“ISULONG ANG SAMA-SAMANG PAGLALAKBAY TUNGO SA PAGKAKAISA BATAY SA PAKIKINIG SA KATOTOHANAN AT HINDI SA KASINUNGALINGAN”

0
908

Isinalin ni Maribel Salta

IKA-SIYAM NA NOBENA PARA SA DAKILANG KAPISTAHAN NG MAHAL NA BIRHEN NG LOURDES

HOMILIYA NI REV. FR. MICHELL JOE ZERRUDO NUNG IKA-10 NG PEBRERO 2022

Isa sa mga paboritong tema ng manunulat na si San Lucas ay ang tema ng paglalakbay. Kung babasahin natin ang kabuuan ng Mabuting Balita ayon kay San Lucas, mapapansin ninyo na laging halos pinapakita niya ang Panginoon na naglalakad o naglalakbay. At ang pinakauna sa mga paglalakbay ng ating Panginoon ay nasa Mabuting Balita na ating narinig sa araw na ito.

Maaaring hindi natin kaagad -agad na nakita ang paglalakbay ng Panginoong Hesus sapagka’t ang nakita nating nagmamadaling pumunta sa kaburulan ng Judah ay hindi si Hesus kundi ang Mahal na Birheng Maria.

Subali’t huwag natin kalilimutan, mga kapatid, na naglakbay ang Birhen matapos magkatawang tao and Diyos Anak sa kanyang sinapupunan. Kung babasahin natin ang Mabuting Balita, immediately before the story of the Visitation was the story of the Anunciation. At sa tagpong iyon ang berbo. Ang salita ng Diyos, ang Diyos Anak ay nagkatawang tao sa sinapupunan ng Birheng Maria sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya nga hindi dalawa, hindi isa ang tao na naglakbay sa Ebanghelyo ngayon, kundi dalawa, si Maria at sa kanyang sinapupunan ang Panginoong Hesus.

Ang tema ng paglalakbay ay bahagi ng pinili nating tema para sa Kapistahan ngayon ng Birhen ng Lourdes sa Pambansang Dambanang ito dahil nakita natin ang  ikapitumpung  anibersaryo ng ating parokya bilang pitung dekada ng paglalakbay ng pagkakaisa at ng pananampalataya. At ang sabi ng ating tema– si Maria ay ang kaagapay, Si Maria ay ang Patrona sa paglalakbay na iyan.

Alam niyo ba, na sa larawang ito ng Visitation, ang nakita natin sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, nakita natin ang Inang Simbahan sa kaniyang paglalakbay sa kasaysayan. Alam niyo ba na isa sa mga importanteng elemento ng mga kaganapan sa Lourdes ay ang  elemento ng paglalakbay. Dahil winika ng Mahal ng Birhen, na sabihin kay Sta.  Bernardita: sabihin mo sa mga pari  na magtayo ng kapilya sa lugar na ito. At ang mga tao ay  paparito dito na nagpruprusisyon. Ang mga tao ay magpruprusisyon  patungo dito.

Ano ba ng prusisyon? Ang prusisyon ay paglalakad ng mga tao. Pero hindi ito iyong paglalakad na walang patutunguhan, kundi ito ay paglalakad mula sa isang lugar patungo sa isang tiyak  na lugar. Hindi paikot-ikot ang prusisyon na parang walang direksyon. Alam iyan ng mga organizers ng prusisyon, di ba?  Bago mangyari or dumating  ang araw ng prusisyon, kailangang nakalatag na kung saan tayo magsisimula, saan tayo magwawakas at ano ang mga kalye na babagtasin mula sa point A patungo sa point B. Tiyak ang pinanggalingan, tiyak ang pupuntahan. At ang prusisyon ay larawan ng paglalakbay ng simbahan sa kasaysayan ng sanlibutan.  Ang simbahan ay hindi naniniwala na paulit-ulit lamang ang mga kaganapan sa isang walang kabuluhang  paikot- ikot ng mga pangyayari.

Sa aking pananaw, ang paglalakbay ng simbahan ay nagsisimula sa isang tiyak na pook patungo sa isang natitiyak  na direksiyon.  Sa paglalakbay nagsimula ang kasaysayan ng bayan ng Diyos bilang pamilya ni Abraham. Si Abraham ay tinawag ng Diyos na iwanan ang lugar ng kaniyang kapanganakan upang magtungo sa isang lugar na ituturo sa kanya ng Panginoon. At ganoon din tayo sa simbahan, hindi nagpaikot- ikot ng paglalakbay ang Mahal na Birhen. Mula sa Nazaret, ang kanyang pakay ay ang bahay ni Zacarias. 

Ganoon din tayo. Mula sa mundong ito, isa lang ang gusto nating marating at iyon ay ang kaharian ng langit sa buhay na walang hanggan.  Tatandaan niyo ang pinaka- direksyon ng paglalakbay  ng simbahan.

