Buod ng Homiliya: Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon, Ika-16 ng Agosto, 2020

0
923

Ibinuod ni Aurora delos Reyes

Buod ng Homiliya ni Reb. Padre Cesar Acuin, OFM Cap, Kura Paroko Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes.

Unang Pagbasa— Isaias 56: 1; 6-7 Ang Aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.

Salmong Tugunan— Nawa’y Magpuri sa Iyo ang Lahat ng mga Tao

Ikalawang Pagbasa — Roma 11:13-15; 29-32 Hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama Niya sa kanila ang Kaniyang habag.     

Aleluya — Ipinangaral ni Hesus ang Paghahari ng Diyos; Sakit ay Kaniyang Ginamot

Mabuting Balita – Mateo 15: 21-28 “.. ang mga aso man po ay  kumakain ng mga mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon…”

Paksa:

Ebanghelyo: Ang Pananalig ng Isang Cananea

May mga pagkakataon sa ating buhay na para bang hindi pinapakinggan ng Diyos ang ating mga dasal. Para bang tahimik lang Siya. Ano kaya ang kulang? Bakit kaya?

Napakaganda ng paglalarawan sa Ebanghelyo sa katauhan ng babaeng taga-Cananea:  kung paano ba dapat ang isang tao ay lalapit sa Diyos; kung paano ba siya dapat manalangin. Si Hesus at ang Kaniyang mga apostol ay nasa Tyro at Sidon- mga lugar na pagano. Nakatira dito ang mga Hentil sa labas ng bayan ng Israel; mababa ang tingin sa kanila ng mga Judio. Ang Cananeang ito ay lumapit sa Panginoon sapagka’t ang kaniyang anak na babae ay inaalihan ng demonyo.

Pagninilay:

Bakit kaya pinagbigyan ni Hesus ang kahilingan ng Cananea?

Una, ang babaeng ito ay may pag-ibig. Mahal na mahal niya ang kaniyang anak. Dahil sa pagmamahal na iyon, ito ang nagbigay sa kaniya ng lakas para lapitan si Hesus. Kahit itong mga Judio ay kaaway ng mga Cananea, siya ay lumapit pa rin kay Hesus sapagka’t batid niya na malaki ang maaaring magawa ni Hesus sa kaniyang anak na babae.

Ang pagmamahal ay isang damdamin na dapat pahalagahan; pagtuunan ng pansin. Anumang kahilingan na nagmumula sa isang pusong may pagmamahal ay pinapakinggan ng Diyos.

Pangalawa, ang babaeng ito’y matiyaga; hindi madaling mawalan ng loob. Bagama’t talos ng Panginoon at nababasa Niya ang puso ng babaeng iyon, hindi muna siya pinansin ni Hesus sa simula. Mayroong dahilan ang Panginoong Hesukristo kung bakit Niya ginawa iyon. Nais ni Hesus na palabasin sa mga salita at gawa ng babae iyong nasasaloob niya kaya hindi muna Niya pinansin. Nguni’t hindi pinanghinaan ng loob ang babae kaya patuloy siyang tumawag: “Panginoon, anak ni David, mahabag po Kayo sa akin. Ang aking anak na babae ay naalihan ng demonyo.” Ganoon na lamang ang pagtitiyaga ng babaeng iyon na patuloy siyang humihiyaw kay Hesus. At dahil sa nagagambala sila sa pagsunod-sunod ng Cananea, nagsalita ang mga apostol kay Hesus: “Sige nga, Panginoon, pagbigyan nyo na nga!” Nguni’t ano ang sabi ni Hesus: “Naparito ako para sa mga naliligaw na sambayanan ng Israel; hindi para sa mga Hentil.” Subali’t hindi pa rin natinag ang babaeng iyon. Patuloy pa rin siyang lumapit at tumawag kay Hesus. At ano pa ang ginawa niya? Sa Ikatlong bahagi, nagpatirapa siya. Lumuhod siya kay Hesus at sabi niya: “Panginoon, tulungan po Ninyo ako!” Nandodoon ang kaniyang kababaang-loob. At sa huling pagsubok, sinabi sa kaniya ni Hesus:” Hindi naman dapat na ibigay ang pagkain ng mga anak sa mga tuta.”

Hindi maganda sa unang pandinig iyong parang itinuturing ni Hesus na aso iyong babae. Mahalagang maunawaan noong mga panahong iyon na ang tingin talaga ng mga Judio sa hindi Judio ay parang mga aso- aso ng kalye, askal.  Mababa talaga ang tingin. Pero ang ginamit na salita ni Hesus ay hindi aso kundi tuta–  parang aso sa bahay. At ito ay ang naintindihan ng Cananea at sa kaniyang pagkakaunawa dahil sa paghambing na ito; hindi mababa ang tingin ni Hesus sa kaniya. Nais lang ipakita ni Hesus ang pagkakaiba sa isang Hentil at sa isang Judio. Pero tinawag Niyang mga tuta kasi nga naman ibibigay muna ang pagkain sa anak bago sa tuta. Dito nabigyan ng lakas ng loob ang babae para sabihin kay Hesus: “Pero Panginoon, di po ba kahit ang mga tuta ay kumakain sa mga mumo na nalalaglag sa mesa?” At dito lumabas ang tunay na pananalig ng babaeng ito– hindi siya nasaktan; hindi siya nagdamdam. Ang kaniyang ipinakita ay tanda ng kaniyang kababaang loob. Hindi siya nagdamdam sapagka’t alam niya na sa harap ni Hesus siya ay walang karapatang humingi. Gayunpaman, patuloy siyang humingi ng tulong kay Hesus. Hindi siya nawalan ng pag-asa. At doon sa bandang huli ipinakita niya ang kaniyang matibay na pagtitiwala’t pananalig kay Kristo. Kaya ano ang naging bunga noon? Ang sabi ni Kristo: “Napakalaki ng iyong pananalig. Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon din gumaling ang kaniyang anak na babae. Napakagandang pagnilayan nito sa ating buhay kapag tayo’y lumalapit sa Diyos.

