Buod ng Homiliya sa Linggo ng Muling Pagkabuhay Ika-12 ng Abril, 2020 ni Padre Reb. Cesar Acuin, OFMCap.

0
839

Sinulat ni Aurora de los Reyes

Misa ni Reb Padre Cesar Acuin, OFMCap. ang Kura Paroko ng Pambansang Dambana ng Birhen ng Lourdes (NSOLL)

Unang Pagbasa: Gawa 10: 34a, 37-43

Salmong Tugunan: Araw ngayon ng Maykapal, Magalak tayo’t Magdiwang

Ikalawang Pagbasa: Colosas 3:1-4

Mabuting Balita: San Juan 20: 1-9

Buod

Ang Linggong ito ang pinakamalaking pagdiriwang sa buong simbahan. Walang saysay ang pagiging Kristiyano kung hindi muling nabuhay si Kristo. Ito ay tanda na ang ating pananampalataya ay gawain ng Diyos; hindi gawain ng tao. Ang tunay na pagmamahal ni Kristo sa atin ang nagbunsod para Siya ay magdusa, mamatay at mabuhay nang muli. Itong uri ng pagmamahal ay tularan natin lalo na sa panahon ngayon.

Pagninilay

Sa Unang Pagbasa mula sa Gawa ikinuwento ang pagpapatotoo ng mga apostoles sa muling pagkabuhay ni Kristo. Alam natin na tumakbo nga sila sa takot nang mahuli si Kristo na kalaunan ay ipinapatay. Nguni’t ang mga apostol din mismo ang naging mga saksi sa muling pagkabuhay ni Kristo. Napakalaki ng papel na ginampanan ng mga apostol. Salamat sa Espiritu, sila ay nagkaroon ng sapat na tapang at pananampalataya na ihayag ang katotohanan na si Kristo ay muling nabuhay. Ito ang dahilan kung bakit ang bawa’t henerasyon ipinapasa ang pananampalatayang ito sapagka’t mayroong mga sumaksi sa muling pagkabuhay ni Kristo sa kanila.

Sa Ikalawang Pagbasa, hinamon ni San Pablo ang mga taga-Colosas na isaisip ang mga bagay na panlangit, hindi ang makalupa. Mensahe ni San Pablo sa mga Kristiyano: marami ngang abalahin sa mundong ibabaw nguni’t dapat ay ituon kay Kristo ang mga sarili sapagka’t Siya dapat ang pinakauna sa lahat. Kapag inuna si Kristo, lahat ng susunod ibibigay Niya – hindi labis, sapat lamang; hindi nagkukulang sapagka’t  hindi  matatalo  ang  Diyos sa  kagandahang-loob.  Kapag inuna mo Siya, hindi ka Niya pababayaan.

Sa Ebanghelyo, iniulat sa atin ni Juan na nakita nilang tatlo kasama sina Pedro’t Maria Magdalena na wala na ang bangkay ni Kristo sa libingan. Binigyan din niya ng pansin ang maayos na pagkatiklop sa isang tabi ng kayong lino na ginamit na pambalot sa katawan ni Kristo at ang panyong binalot sa kaniyang ulo. Ito ay malinaw na paglalarawan at patunay na hindi ninakaw ang katawan ni Kristo sa kabila ng maling balitang ipinakalat ng mga lumalaban kay Kristo. Ang patotoo ni Juan at ng mga apostoles: si Hesus ay totoong muling nabuhay!

Mensahe

1. Ginigising tayo ng Panginoon na ibalik ang Diyos bilang unang-una sa ating buhay. Binayaran Niya ang ating kaparusahan. Tinubos Niya tayo ng Kaniyang kamahal-mahalang dugo. Ang Kaniyang pag-ibig ang nagligtas sa atin – pag-ibig na hindi natin kailanman maaaring mapantayan. Ito ang dahilan kung bakit Niya inalay ang Kaniyang buhay. Nilikha tayo para magmahal at si Kristo ang ating huwaran.   

Sabi nga ni San Agustin, “The Lord is supremely good that He will not allow evil in His works.”  nguni’t pahihintulutan Niya na mangyari ang ilang mga bagay kung higit Siyang makakakuha ng mabuti sa masamang iyon. At ano ang higit na mabuti na nangyayari sa ngayon? Unti-unting nagigising ang maraming tao at ibinabalik nila ang buhay nila sa Diyos. Dati, puro trabaho ang inatupag; wala ng panahon sa Diyos. Ngayon, sinasabi ng Panginoon sa atin, ibalik natin Siya sa ating buhay at lahat ay ipagkakaloob Niya para mabuhay tayo ng payapa.

2. Tinatawag tayo ng Diyos upang bigyang pansin ang napakamahalagang bagay na ito – ang magmahalan sa isa’t-isa sapagka’t ito ang ipinalalabas Niya sa gitna ng kasamaang ito. Hindi ba totoo iyon? Dahil sa marami na ang mga nagkasakit, marami na ang nag-alay para pagalingin ang mga maysakit. Ang ating mga frontliners – nandyan ang ating mga manggagamot, nars, ang mga maintenance ng hospital; mga humaharap sa may-sakit at marami pang ibang nagsasakripisyo. Kahit ipagsapalaran nila at ibuwis ang kanilang buhay, handa sila. Maaari silang magkasakit sapagka’t ang virus na ito ay isang kalabang hindi nakikita. Bagaman ganoon at nahaharap sa napakalaking panganib, patuloy pa rin silang naglilingkod tanda ng kanilang pagmamahal.

Hamon

Ito sana ang maging inspirasyon sa ating lahat – yung pagmamahal na nangingibabaw ngayon sa maraming tao. Ang kanilang pagkamatay, mga nasawi’t nabawian ng buhay ay hindi walang saysay. Ngayon kapiling nila ang Diyos sapagka’t inialay nila ang sarili nila dahil sa pagibig. Sana gawin din natin ito ngayon sa ating mga sari-sariling buhay, sa ating mga munting mundong ginagalawan – sa ating pamilya. Ito ang napakagandang pagkakataon dahil wala tayong gaanong ginagawa.

Misyon

Ngayon ang panahon para maipadama natin at maipakita ang ating pagmamahal sa ating pamilya. Kung mayroon man silang pagkukulang – unawain, patawarin. Humugot tayo ng lakas kay Kristo. Sa Muling Pagkabuhay ni Kristo, huwag tayong matakot. Magtiwala tayo sapagka’t ang Diyos na muling nabuhay ay nagmamahal sa atin. Hindi Niya tayo kailanman pababayaan.

#NSOLLPH