Tanungin natin, ano ba ang direksyon  ng paglalakbay ng parokya ng Lourdes? Ano ba talaga ang direksyon, saan ba tayo patutungo, ano ba ang ating pinanggalingan? Alam ninyo, sa dinami- dami ng dinaanan ng parokya,  isa lang naman talaga ang gusto nating pinapatunguhan, at iyon ay ang Kaharian ng Diyos sa langit.

Huwag tayong magugulo– huwag nating paguluhin ang ating isipan. Maaaring iba’t- iba ang mga issue na  hinaharap natin sa  iba’t- ibang mga yugto ng kasaysayan pero isa lang talaga ang patutunguhan ng paglalakbay na ito.  Kung paano sa kasabihan,  sa kahaba- haba ng  prusisyon sa simbahan pa rin ang tuloy– ganoon din naman, sa hinaba-haba ng paglalakbay ng simbahan, saan mang simbahan,  ito ay magtutuloy pa rin sa bahay ng Ama. At ang lahat ng ginagawa natin bilang simbahan ay naglalayon na tulungan natin ang isat- isa na makarating sa bahay ng Ama.

Ano pa mang social services projects natin,  ano pa mang catechetical projects natin , ano pa mang proyekto ang pagkaaabalahan ng isang parokya– tatandaan ninyo: iisa at iisa lang  ang talagang nilalayon nating marating. At ano iyon? Ang buhay na walang hanggan, ang kabanalan, ang pakikibahagi sa buhay ng Diyos , ang pakikibahagi  sa kanyang kaligayahan sa buhay na walang hanggan .

Kung ang direksiyon lamang ng social service na gawain natin ay malagyan lang ng pagkain ang nagugutom na sikmura, napaka- short-sighted ang programa. Kung ang nilalayon lang natin sa catechetical  program ay maglagay ng kaalaman ng relihiyon sa isip  ng mga tao, napaka- short- sighted  ng programa. Bakit natin  nilalagyan ng laman ang sikmura ng nagugutom? Bakit natin  nilalagyan ng laman ang nauuhaw na isipan ng kabataan? Ang sagot:  kasi gusto natin na sila ay dalhin natin sa Diyos. Nais nating makilala nila ang Diyos, nais nating ibigin nila ang Diyos, nais nating paglingkuran nila ang Diyos para sa bandang huli– maging maligaya sila sa piling ng Diyos sa buhay na walang hanggan.

Ang ganda ng tema natin, paglalakbay sa pananampalataya at sa pagkakaisa. “Big word” iyan! Pagkakaisa, lalo’t higit sa panahon ng  eleksyon. Ginagamit ang salitang iyan- ang pagkakaisa, sapagka’t kailangang magkaisa ang mga Pilipino, kaya gusto nating pag-isahin ang mga Pilipino. Pero saan ba nagkakaroon ng tunay na pagkakaisa? Ang tunay na pagkakaisa ay nakabatay lamang sa katotohanan sapagkat ang  pagkakaisang nakabatay sa kasinungalingan ay hindi nagtatagumpay at hindi nagtatagal.

Kaya, hindi natin puedeng walisin at tanggalin sa harapan natin ang katotohanan ng ating mga kasalanan, at makasalanang lipunan.  Hindi natin puedeng  balewalain ang makatotohanang pangyayari ng kasaysayan. Hindi natin puedeng baguhin ang kuwento ng kasaysayan. Hindi tayo puedeng magkunwari  na ang mga pangit na naganap sa lumipas ay hindi nangyari. Hindi natin puedeng kalimutan ang mga namatay, hindi maaaring kalimutan ang mga siniil, hindi natin maaaring malimutan  ang mga nawalan ng kalayaan .

Tingnan niyo ang paglalakbay ng Mahal na Birhen. Ano ang layunin ng kanyang paglalakbay? Simple lang—na tulungan niya ang kanyang pinsang si Elizabeth. Bakit? Kasi kailangan ni Elizabeth ang kanyang tulong dahil ang totoo, mahirap magdalang- tao sa katandaan. Realidad, matanda si Elizabeth , realidad- mahirap kumilos and matanda, realidad- mahirap  magdalang -tao ang matanda. Nakita ni Maria ang katotohanang iyon. Kaya nga ang tugon niya ay isang katugunan na nakabatay sa realidad ng kanyang nakikita. Eto ang pangangailangan– I therefore conclude pupunta ako para tumulong. Hindi siya pumunta para magmaganda; hindi siya pumunta para magmukhang magaling sa harap ng nanood; pumunta siya kasi  gustong niyang tumulong.  Bakit, kasi totoo ang problema na kinasasadlakan  ni Elizabeth.

Ganoon din tayo mga kapatid. Sa ating paglalakbay ngayon, ang tanong– saan patutungo ang parokya ng Lourdes sa paglalakbay niya pagkatapos ng ika-pitumpung taon ng kanyang anibersaryo? Paano natin malalaman kung ano ang direksyon na ninanais ng Diyos  na tahakin ng ating parokya? Ang sagot:  magtipon tayo, umupo tayo, makinig tayo sa  kuwento ng isa’t- isa , magnilay, at sama samang humingi sa Diyos ng direksyon.

