo’y bininyagan, hindi lamang tayo naging anak ni Juan at ni Juana kundi naging anak na tayo ng Diyos. Sa pamamagitan ng binyag, inalis iyong ating kasalanang-mana na galing sa ating mga unang magulang; nilinis ang ating mga kaluluwa at nilagyan ng tinatawag na “indelible mark”- hindi na matatanggal na marka na tayo ay anak ng Diyos. Mahirap man tayo o mayaman; sa harap ng Ama, pantay-pantay tayo; anak Niya tayo.

At ang Magandang Balita, na kahit tayo ay mapariwara; mawalan sa landas; magkasala, hindi pa huli ang lahat. Magsisi lang tayo. Magkumpisal at magbalik sa Diyos. Titingnan tayo ng Ama at sasabihing anak Niya tayo. Tiyak makatatagpo tayo ng kapatawaran. Iyon ay tunay na pagpapalang tinanggap natin.

Sa Ebanghelyo, binibigay sa atin ng Panginoon ang “blueprint” ng mga tunay na anak ng Diyos; iyong mga katangian ng mga mapapalad.” Mapalad ang mga aba na walang inaasahan kundi ang Diyos.” Napakahalaga ng mga unang pananalita ni Hesukristo. Ang mahalaga ay tayo ay nagdedepende sa grasya ng Diyos. Sa ating buhay, nagtitiwala lamang tayo sa biyaya ng Diyos at hindi sa kayamanan o katalinuhan o anumang mayroon tayo dito sa daigdig. Ang mapalad ay iyong mga taong walang ibang inaasahan kung hindi ang Diyos.

Maaaring mayaman ka pero kung hindi mo pinagtitiwalaan ang yaman mo kundi umaasa ka sa grasya ng Diyos, mapalad ka. Mahirap ka pero nagrereklamo ka, wala kang pera, hindi ka man lamang magtiwala sa biyaya ng Diyos. Hindi sa dami o pagkaunti ng pera ang pagiging mapalad. Ang sabi ng Diyos, ang pagiging mapalad ng tao ay kung laging inaasahan niya lamang ay ang Diyos maski anuman ang estado ng kaniyang buhay. Kaya minsan, ang Diyos, pinapayagan Niyang dumaan tayo sa mga pagsubok kasi sa mga pagsubok na iyon, makikita natin na ang kayamanan walang kwenta; iyong kalusugan natin walang kwenta; sapagka’t anumang oras, may COVID ka na. Katulad ngayon, Kahit mayamang bansa, puede magka-COVID. Akala natin makapangyarihan, pero kung dumating na ang katulad ng pandemya, wala palang sinabi yung iyong mga armas at kapangyarihan.

Hamon

Ang Panginoon, mahal Niya tayo. Kaya mga pagsubok na ito pinahihintulutan Niya para makita natin na wala talaga tayong ibang aasahan kundi ang Panginoon Diyos. At kapag tayo ay dumating sa puntong iyon, tunay na tayong mapalad. Sapagka’t walang ibang makakapagtibag sa paniniwalang iyon. Nasa gitna ng kasiyahan o kalungkutan, mananatili kang mapayapa. Iyon ang mapalad.

Sabi rin ng Panginoon: Mapapalad ang mga nahahapis. Dito ang maaaring katanungan: Mapalad ba ang malungkot; ang umiiyak? Pero kapag nauunawaang mabuti: Mapalad ang mga taong nahahapis sapagka’t may kasamaan o kasalanan sa daigdig. Nalulungkot sila, nahahapis sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Mapalad ka sapagka’t hindi ka “yung walang pakialam” o indiperente sa kasamaan sa iyong kapaligiran o sa iyong sarili. Maraming beses kasi na maaari na tayong maging manhid na sa mga pangyayari sa kapaligiran at sasabihing: “Ganiyan na talaga ang daigdig, makisama na rin ako.” Kapag mangyari ang ganito, mali na ang landas na tinatahak natin sapagka’t inayunan na ang nakikita, inayunan na sapagka’t pakiramdam natin, wala na tayong laban at patuloy ang kasamaang nangyayari sa daigdig. Mapalad ang nahahapis kung nakikita nilang ito ang dahilan para sila’y malungkot; maiyak dahil sa korapsyon; dahil sa paniniil; dahil sa mga pagpatay. Nalulungkot siya; mapalad siya. Mapalad ka kung sa kasalanan, ika’y nahahapis. Ibig sabihin hindi ka manhid, hindi ka bulag sa iyong kasalanan.

Napakahalagang sa paglalakbay nating bilang mga anak ng Diyos, lalo nating nakikita ang ating mga kasalanan. Hindi iyon masama; yun ay mabuti sapagka’t habang tayo’y naglalakbay sa liwanag, lalo mong nakikita ang iyong dumi at kapag nakikita mo na ang iyong dumi, ito ang ibibigay mo sa Diyos at sasabihin mo: Panginoon, linisin Mo ang aking karumihan. Pero kapag malayo ka sa liwanag, hindi mo makikitang ikaw pala’y makasalanan. Kaya minsan nakakikilabot pag may lalapit sa kumpisalan at sasabihing ang huli niyang kumpisal ay dalawampung taon na ang nakalipas. Tapos, itatanong ng pari: Kapatid, ano ang mga naging kasalanan mo? At sasagot ng : Wala naman akong naging kasalananan, Padre. Dalawampung taong nabuhay ka sa daigdig at wala kang naging kasalanan! Dito makikita natin na binulag na ng kalaban ang tao. Pero salamat sa Diyos nandun pa rin siya sa kumpisalan. At sa pamamagitan ng kaunting paggabay ay nakita rin niya ang kaniyang naging pagkukulang. Ang ginagawa ng kalaban ay bulagin tayo sa ating mga kasalanan. “Wala naman akong kasalanan, Father, at wala naman akong dapat ikumpisal.”

Araw-araw, tayo ay nagkakasala, malaki man o maliit.  Hindi lang natin alintana. “Mapalad” sapagka’t kapag nakikita niya ang kaniyang kahinaan at kasalanan, lalapit siya sa Diyos na lubos ang awa at handang magpatawad. Iyong mga taong nakikita nila ang kanilang mga kasalanan at nakatanggap sila ng patawad ng Diyos, iyong ang mga nagpapahalaga ng pagibig ng Diyos. Lalo silang natutuwa. Doon nila nararamdaman ang pagibig ng Diyos sapagka’t sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan, sila’y pinatawad. Kaya mapalad ka kung nakikita mo ang iyong pagkukulang. Ito ang sinasabi ng Panginoon dito sa Beatitudes. Marami pang sinasabi ng Panginoon dito- pero ito ay isang blueprint para makita natin ang mga anak ng Diyos ay para sa ganito. At ito ang ginawa ng mga nauna na sa atin.

Misyon

Sa Misang ito, ating pinapasalamatan ang Diyos dahil sa mga Banal.

Sana ay magkaroon din tayo ng damdamin ng tulad ng tinuturo ni Kristo. Sa ating paglalakbay sa buhay, sana makita natin ang tunay na “mapapalad” na sila ang mga sumusunod sa turo ni Kristo.

#NSOLLPH

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here