“INANG MARIA: KASAMA NATIN SA PAGLALAKBAY NA NAGKAKAISANG  PAGBABAHAGI NG ATING PANANAMPALATAYA”

0
842

Isinalin ni Michelle C. Garcia

IKA-PITONG ARAW NG MISA NOBENA PARA SA DAKILANG KAPISTAHAN NG MAHAL NA BIRHEN NG LOURDES

HOMILIYA NI REV. FR. RAUL BUEN, KURA PAROKO NG STA. PERPETUA PARISH

Isang napakagandang gabi po sa inyong lahat! Sa dami ninyo, wala man lamang akong narinig na sumagot. Magandang gabi po. Ay! nandyan pala kayo.

Sa March 1 po,  labing- siyam na taon na po akong pari. Parang kailan lang; labing- siyam na taon na sa pag- papari. Bagama’t labing- siyam na taon akong pari, pag ako nakakapasok sa isang napakagandang simbahan at ako ang magmimisa, sabi ko sa aking sarili:  “Ang sarap pala maging pari! Ramdam na ramdam ko ngayon ang pagiging pari dahil sa napakaganda ninyong simbahan.”

Noong si Hesus ay nagbagong- anyo, kasama niya ang kanyang mga alagad. Sinabi ni Pedro: “Panginoon, sana dumito na lang tayo. Magpapatayo tayo ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Gusto ko sabihin, ngayon puwede ba tayong magpatayo ng tatlong kubol dito? Isa kay Bishop, isa kay Father Jeff, puwede po ba ang isa para sa akin?  Parang gusto ko nang ilipat dito ang parokya ko. Gusto ko ng ipasok dito ang parokya ko – Sta Perpetua at Felicidad. Dito na lang dahil napakaganda ng inyong simbahan. At marahil hindi lamang ang simbahan ang maganda, lahat ng nakikita ko dito ay maganda. Kahit naka- facemask kayo, nakikita ko ang gaganda ninyo! Sabihin nga sa katabi ninyo “ang ganda mo!”

Maganda ka sa paningin hindi lamang ni Father Raul bagkus maganda kayo sa paningin ng Diyos sapagka’t kayo ay tumatalima sa kalooban ng Panginoon. Ginawa ninyong modelo ang ating Mahal na Ina sa pagpapahayag ng kanyang pananampalataya; sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sana ito ang laging tumitimo sa inyong isip, sa inyong puso, bilang mga parokyano ng simbahang ito. Inaalala natin ang ating Mahal na Ina na siya ay ang ating modelo kung ating pinag- uusapan ay ang ating pananampalataya, isang komunidad, isang parokya nagkakaisa, sama -samang naglalakbay at sumusunod sa kalooban ng Diyos.

Sa ating Ebanghelyong narinig, kinuwestiyon ng mga Pariseo  at Escriba ang ating Panginoong Hesus sapagka’t nakita nila na ang mga alagad ay kumakain, hindi sumusunod sa tinatawag na atas – ritwal bago kumain. Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain. Naalala ko tuloy noong first assignment ko. Ako po ay pinadala sa Norte, sa Mountain Province sa Paracelis, sapagkat dati po, ako ay isang religious. Ako po ay miyembro ng CM, Congregation of the Mission – Vincentian. Pinadala po ako sa Mountain Province at dito ko naranasan ang tinatawag na paghuhugas ng kamay.

Minsan, naimbitahan ako sa isang bahay: Father , maghapunan ka naman po dito sa amin. Kami po ay maghahanda. Pinaunlakan ko ang kanilang paanyaya at habang sila ay naghahanda ng makakain at kami ay naupo na sa lamesa. Mayroon isang tabo na pinapaikot: “Father, mauna ka na.” Ano ang gagawin sa tabo? Ang tabo may lamang tubig. Doon pala ako maghuhugas ng kamay. Sa dami namin, isang tabo lang! Mabuti na lang ako ang nauna. Subali’t nakita ko doon na hindi iyong paghuhugas o paglilinis ng mga kamay ang napakahalaga bagkus dito ko nakita ang isang tunay at nagkakaisang komunidad. Bagama’t isang tabo lamang pinaghuhugasan, walang kiyeme; walang arte – lahat nagsawsaw, naghugas ng kamay sa nag- iisang tabong tubig bago kami kumain.

Sa aking pakiwari, ang mahalaga ay hindi ang paghuhugas bagkus iyong pagkakaisa ng komunidad, ng isang sambahayan – iyon ang mahalaga na tinanggap nila ako bilang ako. Nakiisa sa kanila bilang sambahayan, bilang komunidad,iyan ang mahalaga! Iyan ang aking karanasan kaya sinabi ng ating Panginoon sa ating Ebanghelyong narinig: “Tunay na mayroon mga dapat sundin na tradisyon mula pa sa mga ninuno.” Mahalaga po iyan. Sa katunayan, ikatlong siglo hanggang ika – apat na siglo bago pa man dumating ang ating Panginoong Hesus, hindi lamang isa, dalawa, tatlo, sampu bagkus libo – libong mga atas, turo, tradisyon, ritwal ang sinusunod ng mga Hudyo.

