Kung Mayroon Pa Tayong Hindi Napapatawad, Paano Tayo Mapapatawad Ng Diyos Sa Sarili Nating Mga Kasalanan?

0
964

Ibinuod ni Aurora delos Reyes

Ika-24 Linggo sa Karaniwang Panahon, Ika-13 ng Setyembre, 2020

Unang Pagbasa

Sirak 27: 30- 28:7 “Alalahanin mo ang kasunduan ng Kataas-taasang Diyos at matuto kang magpatawad.”

Salmong Tugunan

Ang ating mahabaging Diyos ay nagmamagandang-loob.

Ikalawang Pagbasa

Roma 14: 7-9  “Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang.”

Aleluya

Bagong utos, ani Kristo, mag-ibigan kayo katulad ng pag-ibig Ko

Mabuting Balita

Mateo 18: 21-35 “Ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?.. Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.”

Paksa

Isang mahalagang paalaala ni Kristo para sa atin bilang mga anak ng Diyos na mahirap minsan pero dapat nating gawin – ang magpatawad. Ang magpatawad ay isang gawain natin bilang mga tunay na Kristiyano. Sa mga pari, ang kadalasang naibubulong sa mga taong nasa bingit na ng kamatayan o nabibigyan ng Extreme Unction o Anointing of the Sick; hindi na sila makapagsalita pero nakakarinig pa rin: “Mayroon ka pa bang taong hindi napapatawad?” Sasabihin ng pari: “Kung mayroon man, patawarin mo na ngayon sa tulong ng grasya ng Diyos. Magpatawad at magsisi sa kasalanan.” 

Napakamahalagang gawin ito sapagka’t kapag ang tao humarap na sa Diyos, makakatagpo lamang siya ng kapatawaran sa kaniyang mga kasalanan kung siya rin ay nagpatawad ng lubusan. Malinaw na turo at gabay para sa atin ang dasal na AMA NAMIN: Patawarin mo kami sa aming mga kasalanan para ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. Kaya ang batayan ng Diyos sa pagpapatawad Niya sa atin ay kung paano rin tayo nagpapatawad.

Pero kung mayroon pa tayong hindi napapatawad, paano tayo mapapatawad ng Diyos sa sarili nating mga kasalanan? Paano pa tayo papasok sa kaharian ng Diyos ng may lubos na kaligayahan kapag mayroon pa rin tayong mga hindi napapatawad?

Pagninilay

Bakit mahalaga ang magpatawad:

1. Mahalaga magpatawad tayo sapagka’t sa larangan ng siyensya, kapag ang tao ay puno ng poot, galit o sama ng loob, ito ay nagdudulot ng sakit– kanser, minsan. Alam naman natin iyon. At kapag hindi ka nagpapatawad, hihiga ka na lamang sa iyong kama, ikaw nagngingitngit sa galit, hindi ka makatulog kasi naaalala mo iyong taong gumawa sa iyo ng masama, pero yung tao namang iyon, ang sarap ng tulog.

2. Ang Diyos mismo ay mapagpatawad at tayong mga anak Niya mahalaga rin na kamukha tayo ng Diyos – mahabagin. Ang pagiging maawain at mapagpatawad ay ang kabilang larawan ng pagmamahal. Ang tunay na nagmamahal, marunong magpatawad. Ang Diyos ay isang Diyos na laging handang magpatawad. Kung mayroon pang isang dahilang paudyukan tayo para hindi nating makalimutang magpatawad at bigyan ng lakas para lalo pa tayong magpatawad ay iyong naikuwento ng  ating Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng talinghaga o “parable”, katulad tayo ng taong iyon sa harap ng hari na napakalaki ng utang – sampung milyong piso – napakalaking halaga pero pinatawad pa rin siya. Nguni’t hindi niya napatawad ang isang kapwa lingkod na ang utang lamang sa kaniya ay limandaang piso. Sinaktan pa niya iyong taong ito, sinakal at ipinakulong. Ang naging bunga nito: pinatawag siya ng hari at sinabi sa taong ito: “Napakasama mo! Pinatawad kita pero ang iyong kapwa  hindi mo pinatawad.” At ang taong ito ay ipinabilanggo ng hari “hanggang sa mabayaran nang buo ang kaniyang utang.”

3. Napakalaki ng ating utang na loob sa Diyos. Sa dami na ng ating mga kasalanan ay pinatawad pa rin tayo ng Panginoon. Simula pa nang pagkabata natin, kung paano natin sinaktan ang Inay, tumakas, nangupit. Mas marami pa ang naging  kasalanan nang lumaki tayo nanghalay, mahalay, mayabang, nanira, nandaya, nagnakaw, nakiapid.  Nguni’t sa lahat ng mga pagkakamaling iyan, minahal pa rin tayo ng Diyos. Ang pruweba kung bakit tayo mahal pa rin ng Diyos?- Buhay pa tayo. Nandidito pa tayo. Sapagka’t kung isusumatutal natin ang ating mga kasalanan, nararapat sa ating parusahan na ng kamatayan. Wala sa ating makatatakas sa bigat ng ating nagawang kasalanan subali’t ang katotohanan ay lagi tayong pinatatawad ng Diyos. Pero alalahanan natin na mayroon din tayong mga kasalanang mabibigat at kung paanong binigyan tayo ng bagong simula ng Diyos.

4. Tayo’y pinatawad at sana ito rin ang makapagbigay sa atin ng lakas para doon sa ating kapwang humihingi ng patawad na ating patawarin. Dito makikita ang ating pagiging mga tunay na Kristiyano sapagka’t ang larawan ng Kristiyano ay larawan ni Kristo – bagaman nakabayubay sa krus at inalimura kahit wala Siyang bahid ng kasalanan, pinatay. At sinabi pa Niya: “Ama, patawarin Mo sila sapagka’t hindi nila natatanto o nauunawaan ang kanilang pagkakasala.” Habang naglalakbay tayo sa buhay, nais ng Diyos na ang ating puso ay magkaroon ng pagbabago; isang pusong marunong magpatawad.

