Isinalin ni Michelle Garcia
IKA-LIMANG ARAW NG NOBENA PARA SA DAKILANG KAPISTAHAN NG MAHAL NA BIRHEN NG LOURDES
HOMILIYA NI REV. FR. JEFFERSON E. AGUSTIN, OFMCAP. KURA PAROKO AT REKTOR NG DAMBANA NG MAHAL NA BIRHEN NG LOURDES
PEBRERO 6, 2022
Isang pinagpalang gabi po sa lahat at gayundin sa mga kapatid nating nakikiisa sa ating online mass, at sa mga kapatid natin na nasa labas at nasa tent.
Tayo po ay magpasalamat at magpuri sa Diyos bilang kanyang isang pamilya. Bagama’t tayo ay magkakahiwalay ng lugar pero lagi po nating tatandaan isang pamilya lang po tayo ng Diyos. Huwag nating iisiping may diskriminasyon.Lahat po tayo ay mga anak ng Diyos at lahat po tayo ay tinatawag ng Diyos upang maging marapat sa pagharap sa kanya.
Mga minamahal kong mga kapatid, mayroon po tayong expression sa wikang Ingles- “we have our own love story to tell.” Love story mo sa iyong mahal na asawa, love story mo sa iyong kasintahan, love story mo sa iyong nanay at tatay, love story mo sa iyong mga kaibigan, love story mo sa iyong katrabaho, at higit sa lahat iyong love story mo kay Hesus.
Mayroon ka na bang love story kay Hesus? Naranasan mo na ba si Hesus sa iyong buhay? Naramdaman mo ba ang pagmamahal ni Hesus sa puntong ito ng iyong buhay pananampalataya?
Nabanggit ko ito sapagka’t may vocation love story si Pedro at si Hesus na ating narinig sa ebanghelyo at dito makikita natin yung first “hello” ni Hesus kay Pedro. Naalala ko po iyong awitin na “where do I begin?” Iyong love story na isa sa gusto kong inaawit na may words na—“her first hello gave meaning to this empty world of mine..”– iyong unang pagtatagpo, ang unang pagbati mo na nagbigay ng kahulugan sa salat kong buhay. Iyong pagdating ng isang taong ito ang nagbigay ng kahulugan sa buhay mo. Kaya sa Ebanghelyo na ating narinig kay Pedro- naranasan niya iyong “first hello”ni Kristo sa tagpo ng kanyang pang-araw- araw na buhay.
Sino ba si Pedro? Si Pedro ay isang mangingisda, Si Pedro at ang kanyang mga kasama ay mga expert sa pangingisda. Marahil ito na rin ang buhay na minana niya sa kanyang mga magulang. Hindi madali ang pumalaot para manghuli sa dagat ng isda. Pabago- bago ang galaw ng dagat at hindi lagi tiyak ang kaligtasan para sa mga mangingisda. Nguni’t dahil dito naigugugol ng karamihan ang kanilang panahon, maaaring kabisado na nila ang dagat. Alam na nila kung papaano nila pakikisamahan ang malakas na alon. Alam na nila ang tamang oras para sa pangingisda kasi expert naman sila sa pangingisda. Marahil, alam din nila kung gaano sila kalayo sa pangpang upang makahuli ng maraming isda.
Kaya sa ating Ebanghelyo sa buhay ni Pedro at ng kanyang mga kasama, inilalarawan sa kabila ng kanilang karunungan sa pangingisda; sa kabilang alam na nila kung anong oras maganda ang mangisda; pero sa tagpo ng Ebanghelyo, malungkot ang kanilang damdamin sapagka’t wala silang nahuling isda. Magdamag silang nangisda pero wala silang nahuli kaya bumalik na lang sila sa pangpang upang hugasan ang mga lambat; i-garahe na lang ang bangka at sila ay uuwi na wala man lamang maiuuwing isda para sa kanilang pamilya o sa kanilang kabuhayan. Ginawa na nilang lahat nguni’t bigo pa din sila matapos ang mahabang magdamagang pagpapagod.
