Isinalin ni Carmina Calixto-Pamilar
IKA-ANIM NA ARAW NG NOBENA PARA SA DAKILANG KAPISTAHAN NG MAHAL NA BIRHEN NG LOURDES
HOMILIYA NI REV.FR. GUIDO EVERAERT, CICM, Kura Paroko ng The Most Holy Redeemer Parish
Sa mga Pagbasa ngayong gabi, ating pagnilayan ang dalawang klaseng karanasan ng Diyos. Halos, sa opinyon ko, mga magkasalungat na larawan ng Diyos.
Ang Unang Pagbasa ay hango sa Unang Aklat ng Mga Hari sa Lumang Tipan. Isinasalarawan dito kung paano iniaahon ang tinatawag na Kaban ng Tipan mula sa lungsod ng Sion papuntang Herusalem. Iyong Kaban ng Tipan, maikukumpara natin sa ating “Tabernakulo”. Pero, noong panahon, iisa lang ang Kaban ng Tipan sa buong Israel. Ito iyong lugar na kung saan itinatago iyong alam nating Sampung Utos ng Diyos. Iyong dalawang tapiyas na bato na tinanggap ni Moises mula sa Diyos, at kaniyang dinala mula sa bundok ng Horeb ibinababa at itinatago na doon sa Kaban ng Tipan.
Sa narinig natin kanina, iyong buong bayan, nagtitipon-tipon doon sa harapan ng Kaban ng Tipan. At yung Sanktuwaryo ay tinatawag na kabanal-banalang lugar. Doon, nakalapag iyong lagayan ng dalawang tapiyas na bato, nag-aalay sila sa harapan nito ng napakaraming mga tupa bilang handog. Alam nating noong panahon sinusunog nila ang kanilang mga alay at, narinig din natin, kung paano napupuno ng ulap ang buong Santuwaryo.
Noong panahon, iyong ulap ay palatandaan na naroon na mismo ang Diyos. At sabi, napupuno ng Luwalhati ni Yahweh ang Santuwaryo; pati na iyong mga pari ay napilitang lumabas na parang hindi rin nila kaya ang sobrang kabanalan ng Diyos na naroroon. At iyon ay masasabi nating pagsasalarawan ng isang Diyos na kakaiba talaga, isang Diyos na kabanal banalan, sinasamba, hinahandugan. Ang Diyos na makapangyarihan, ang Diyos na kataas-taasan.
Ngayon naman tignan natin ang Ebanghelyo. Sa Ebanghelyo, sa iilang talata, nakikita natin si Hesus habang tinutupad Niya ang Kaniyang misyon. Ano ang Misyon ni Hesus?” Nadinig natin, itong mga nakaraang araw ng linggo sa mga pagbasa mula sa Ebanghelyo, Sinusugo ako upang ipahayag sa mga dukha ang Mabuting Balita. Iyong Mabuting Balita tungkol sa isang Diyos na nagmamalasakit sa tao, isang Diyos na malapit sa tao.
At si Hesus iyong buhay na larawan nitong klaseng Diyos at kinukuwento ni San Marcos kanina sa iilang talata lamang kung paano dumadagsa ang mga tao kay Hesus, kung paanong sila’y Kaniyang pinagagaling, pinag-mamalasakitan. At yan ang Imahe na paulit- ulit nating makikita sa Ebanghelyo.
Si Hesus sa gitna ng mga tao, mahilig makipag- kuwentuhan sa kanila, mahilig mag-kuwento ng mga talinghaga, mga simpleng istorya, nanggagaling sa pang araw-araw na buhay ng mga tao para iparating sa kanila ang mensahe tungkol sa Diyos. Isang Diyos na mapagmahal na Itay, isang Diyos na mapag-patawad na Kaibigan, isang Diyos, kasama ng Kaniyang Bayan. At alam natin si Hesus mismo itong Diyos. Kaya isinasabuhay Niya ang lahat ng Kaniyang itinuturo. Kaya iyon ang dalawang larawan, magkaibang larawan ng Diyos: ang Kabanal-banalan doon sa Lumang Tipan, ang Diyos na kapwa tao sa panahon ni Hesus.
Mga kapatid, sa ating buhay, napakamahalaga na tayo’y may karanasan sa Diyos, pero hindi ito gaanong kadali, aminin natin, Hindi naman siguro sa araw-araw, damang-dama natin ang Diyos. May mga panahon na mukhang malayo ang Diyos; parang gusto ko Siyang kausapin pero hindi Siya tumutugon.