Ang tawag diyan ay Synod Way,  na sa paglalakbay ng simbahan kailangang naka- ugat ang ating paglalakbay  sa mga tunay na pangangailangan , sa mga tunay na sitwasyon . At paano natin malalaman ang tunay na katotohanan- ang tunay na sitwasyon? Simple lang. Sama- sama tayong umupo, sama- sama tayong magtanong, sama- sama tayong makinig sa kuwento, paniniwala at opinyon ng isa’t- isa. At batay sa ating narinig, hingin natin sa Diyos Panginoon: saan mo ba kami nais magtungo? Ano’ng mga pangangailangan ang gusto mong tugunan namin? Ano bang mga bagay na nais mong gawin namin? Kung noon, ang naging mga tanong:  saan ba pupunta ang parokya?- ano’ng gusto ng parish priest? Tanungin ninyo: ano’ng gusto mo, Father? May bagong parish priest, pupulungin niya—“Father, ano ba ang gusto mo sa susunod na mga taon ng inyong pananatili sa parokyang ito?”

Pagkatapos ng tanong na iyan, si Father magtatawag –“halika kayo! magtipon- tayo, upo tayo, kuwentuhan naman ninyo ako; ano ba ng nasasa loob ninyo? ano ba  ang mga bumabagabag sa inyo? Ano bang nakikita ninyo sa simbahan? ano pa ba ang mga pagkukulang ng simbahan? Magsalita kayo, makikinig ako.” At kapag narinig ang boses ng lahat, saka tayo sama- samang magdadasal: “Panginoon, katulad ni Maria, saan mo nais naming ihatid  ang iyong Anak na si Hesus? Saang kaburulan ng Judah gusto mo kaming isugo? Saang bahay mo kami nais pumasok? Ano bang gusto mong patutunguhan ng simbahan ? Saan pa ba mas mas nangangailangang itatag ang kaharian ng Diyos?

Sa paglalakbay na ito ng synodality, kaagapay natin si Maria. Bakit si Maria? Kasi si Maria ay marunong makinig. Pinakinggan niya ng maigi ang sinabi ng anghel tungkol sa anak na kanyang dadalhin sa kanyang sinapupunan. Pinakinggan niya ng maigi ang sinabi ng anghel  tungkol sa pangangailangan ng  kanyang matandang pinsang si Elizabeth. Pinakinggan ni Maria maging ang mga sinabi ng mga pastol, na nag-awitan noong gabing dumalaw sila sa sabsaban . Pinakinggan niya ang sinabi ni Simeon noong kinarga nito ang sanggol sa kanyang mga bisig. Pinakinggan niya ang sinabi ng kanyang anak noong ito ay natagpuan nila na nasa templo at nakikipagtalastasan sa mga pantas. Pinakinggan niya. At ano ang sinabi ng Banal na Kasulatan? Nakinig si Maria at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinagnilayan niya sa kanyang puso.

Mga kapatid, sa panahong ito ng synodality, hingin natin sa Mahal na Ina,  ang kakayanang makinig -makinig ng mabuti sapagka’t halos lahat ng tao gustong magsalita at hindi nakikinig. Kaya nga nagkakalabo-labo ang mga debate; kaya nagkakalabo-labo ang mga rally. Kaya nagkakalabo-labo ang lahat, kasi gusto ng lahat magsalita  pero walang gustong makinig. Kung pinakikinggan lang natin ang isa’t- isa, maririnig natin ang tinig ng Espiritu Santo. Tatandaan natin iyan, kung pinakikinggan natin ng maigi ang isat isa, maririnig natin ang Espiritu Santo.

Tatandaan- ang Espiritu Santo ay nagsasalita sa pamamagitan sa pinakamaliliit nating kapatid.  Hindi lamang siya nagsasalita sa pamamagitan ng mga may kapangyarihan. Ang Mahal na Birhen ang mismong nagsabi niyan.  Pinakita niya ang lakas ng kanyang bisig. Pinangalat ang mga palalo ang isipan, binagsak ang mga hari sa trono. Itinaas ang  mga nasa abang kalagayan; binusog ng mabubuting bagay ang mga nagugutom; pinalayas ng walang anuman ang mayayaman.

Nagsasalita ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga malilit na tao. Kaya sa paglalakbay  na ito sa synodality,  ang sabi ng Santo Papa: walang maiiwan, walang ma- itsapwera. Sama- sama tayong maglakbay. Sa paglalakbay na ito, hingin natin sa Mahal na Birhen ang kakayanang makinig sa tinig ng Espiritu Santo na nagsasalita sa pamamagitan ng mga maliliit nating kapatid.

Ave Maria Purisima, sin pecado concebida! (Hail, Purest Mary, conceived without sin)

#NSOLLPH #lourdesOFFICIAL