Nguni’t sa kabila nito, nang umagang iyon, sa pagdating ni Hesus na kung saan binati sila ni Hesus. Siguro nagkamustahan muna sila. Hiniram ni Hesus ang isa sa dalawang bangka upang gamitin niya sa pangangaral. Pero ang nakakatuwa dito imbes na ipagdamot ni Pedro, ang bangka pinahiram pa. Siguro nakita na ni Pedro iyong kaniyang damdamin kay Hesus na dapat niyang pagbigyan at maging pagkakataon ng kanilang pag- uusap- ng kanilang engkwentro.
Ito yung “first hello” ni Hesus kay Pedro. Dahil dito, sa paghiling ni Hesus na pahiramin sila ng Bangka, siguro iisipin din natin malungkot na nga si Pedro parang bibigyan pa ng dagdag na alalahanin ng ating Panginoong Hesukristo si Pedro. Kasi kakauwi lang nila mula sa magdamagang pangingisda at sa isipan ni Pedro, hindi iyon ang tamang oras para sa pangingisda.
Biruin po ninyo, umaga mangingisda ka. Di po ba ang tamang pangingisda ay gabi, hindi umaga? Ikalawa, mas kailangan nila na magpahinga. Maaaring itong gawing dahilan para hindi pagbigyan si Hesus sa hinihingi niya sa kanila. At ikatlo, mababaw pa lang ang tubig, low tide pa. Hindi naman nila hahayaang gamitin nila ang lambat na mababaw ang tubig. Napakaliit ng posibilidad na makahuli sila ng isda ngayon!
Sino kaya ang makakasunod sa gayong pakiusap ni Hesus na sa kabila ng maraming posibleng dahilan para tumanggi, nanaig pa din kay Pedro ang kanyang pagtitiwala sa katauhan at sa salita ni Hesus. Kung kaya’t kanyang sinabi:”dahil sa Iyong sinabi, ihuhulog ko ang mga lambat.” Pagtitiwala- sa palagay ko po, magaan na iyong kalooban ni Pedro kay Hesus. Bumukas na iyong pagmamahal ni Hesus sa puso ni Pedro kaya’t nandoon iyong pagtitiwala, talagang mahalaga sa nagmamahalan ang pagtitiwala. Mabuti na lamang at hindi nagpatalo si Pedro sa kalungkutan dulot ng kanyang kalilipas pa lang na kabiguan sa kanyang panghuhuli. Kaya nga po sa Ebanghelyong ating narinig, nakita natin iyong pagtitiwala ni Pedro kay Hesus sa pagsunod. At ang Ebanghelyo na mismo ang nagsasabi na ang di pangkaraniwang pagsunod at pagtitiwala ng pangingisda sinuklian naman ni Hesus ng di- pangkaraniwang biyaya at karanasan- nakahuli sila ng maraming isda! Kaya dito lumalalim na yung love story ni Hesus at ni Pedro kasi nandoon na iyong pagtitiwala. Sinunod niya ang nais ni Hesus. Isang karanasang puno ng pagpapala-tunay na higit pa at malayo ito sa kanilang inaasahan.