Pagkatapos ng kamatayan ni Mother Theresa, nakita nila ang kanyang parang mga sulat tungkol sa buhay niya, at napansin nila na dumaan pala si Mother Theresa sa loob ng nagtagal na tatlong taon kung saan niya sinasabi “Ang Diyos ay hindi na nakikipag- usap sa akin, parang wala na Siya.” Kung naranasan ito ni Mother Theresa, iyong pakiramdam niyang iniwan siya ng Diyos. Tayo pa kaya?
Pero, may mga pagkakataon na mukhang damang-dama natin ang Diyos sa puso natin. Iyong masasabi nating puso–sa-pusong ugnayan ng Diyos at ng tao. Siguro, sa pagkakataon ng isang retreat o nasa pagkakataon ng katahimikan, o sa isang malaking pagdiriwang ng piyesta, damang dama, naririto, kasama natin ang Diyos. At paminsan-minsan, nagpaparamdam Siya bilang iyong kabanal-banalan,
Paminsan-minsan, nagpaparamdam Siya bilang kapwa natin. Maaari, dahil damang-dama natin ang Diyos na kumikilos sa ating Nanay, sa ating Tatay, sa isang taong nagmamalasakit para sa kaniyang kapitbahay o ano man. Kaya’t iyong karanasan ng Diyos nandodoon.
Pero tayo mismo, kailangan maipakilala natin itong dalawang uri ng Diyos sa ating kapwa. Iyon din ang ating misyon: “Paano ko maipapakilala ang Diyos na kabanal-banalan at ang Diyos na nagmamalasakit maaari sa pamamagitan ng aking buhay-panalangin. At maaari, mas madali sa pamamagitan ng aking kilos, sa pamamagitan ng aking pakikitungo sa aking kapwa, sa pamamagitan ng ating mga gawain para sa katarungan, kapayapaan, katotohanan,-na sinasabing kahalagahan ng kaharian ng Diyos.
Misyon natin na ipakita itong mukha ng Diyos. Ngayon, ang huling tanong ay “may kaugnayan ba ito kay Maria dahil siya naman ang sentro ng ating nobena?” Siyempre, sapagka’t si Maria ang ganap na huwaran ng isang tunay na Kristiyano. Lahat ng binanggit ko, makikita natin kay Maria. Naranasan niya ang Diyos sa isang natatanging pamamaraan nang kinausap siya ng Anghel, nang binigyan siya ng malaking pananagutan ng Anghel. Kakaiba ang Diyos doon. Pero naranasan niya ang Diyos sa kaniyang sariling Anak. Iyong kaniyang Anak na tinulungan, ginabayan, sa loob ng kaniyang pagkabata. Iyong kaniyang Anak na lumaki at hindi na niya naiintindihan. Iyong Anak niya na pinako sa krus.
Pagkatapos, masasabi natin na hindi lang naranasan ni Maria ang Diyos pero pinakikita ni Maria ang Diyos sa atin. Sa kaniyang Magnificat, ang Diyos na kabanal banalan. Pero ang Diyos din na mag-aayos ng kasaysayan sa lipunan- iyan ang pinahahayag niya sa kaniyang Magnificat. Sinasabi niya sa atin tungkol kay Hesus, gawin mo lahat ng sasabihin niya sa inyo, at ginawa niya hanggang sa ilalim ng krus. At iyon ang masasabi nating ugnayan ni Maria sa ating dalawang pagbasa.
Isang pahabol lamang, ako po ay taga Belgium, so noon, bago ako pumasaok sa Seminaryo, sa edad labing-walong taon, ako ay nakapunta sa Lourdes, dahil malapit ang Lourdes sa Belgium kung tutuusin. Doon ko nakita iyong kabanal-banalang Diyos dahil sa pananampalataya ng libo- libong mga tao na araw- araw lumalapit sa grotto. Iyong pananampalataya na hindi mo maikakaila. Dito may nagaganap na kabanal banalang-gawain. Pero sa kabila din, iyong mukha ng pagmamalasakit ng Diyos. At sa Lourdes, hindi talaga si Hesus ang sentro; si Maria ang sentro. Hindi natin matatanggihan iyon. Si Maria naman iyong mukha ng kaniyang Anak, na nag mamalasakit tulad ng nadinig natin sa Ebanghelyo. Nagpapagaling sa dami ng mga maysakit na lumalapit sa kanya At iyon ang pinapakita ni Maria sa Lourdes. Magpasalamat po tayo para sa halimbawa at buhay ni Maria para sa atin. Siya nawa.
#NSOLLPH #lourdesOFFICIAL