Sabi nga bawa’t letra ng atas turo ni Moises at iba pang tradisyon, sinusunod ng mga Hudyo. Subali’t nang dumating ang ating Panginoon, binago niya ang kamalayan ng mga tao. Para sa ating Panginoon, hindi mahalaga ang mga panlabas ng mga sinusunod na ritwal at tradisyon – na sinusunod ng mga tao bagkus ang mahalaga ay kung ano ang nasa kalooban ng bawa’t isa.

Ano nga ba ang kahulugan ng ating relihiyon? Ang relihiyon ba natin ay ang pagsunod sa mga tradisyon? Ano po ang sinasabi ng Diyos sa atin? Ang relihiyon ay hindi lamang ang pagsunod sa mga ritwal, panlabas na mga ritwal, mga tradisyon bagkus ang relihiyon natin ay nagsasabi na mahalin mo ang Diyos at mahalin mo ang iyong kapwa. Ang sinasabi ng ating relihiyon—mahalin ang Diyos, mahalin ang kapwa – nothing more, nothing less. Sabihin ninyo nga po sa mga katabi: Mahal ka ng Diyos kahit ganyan ka, kahit madalas masungit ka, kahit madalas ang tawag sa iyo iyong hindi mo tunay na pangalan. Ang tawag sa iyo “Marites” pero sa kabila niyan, mahal ka ng Diyos. Amen po ba?

Kaya nga po kung ang sinasabi ng Panginoong Hesukristo sa ating Ebanghelyo: “Ang mahalaga kung ano ang nasa kalooban mo, ang mahalaga sumunod ka sa atas ng Diyos na sinasabi na mahalin ang Diyos at mahalin ang iyong kapwa.” Napakaganda ng tema ng ating nobenaryo: Pitong Dekada ng Paglalakbay na Nagkakaisang Nagpapahayag ng Pananampalataya.” Iyan dapat ang sinasabuhay natin na tayo bilang komunidad, bilang isang parokya, nagkakaisa sama- samang naglalakbay para ipahayag ang ating pananampalataya. At sino ang ating huwaran? Ang mahal na ina na sa simula pa lang ay naglakbay na upang ibahagi ang kanyang pananampalataya katulad ng ginawa ni Maria nang siya ay bumisita sa kanyang pinsang si Elizabeth. Napakahirap ng kalagayan ni Maria sapagka’t siya ay nagdadalantao katulad ni Elizabeth nguni’t naglakbay siya. Nakiisa siya. Ibinahagi niya ang kaniyang pananampalataya kay Elizabeth. Ganyan si Maria, laging naglalakbay, laging nakikiisa, laging nagpapahayag, nagbabahagi ng kanyang pananampalataya.

Tayo po ba ay sama- samang naglalakbay? Tayo po ba ay nagkakaisa sa pagpapahayag ng ating pananampalataya? Ang ating pananampalataya hindi lamang para sa atin bagkus ang ating pananampalataya katulad ni Maria ito ay binabahagi na dapat tayo naglalakbay. Maglakbay tayo. Gawing modelo’t huwaran si Maria sa kanyang ginawa upang ipahayag, ibahagi ang ating pananampalataya.

Sa panahong ito ng pandemya, marami sa atin ang nawawalan na ng pag-asa. Sa panahong ito, marami na ang nawawalan ng pananampalataya. Nasaan ang Diyos? Ang tanong ng ilan sa atin sa gitna ng ating kinakaharap na pagsubok para bagang napakalayo ng Diyos. Na kung saan,  kaya tayo mga tagasunod ni Maria, dapat tayo maglakbay. Hanapin natin ang mga taong ito na nawawalan na ng pag-asa, ng pananampalataya. Ibahagi natin ang ating panananampalataya sa kanila. Iyan ang tunay na kahulugan ng ating relihiyon. Iyan ang tunay na kahulugan ng ating debosyon sa ating Mahal na Ina na dapat ibahagi natin ang ating pananampalataya. Tayo ay sama- samang maglalakbay ng nagkakaisa at ibahagi natin ang ating pananampalataya sa ating Panginoong Diyos.

Mga kapatid, ito ang hamon sa atin lalong- lalo na ngayon sa panahon ng pandemya. Tayo nawa nagkakaisa, naglalakbay, nagpapahayag ng pananampalataya at ibinabahagi ang pananampalatayang ito sa ating kapwa. Dapat nating mahalin ang ating kapwa kahit na minsan sila ay hindi kaibig- ibig; ang ating kapwa, dapat nating patawarin kahit kung minsan, hindi sila karapat- dapat ng ating pagpapatawad. Ibahagi natin ang ating pananampalataya sa mga taong tinatawag na “untouchables.” Let us touch them. Share with them our faith. Nariyan ang ating Mahal na Ina. Sasamahan tayo sa paglalakbay- nakikiisa sa ating pagpapahayag, pagbabahagi ng ating pananampalataya. Pagpalain po tayo ng ating makapangyarihang Diyos. Amen.

#NSOLLPH #lourdesOFFICIAL