Hamon

Marami rin ang mga nagtatanong kung papaano ang magpatawad sa mga sitwasyon?

Sa isang aklat – Christian Ethics – ng isang napakahusay at kilalang theologian, Father Carl Feste, SVD, nagbigay ng linaw tungkol sa pagpapatawad.

  • Para makatanggap ng tawad, kailangan din magsisi at humingi ng tawad ang isang nagkakamali. Kahit ang Diyos ay naghihintay sa isang taong magsisi para siya ay patawarin. Sapagka’t kung hindi siya magsisi at humingi ng tawad, wala siyang matatanggap na kapatawaran. Kung tayo ay nagkasala o nagkamali, mahalaga na tayo ay tunay na nagsisisi at humihingi ng patawad. Nandoon iyong pagsisisi at determinasyon na magbago para hindi na naipagpapatuloy ang kasalanan. Kung nandoon ang sinserong determinasyon na magsisi, humingi ng patawad at magbago, ang taong ito ay mapapatawad. Mahalaga ito sa mga mag-asawa. Minsan, nagrereklamo iyong asawa. Nagso-“sorry” pero hindi naman pala tunay iyong “sorry” kaya paano magkakaroon ng kapatawaran? Importanteng nagsisisi ng tunay iyong taong humihingi ng patawad.
  • Mayroong tinatawag na bayad-sala o “restitution.” Halimbawa, iyong anak ng kapitbahay mo binato iyong salamin ng bahay ninyo at ito na iyong nanay lumalapit sa iyo: “Kumare sorry na sa aking anak.” Ano’ng gagawin natin? Siyempre, patawarin. Pero iyong nagsisisi kahit papaano, ipagawa naman iyong salamin na nabasag. Ibalik iyong ayos. Sapagka’t hindi naman puedeng “sorry” lang at hindi naman aayusin iyong nasira. Importante din iyon sapagka’t kung hindi natin inayos iyong mga sitwasyon kung saan tayo nagkasala, kung hindi naman natin iyan pagbabayaran ngayon, tiyak ang kabayaran ay sa kabilang buhay.
  • Ito ang isa pang halimbawa ng mas mabigat na kasalanan. Halimbawa, nakapatay ka ng tao at nagsisi ka sa bandang huli. Lumapit ka sa kumpisalan sapagka’t alam mo dahil sa iyong pagsisisi ang Panginoon, tiyak patatawarin ka. Pero paano naman iyong asawa ng lalaking pinatay mo, naging balo at iyong mga anak nila, hindi na nakapag-aral, hindi na nakatapos? Kahit paano, karga de konsensya mo pa rin iyon. Importante kahit papaano, makabawi ka man lamang sa nagawa mong pagkukulang.
  • Kailangang maiayos kung ano man ang masamang naging resulta dahilan sa iyong pagkakamali. Ang ating Panginoon ay Diyos ng pag-ibig at hustisya. Sa bandang huli, kinakailangan pa rin nating pagbayaran ang kasalanang nagawa. Ito ang dahilan kung bakit hangga’t maaari, ayaw ng Diyos na tayo’y magkasala. Hangga’t maaari, ayusin natin habang tayo ay nandidito sa mundong ito. Dito ipinapakita ng Diyos ang Kaniyang pagmamahal kaya’t habang tayo ay nabubuhay sa daigdig, bibigyan Niya tayo ng pagkakataong maiayos ang sinumang ating na-agrabyado. Bibigyan Niya tayo ng kapasidad  na kahit papaano, hindi naman siguro maaaring  parehas na parehas, para lang maiayos ang ating pagkukulang. Bibigyan tayo ng karunungan para maunawaan natin na ito’y dapat ayusin sapagka’t habang hindi natin ito naiaayos, dala-dala pa rin natin ito. Ang gawaing pagpapatawad ay hindi dapat ipagsawalang-bahala kasi minsan ang akala natin – tutal patatawarin naman ako ng Diyos; tutal makakapagkumpisal naman ako – okay lang. Pero delikado itong mga kaisipang ito kasi mayroon laging balik ang ating mga pagkakasala. Kaya ito talaga ang dahilan kung bakit ayaw ng Diyos na mangyari ito sa ating buhay. Ang nais Niya: pagsumikapan nating gumawa ng mabuti at iwasan ang gumawa ng kasalanan. Ito ang magandang balita: makakaasa naman tayo na anuman ang gawin nating kasalanan, handa lagi ang Diyos na magpatawad sa atin. Magbibigay Siya sa atin ng mga pagkakataong makabalik sa Kaniya na mayroon pa ring dignidad at kapayapaan sa ating puso.

Misyon

Kung mayroon pa tayong mga kapatid na hindi pa napapatawad, hingin natin sa Diyos ang biyaya at lakas na mapatawad natin sila. Hindi tayo huhugot ng lakas na ganang sariling atin kung tayo ay magpapatawad, hindi natin kaya iyan. Para tayo makapagpatawad, kailangan natin the grasya at biyaya ng Panginoon. Tuwing tayo ay nagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, ito ang ating ipagdarasal: Panginoon, bigyan mo ako ng lakas dahil iyong taong nakasakit sa akin kailangan kong patawarin. Kayo na po ang bahala. Ito ang ating tuwing pagsamo nang sa ganoon ang ating pagmamahal sa kapwa ay maging tunay at ganap.

#NSOLLPH