Buod ng Homiliya sa Linggo ng Palaspas ng Pagpapakasakit ng Panginoon ni Rev. Fr. Cesar F. Acuin, OFMCap.

0
1028

by Aurora de los Reyes

Misa ni Reb Padre Cesar Acuin – Kura Paroko, Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes (NSOLL) Ika-5 ng Abril, 2020

Unang Pagbasa (I) – San Mateo 21:1-11; Unang Pagbasa (II) – Isaias 50:4-7; Responsoryo: Diyos ko! Diyos ko! Bakit naman ako’y Iyong pinabayaan. Ikalawang Pagbasa – Filipos 2:6-11

Mabuting Balita – San Mateo 26:14-27;66  Ang Pagpapakasakit at Kamatayan ng Panginoong Hesukristo

Buod: Sa panahong ating kinakaharap sa ngayon, pinapahintulutan ng Diyos na lalo tayong magnilay sa katahimikan ng ating mga tahanan para lalo pa tayong mapalapit sa Kaniya.

Pagninilay sa Ebanghelyo:

May dalawang damdamin ang Ebanghelyo

*Sa simula ay ang matagumpay na pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem kasama ang pagpupugay ng mga tao: “Hosana sa Anak ni David!”  Matatagpuan natin sa Jerusalem ang mga taong naniniwalang Siya ang Mesiyas. Nandoon din ang mga taong nais Siyang ipapatay. Mayroon din yaong mga taong nagpupugay ng mga sandaling iyon nguni’t makalipas ang ilang araw, sila rin ang sisigaw:  “Ipako Siya sa krus!” May iba ring mga taong nakamasid at nakatanaw lamang; walang pakialam at ang iniisip: basta ako gagawin ko ang aking gawain, mabubuhay ako, bale-wale sa akin kung anong nangyayari sa aking paligid.

Ang tanong ng Panginoon: Saan tayo sa mga taong inilarawan? Tayo ba’y tunay na nagpupugay kay Kristo? O tayo iyong nagnanais na mamatay si Kristo? O tayo ba iyong nagpupugay ngayon nguni’t nagbabago ng malaon at sumisigaw “Ipako Siya sa krus!” o tayo iyong mga walang pakialam?

Suriin natin ang ating mga puso’t kalooban sa harap ng Diyos. Ang tao ay mayroong free will o malayang pagpapasiya. Maaaring sa simula ay marubdob at nagaapoy ang ating pananampalataya kay Kristo nguni’t sa pagdaloy ng buhay, nanlalamig na, nawawalan ng gana o nawawala na sa landas. Hindi maaaring pabago-bago ng desisyon. Ito ang plano ng Ama. Ipinadala Niya si Kristo upang maging tanging Tagapagligtas ng sangkatauhan at iwagayway si Kristo bilang ating Mesiyas sa buhay na ito hanggang sa kamatayan at sa buhay na walang hanggan.

*Ang ikalawang bahagi ay tungkol sa Kaniyang pagpapakasakit at kamatayan. Nagpapaalaala sa  atin na ganito ang buhay ni Hesus at ganito ang buhay nating lahat. Mayroong mga yugto na matagumpay, masaya at pinagpupugayan tayo ng tao pero mayroon ding mga yugto na malungkot, krisis, paghihirap, kasawian. Pero alam nating bilang mga anak ng Diyos, ang ating buhay ay hindi nagtatapos sa yugto ng kasawian sapagka’t ang naghihintay sa atin ay muling pagkabuhay.

Sa panahong ito ng Semana Santa, tandaan natin na sa pagtingin natin sa krus, hindi lamang ito nagpapaalala sa atin ng Kaniyang matinding paghihirap kung hindi ang dahilan kung bakit Siya nag-alay ng Kaniyang buhay. Ang Kaniyang tunay na pag-ibig na handang maghirap at mamatay. Tayo ay tinubos sa pamamagitan ng Kaniyang pag-alay ng buhay para tayong lahat ay makapasok sa buhay na walang hanggan.