Hamon:

Kapag tayo’y humihiling sa Panginoon, si Kristo ay mayroong mga katanungan sa atin:

1. Mayroon ka bang pagmamahal? Ang panalangin ng may pagmamahal ay napakabisa. Halimbawa: isang magulang nagdarasal sa pagpapagaling ng kaniyang anak. Napakabisa iyon. Bakit?  Sapagka’t iyon ay may pagmamahal. Pag mahal mo ang iyong anak o kung mahal mo ang iyong asawa at ipagdarasal mo ang para sa kanilang kabutihan; napapakinggan ito ng Diyos.

Minsan, tayo ay nagdarasal ng wala namang pagmamahal – parang rituales lang; parang wala sa puso at iyon ay parang lumalagpas lang sa tainga ng Panginoon. Pero iyong mga kahilingan na galing dito sa puso at may pagmamahal, iyon ang tunay. Kaya kung ipagdarasal mo ang iyong kaibigan, ang iyong kapitbahay o sino man, sana mayroong diwa ng pagmamahal;pagmamalasakit para sa kanila.

2. Mayroon ka bang pagtitiyaga sa iyong pagdarasal? Patuloy ba tayong humihingi na parang hindi tumutugon ang Panginoon? Importanteng maunawaan natin na lahat ng ating panalangin ay naririnig ng Diyos. Talos Niya iyon. Alam Niya iyon. Subali’t gusto Niya na habang tayo ay naglalakbay sa buhay ay lagi na tayong tumatawag sa Kaniya; na hindi na tayo makakalimot; na gawing lagi ng bahagi ng buhay natin ang manalangin. Sapagka’t maraming beses lalo na sa pasimula ng ating buhay, mayroon tayong hinihingi, binibigay ng Panginoon pero kapag nabigay na, nakakalimutan na nating magdasal sa Kaniya. Kaya ang kagustuhan ng Panginoon ay masanay tayo; makagawi nating magdasal at manalangin sa Kaniya; iyong mga hinihingi natin sa bandang huli ay hindi muna Niya ibinibigay sapagka’t gusto Niyang magtiyaga tayo; manalangin sa Kaniya. Kung mayroon tayong inuugaling gawain; ito ay nagiging bahagi na ng ating pagkatao. Ito ang talagang gusto ng Panginoon na ang ugali nating manalangin ay maging bahagi na ng ating pagkatao. Kaya ito ang dahilan na gusto Niya na lagi tayo magdasal. Maglaan tayo ng panahon para sa Kaniya araw-araw sapagka’t alam ng Diyos kung kailan ang tamang panahon para ibigay Niya ang ating hinihingi.

3. Mayroon ka bang kababaang loob sa iyong kahilingan? Gusto ng ating Panginoon na katulad ng babaeng Cananea, maging mababa ang loob natin. Huwag tayong magdaramdam. Huwag tayong maging sensitibo. Huwag tayong mawalan kaagad ng pag-asa. Minsan ipinapakita sa atin ng Panginoon ang kakulangan natin. Minsan ipapakita Niya na mayroon pa tayong dapat ayusin sa ating buhay kung kaya’t hindi Niya muna ibinibigay iyong hinihiling natin. Dito kinakailangan ang tunay na kababaang loob. Halimbawa, alam ng Panginoon na sa paghingi ng isang tao na umunlad ang kaniyang buhay; talos din ng Panginoon na kung pauunlarin Niya ang buhay ng taong ito ay babalik din siya sa kaniyang mga bisyo—ang pagsusugal at ang makakalimutan ang pamilya. Alam ng Diyos ang ating hinaharap at ibibigay Niya iyong tama subali’t gusto Niya na makita muna natin ang ating kakulangan; ang ating pangangailangan. Maaaring mayroon pa tayong dapat baguhin sa ating buhay at dito kinakailangan ng kababaang-loob. Tulad ng babaeng Cananea, alam niyang sa harap ni Hesus ay wala siyang karapatang humingi. Tayo rin ganoon sa harap ng Panginoon, tayo ay mga taong nagkakasala. Gayunpaman ay ibibigay pa rin ng Diyos ang ating hinihingi ayon na rin sa ating katapatang lumapit sa Kaniya.

4. Mayroon ka bang tunay na pananalig sa Panginoon? Gusto ng Panginoon na manalig tayo sa Kaniya. Iyong ating pagdarasal na may pagtitiyaga at may kababaang loob ay tanda ng paglalalim ng ating pagtitiwala sa Kaniya na kahit anong mangyari ay hindi tayo matitinag; hindi tayo mawawalan  ng pag-asa. Patuloy tayong lalapit sa Kaniya. At sa takdang panahon, ang mga ipinagdarasal ay ipagkakaloob ng Panginoon. Ito ang nangyari sa babaeng Cananea. At ito rin ang maaaring mangyari sa ating buhay.

Misyon:

Gawin nating ugali at bahagi na ng ating buhay ang manalangin at magdarasal araw-araw. Anuman ang maging kahilingan natin, magtiwala tayo. Magtiyaga tayo. At buong kababaang loob lumapit tayo at ito’y tutugunin ng Panginoon ayon na rin sa Kaniyang dakilang kalooban.

#NSOLLPH