Kaya po, sa puntong ito ng ating paglalahad ng Ebanghelyo, maaari nating pagnilayan ang mga sumusunod na aral: Una, ang karunungan ng Diyos ay hindi mahihigitan ng kaalaman o karunungan ng tao. Ang Diyos ang unang nagmahal at patuloy na nagmamahal. Sa kaniyang pagmamahal sa atin, ang Diyos pa rin ang lumalapit. Kung ang susundin lang ni Pedro ay ang kanyang kaalaman, maaaring hindi nya ihahagis ang lambat sapagka’t maaari niyang isipin: siya ay mangingisda at si Hesus ay karpintero. Aba! Parang sa ating pangkaraniwang pamumuhay, ikaw ay driver at siya ay pasahero. Puede ba turuan ng pasahero ang driver kung paano mag- drive? Hindi! Ganito rin ang situwasyon ni Pedro at ni Hesus. Si Hesus ay karpintero. Puede ba magturo ang karpintero sa mangingisda? Si Pedro ay isang expert na mangingisda pero ipinakita sa atin ng Ebanghelyo na ang salita na Hesus at ang pagtitiwalang pagsunod ni Pedro ay nagbigay daan para makahuli sila ng napakaraming isda, pagtitiwala. Pangalawa, sa harap ni Hesus at ng himalang naranasan at nakita ni Pedro ang kanyang abang kalagayan. Kung kaya’t kaniyang sinabi: “Lumayo po kayo sa akin sapagka’t ako ay isang taong makasalanan.” Kaya, sa pagharap natin sa Diyos, wala sa atin ang karapat- dapat. Ikaw at ako ay makasalanan. Lahat tayo- may pagkukulang sa Diyos. Kaya nga, inaakay tayo ng karanasang ito ni Pedro sa katotohanan na tayo ay mga tao na mahina; na kung wala ang Diyos. Kaya nga po, sa mga ordination ng mga pari- ang lagi nating maririnig bilang pari, sasabihan ng isang bagong inordinahan:”ako ay tinawag ng Diyos bagama’t hindi karapat- dapat”– yong pag-amin ng “kami ay hindi karapat- dapat na makapag lingkod sa Diyos.” Pero dahil sa kanyang pag- ibig at habag, tinawag Niya. Kaya, ang pagkakaloob sa atin ng Diyos ng anumang himala at mga mabubuting bagay ay daan upang higit tayo magpakumbaba. Napakaraming ginawa ang Diyos sa buhay natin. Iba’t-iba ang karanasan ng pagtawag sa atin ng Diyos sa paglilingkod natin sa simbahan, sa paglilingkod natin sa ating pamilya,sa lipunan, sa mundong ating ginagalawan. Lahat tayo tinawag ng Diyos hindi dahil sa tayo ay karapat dapat. Wala tayong dapat ipagmalaki na”: “mas magaling ako dito sa simbahang ito,” “ako ay maraming pinag- aralan kaya ako ang karapat- dapat.” Kapag ganyan ang sinasabi mo, hindi ka tumatahak sa landas ni Hesus. Ang pag- ibig ng Diyos ay umaapaw, kaya nga sa ating paglapit kay Hesus ngayon, mayroon tayong kasabihan na: “kapag sinikatan ka ng araw, tiyak na lalabas ang iyong anino.” Kapag niliwanagan ka ng Diyos, iminumulat tayo para makita natin ang ating kahinaan. Kaya nga po, kapag tayo ay nasa liwanag, sa liwanag ni Kristo makikilala natin kung sino tayo. Kaya nga po sa tagpo ni Pedro at ni Hesus, ano ang sabi ni Pedro: “lumayo po kayo sa akin sapagkat ako ay makasalanan.” Naramdaman ni Pedro kay Hesus ang pagmamahal ng Diyos sa kaniya.
Pangatlo, mga minamahal kong mga kapatid, ang pagpapalang ating tinatanggap ay may kalakip na hamon at misyon katulad nang naging karanasan ni Pedro sa ating Panginoong Hesukristo. Ang pagpapakita ng Diyos ng tanda sa pamamagitan ng mga tinatanggap nating mga biyaya ay maaaring maging karanasan ng pagtawag at pagtalima. Kaya nga po, naririnig natin sa mga nag seserve: “Father, kaya po ako nag se-serve kasi naramdaman ko yung pagtawag ng Diyos.” Hindi ka tinawag ng kabarkada mo, hindi ka tinawag ng ka-tropa mo, hindi ka tinawag ng kaibigan mo. Tinawag ka ng Diyos, kaya tayo naglilingkod. Sa iyong buhay pag- aasawa, tinawag ka ng bokasyon sa buhay pag- aasawa. Sapagkat ikaw tinawag ng Diyos sa paglilingkod at sa misyon na iyong pabanalin ang iyong pamilyang kinabibilangan mo. Dahil iyan sa pag-ibig ng Diyos.