Mensahe ng Ebanghelyo — Ano ang kahulugan nito sa ating makabagong panahon?

Bakit kaya ginusto ni Hesus na magkaroon tayo ng ganitong pandemic na nagdudulot ng matinding kahirapan? Mahalagang maunawaan natin na ano mang kasamaan ay hindi maaaring manggaling sa Diyos. Ang karamdaman, sakit ay ayaw ng Panginoon kaya’t nang dumating si Hesus, pinagaling Niya ang mga maysakit. Tanging tunay na kabutihan lamang ang manggagaling sa Diyos. Kung mayroon mang kasamaan sa daigdig ay dala ng kasalanan ng tao o dahil sa kasamaan ng kalaban, si Taning. Ang magandang balita: kahit mayroong sitwasyong nakamamatay, gagawin ng Panginoon ang lahat para may higit na mabuting lumabas sa masamang sitwasyon na iyon. Sabi ni San Pablo sa mga taga-Roma, ang Diyos- gagawin ang lahat para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kaniya.

Hamon para sa lahat: Mahalagang huwag nating palampasin ang pagkakataon sa mga panahong ito. Makinig sa paanyaya ng Panginoon para tunay tayong magpakumbaba. Tanggapin natin ang katotohanan: na tayo’y mga tao lamang. Tanggapin ang katotohanang tayo ay nilikha ng Diyos. Sa harap ng sakit na ito, maging  mayaman, magaling  o makapangyarihan ka man, lahat ay maaaring mamatay. Ang ating kaalaman ay hindi kayang arukin sa ngayon  ang matinding sakit na ito. Hindi tayo diyos. Mayroong Diyos na higit pa sa atin na tunay tayong minamahal kahit tayo ay nagkasala. Humingi tayo ng kapatawaran.  Huwag tayong matakot sa Kaniya bagkus lalo pa tayong lumapit sa Kaniya.

Ang Misyon: magmahal ng tunay sa kapwa.

Saludo tayo sa ating mga frontliners! Nakikipagsapalaran sila para lamang maalagaan ang mga nangangailangan; nagbibigay buhay sa mga maysakit. Ito ay mga gawaing para sa mga anak ng Diyos.

Panawagan para sa lahat ng naglilingkod sa bayan: magkaroon ng tunay na pagmamahal at malasakit sapagka’t dito nakikita ang kanilang tunay na serbisyo – na handang ialay ang sarili para sa kabutihan ng kanilang nasasakupan.

Para sa lahat: samantalahin ang pagkakataong ito- tahimik, walang trabaho, kasama ang pamilya. Ito ang magandang pagkakataon na higit tayong magmahalan; mag usap, mag unawaan, magpatawaran sapagka’t ito talaga ang dahilan kung bakit sa buhay na ito tayo ay patuloy na naglalakbay para lalo pang lumago ang ating pagmamahal sa Diyos at sa kapwa na dapat lamang nating simulan sa ating pamilya. Anong saysay kung tayo ay dumami ang pera, lumawak ang kapangyarihan kung hindi naman tayo natutong magmahal sapagka’t sa pagdating ng wakas ng ating buhay, lahat ng pera’t kapangyarihan ay mawawalan ng saysay.

Sa pagkakataong ito’y huwag tayo masyadong maging abala. Bigyan natin ng puwang ang Diyos sa ating buhay sa mga araw na ito. Kilalanin natin ang Diyos. Kung Siya nga ang ating tunay na Diyos,  magpaturo tayo sa Kaniya at hayaan nating Siya ang magbigay ng direksiyon sa ating buhay. Kung gagawin natin ito, masasabi ng Diyos sa atin: Tunay ngang kakaiba ang taong ito sapagka’t sa gitna ng sitwasyon na ito’y lalo’t higit pa tayong napalapit kay Kristo.

#NSOLLPH