Kaya po, mga minamahal kong mga kapatid, tinanggap nila Pedro ang hamon ng pamamalakaya ng tao. Tinanggap nila iyong pagpalaot sa mas malalim na kahulugan ng buhay. Kasi, kung ating titingnan ang buhay nila Pedro, routine –paulit- ulit: mangingisda, kinabukasan mangingisda, paulit- ulit, di ba? Kadalasan, nangyayari sa atin na ang buhay natin paulit- ulit lang parang ang babaw- babaw na ng ating buhay pero inaanyayahan tayo ng Diyos ngayon na lalo pa nating palalimin ang buhay natin sa pagsunod sa kanyang tawag na tayo ay maka paglingkod, na tayo ay makapamalakaya ng mga tao; tayo ay makasunod kay Hesus na maging malalim naman sana ang buhay natin.Kaya nga minsan, sinasabi natin; “ang babaw naman ng buhay.. ang babaw naman niya.. ang babaw naman ng pag ibig niya- parang hindi lumalalim ang pag ibig niya.”
Kaya ngayon, mga kapatid, saan man kaya tayo tinatawag ng Diyos sa harap ng mga nakikita nating himala at pagpapala ng Diyos sa ating buhay, tayo ay tinatawag ni Hesus na muling pumalaot, pumalaot; mapalalim ang ating relasyon sa Diyos sa paglilingkod katulad ng mga na unang alagad. Sana’y maging bukas tayo sa mga hamong iniaalok ng Diyos sa pangaraw -araw nating buhay na mas lalo pang lumalim ang ating relasyon kay Kristo; lalo pang lumalim ang pag ibig natin kay Kristo- iyong love story natin kay Kristo. Iyong kay Pedro, maganda ang kanyang love story kay Hesus – hindi naman perfect, kasi may panahon na tinatwa niya si Hesus. Hindi po ba tatlong beses pa? Marami din pag kakataon sa buhay ni Pedro na may ups- and-down ang kanyanng pag sunod kay Hesus. Ganoon din nman po tayo. Mayroon ding mga pagkakataon na bumabagsak tayo sa pagsunod. Sabi nga ninyo: roller coaster ang pagsunod kay Hesus; roller coaster ang buhay; ang pagmamahal. Pero ganoon pa man, kung tayo ay bumabagsak, lagi nating alalahanin ang “first hello” ni Kristo sa buhay natin- iyong unang pagkakataon na tayo ay tinawag niya. doon nagsimula ang love story natin kay Hesus at iyon ang lagi nating babalik- balikan. Sa mga mag- asawa, lagi kong sinasabi iyong “first hello” nila kay Kristo nang sila ay humarap sa altar, iyon iyong “first hello” ng mag- asawa nang sila ay nagpakasal; humarap sa Diyos- iyon ang kanilang “first hello”- yung pagtawag ni Hesus sa kanila na sila maglingkod bilang mag- asawa, Pabanalin ang kanilang pagsasama bilang isang pamilya.
Marami tayong mga “first hello.” Ibat- iba lang pero iyon ang lagi nating babalik- balikan. Kaya nga po sa awiting “Where do I begin love story.” ano ang sabi dito: Where do I begin, to tell the story of how great a love can be, The sweet love story that is older than the sea, the simple truth about the love she brings to me, She fills my soul with so much love. Iyon ang “first hello,” “that anywhere I go, I’m never alone.”Kahit saan man ako magpunta, alam ko hindi ako nag- iisa, kasama ko si Hesus. “I reach for her hand, its always there and she’ll be there” – Lagi nating kasama si Hesus. Pumalaot kayo, mga kapatid, sa lalim ng pag -ibig ng Diyos . Amen.
#NSOLLPH #lourdesOFFICIAL